sa panahon na nalulungkot tayo sa mga bagay-bagay
isa lang ang lagi nating isipin:
"magpapatuloy ako pasulong kahit ano pa ang kaharapin.."
tunay na kay daming kontradiksyon
kay raming hihila o humihila palihis o paurong
pero sa bawat pagkakataong ganoon
pumikit ka ng mataimtim na tila ba nagdarasal
maaari din namang sa sandaling iyon
kinakausap mo ang sariling di mo pa tunay na natutuklasan
matapos noon ay galugarin mo
ang malawak na bilang ng maralitang
patuloy na pinahihirapan sa lipunan
...ang mga magsasakang hanggang sa kasalukuyan
walang sariling lupang sakahan
habang patuloy na kinakamkam
ang bukid na ninuno pa nya ang nagbungkal at nagpayaman
ang hagupit ng init ng araw hindi iniinda
para may makain ang iyong pamilya
at ang milyon-milyong iba pa
kahit pa nga ang sarili nyang pamilya
sa bigas na mismong sya ang nagtanim
sila mismo namomroblema
...ang mga manggagawang walang habas sa paglikha
lagpas otso oras pa nga kung sila ay gumawa
subalit hanggang sa sandaling ito
animo limos ang sahod nilang tinatamo
samantalang karapatan nila sa mahabang panahon ang ipinagkakait at tinatapakan
...ang mga maralitang nasa lungsod
sa bawat araw na nagdadaan
lalong sumasahol ang kanilang kalagayan
ang kaharian nilang sa mga bangketa, tabing riles at estero nakalagak
natatabingann ng sako't bubungang lata ay kinakalawang
ngayon nanganganib pang maglaho't mawasak
sa tulak ng imperyalistang gahaman
ng mga tuta niya dito sa nabubulok nating lipunan
sa mga nasa gobyernong walang sing sakim din naman
...ang mga kabataang patuloy na biktima
ng lumalalang krisis na inihahambalos na imperyalista
ang sumisidhing kabulukan sa edukasyon
itinutulak na sa murang edad bitawan na ang guryon
humuhulagpos mismo sa kanila
ang mga aklat at kwaderno sa eskwela
mga lapis at panulat
sa kanilang kamay di na halos masalat
itong karapatan sa EDUKASYONg dapat na matamasa
mismong lipunan ipinakakait sa kanya
hayun at pinakakakitaan na ng mga kapitalista
kasabwat ng mga nandoon sa gobyernong
gahaman at pasista.
ilan lang iyan kasama...
pero kung ibig mo pa
maaari ko pang baybayin ang maraming pang iba
na patuloy na pinagsasamantalahan nitong sakim at nabubulok na sistema.
ngayon hiling ko
marahan mong imulat ang iyong mga mata
ngayon tatanungin kita.
pababayaan mo ba sila?
sila na ang tanging pag-asa
ay nakasandig sa iyo at sa marami pang ibang kasama
sa palagay mo ang paghinto natin sa pakikibaka
ang magbibigay lunas sa katayuan nilang malaon ng dinudusta
sa kalagayan na maging tayo man din ay biktima?
sige, kung masasagot mo na ng makatuwirang 'oo'
ang ilang mga katanungang iyan
ako ang unang-unang sasama.
kung hindi naman
kalimutan mo na
pero sa ngayon, magkatuwang nating isulong
kasama ng iba pa
ang nabitiwang adhikain ng ibang kasamang pumanaw sa labanan...
tanganan natin ang mga nabitiwang armas ng mga bumuwal na kasama...
para sa pangmatagalang pagbabago!
para sa rebolusyon!
para sa sambayanan!
**tulang kinatha noong ika-9 ng setyembre 2007.
tugon ko sa mensahe ng isang kasama sa kanayang pagkalungkot.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento