Huwebes, Disyembre 6, 2007

[piping walang kamay] langib at pilat

at maaari nga
hindi na muling makikita
kundi sa mga larawan na lang at alaala


at maaari nga
hindi na muling makikita
ang mga luha at mga ngiti
ang damdamin mo't pakikibaka
para sa masa

na ating iniibig
pinaglilingkuran
ipinaglalaban


at maaari nga
hindi na kailanman maririnig
sa malapitan
ang mga aral mo at pagsasalaysay


at maaari nga
hindi na maririnig
ang mga paghalakhak
kahit ang iyong pag-iyak


at maaari nga
hindi na kailanman madarama
ang pagpintig ng iyong puso
ganoon na din ang paghinga


at maaari nga
hindi na madarama
ang mapag-aruga mong kamay
at paghawak mo ng mahigpit
sa ating pakikibaka


at maaari nga
hindi na kailanman makakasama


babaha ng luha
at magiging musika ang mga pagtangis
iduduyan kami ng pagdadalamhati
ngunit hindi ka namin matitiis

patuloy kang mananatili
dito sa puso't isip

magpapatuloy
raragasa
ang higit pang pakikibaka
mula sa iyong mga aral
inspirasyon kang aming bitbit
daladala
sa lahat ng dako
sa lahat ng panahon
sa lahat pagkakataon
sa aming pagrerebolusyon
tulad mo ngayon
ay sugat na malapit nang maghilom
ang langib ay marahang
humihiwalay sa lupang
matagal na panahong ipinaglalaban
samantalang sa iyong pagpanaw
iiwan mo ay pilat
sa aming gunamgunam
habang buhay na kasama
saan man kami mapunta
dito sa puso
dito sa alaala
at kahit nga sa huling sandali
na kami man din ay susunod na
sa kung saan ka na ngayon papunta

taas kamaong pasasalamat!
sa pagkakataon
na makilala ka't makasama
sa pagkakataon na matalos
ang iyong kasaysayan
...dakilang anak nitong bayan!

*tulang alay para kay sir monico atienza

Walang komento: