Martes, Disyembre 11, 2007

luha man nami'y sumasaludo**

salamat sa pagkakataon
sapagkat binigyan ako ng panahon
na masilayan at malaman
ang iyong kadakilaan
ang maging saksi sa iyong katatagan
isang kasamang pinatatag ng di mabilang na digmaan
pinag-alab ng maraming pakikibaka sa lansangan
tumibay sa di mapapantayang
mga tunggaliang iyong napangibabawan

walang paglagyan ang aking
pagkalugod at pahanga
dahil maging sa pagkakaratay mo
sa banig ng panibagong digma
larawan ka pa din ng di matutumbasang tapang
karangalan ang ika'y matulungan sa gitna ng pagsubok

hindi man kita nakasama sa mga pag-aaral
hindi man kita nakasabay sa mga martsa ng mamamayan
hindi man kita nakakapitbisig sa mga piket at barikada
masaya pa din akong marinig at malaman
ang epiko ng iyong pagkakalalang at pakikibaka

ang mga kwento ng bomabahan doon sa mendiola
mga panahong kasama mo ang masa at inoorganisa
kahit maging sa iyong paglilingkod bilang isang guro
binigyan mo kami ng di matatawarang inspirasyon
upang lalong pag-ibayuhin itong paglilingkod sa rebolusyon

di ko man narinig ang iyong tinig ng may ahitasyon
di pa man nakadaupang palad ang mandirigmang
sumuong na sa di mabilang na alon
buong linaw mo pa din kaming naantig sa iyong determinasyon
nasasalamin ko ang patuloy mong pakikibaka
habang ako ay nasa loob ng silid ng iyong pagdurusa
lumuha ka
nasaksihan ko iyon at ng ilan pang mga naroong kasama
nagdulot din iyon ng luha sa puso naming labis na ang pangungulila
ngunit itinulak kami sa higit pang kapasyahan
ipagpatuloy ang pakikibaka ng mamamayan

tunay kang mandirigma nitong rebolusyon
huwaran
kapita-pitagan
patuloy na lumalaban

salamat
hindi mo man ito marinig
dahil tayo'y halos nasa magkabilang panig

bata pa man ang aming karanasan
sa ating pinaglilingkurang rebolusyon
tila nabuhay na din kami sa mga nasulat na ng kahapon
tila nabaybay na din namin ang kasaysayan
mula na din sa kwento ng iyong kagitingan

[pinakamataas na] pagpupugay!
kapara ng iba pang pinagtibay ng panahon.
[pinakamataas na] pagpupugay!
mahal na guro...
mahal na kasama...
mahal na kadre...
mahal na mandirigma...
mahal na anak
...nitong rebolusyon!

luha man nami'y sumasaludo
at kahit itong mga titik na aking tinipon at inayos
hindi sasapat na alay
gayunman...
buong puso't buong tapat
para sa mga aral na ibinahagi mo (ka nic)!
para sa masang ating minamahal
magpapatuloy ang rebolusyon...

nasaan ka man
...padayon


-maria baleriz

**tulang kinatha matapos masaksihan ng may akda ang paghihirap ni ka monico atienza sa banig ng kanyang panibagong digmaang 'pinagtagumpayan' nang minsang magkaroon ng pagkakataong dumalaw at makapagbantay sa DAKILANG kasama. disyembre 2006.

isang taon ng masalimuot na pakikibaka ang matuling nagdaan.
ang tula ay binigkas at narinig noong ika-7 ng disyembre 2007. sa huling gabi ng lamay at pagbibigay ng parangal kay kasamang monico atienza.

(unang binigkas ng may akda ang kathang ito sa isang 'cult nyt' sa isang piket sa ripada.
inakala nang may-akda na hindi na mabibigyan ng pakakataong madinig ang kanyang handog kay ka nic bilang pagpupugay at pagpapasalamat dahil sa mga serye ng kabiguang hindi makapagtanghal sa mga 'cult nyt' at papupugay para kay ka nic)

Walang komento: