Lunes, Pebrero 25, 2008

...kasama

latigo ka kung maikumpara
sa bawat pilantik ng dila
sa bawat titik
at mga salita
animo latay ang iyong
ibinabalot
sa bawat makarinig
sa aming isip
at ulirat

salamat sa pangaral
sa sakit
sa mahapding katotohanang
iyong sinambit
sapagkat ito ang gumising
sa natutulog na isip
ang iyong pagmumulat
ang siyang kumalampag
sa pabayang diwa ng aking
pagkatao
pagkakalalang

ngayon alam ko na kung bakit
paglaban ang dapat
at hindi pag-iwas
sa katotohanang ang rebolusyon
pangmatagalan ang tanaw
pilit ko mang iwasan
ito ay hanging bubuhay sa
ugat at mga kasu-kasuan
ng lipunang batbat ng sakit
at karamdaman

salamat sa mga aral
hindi lang sa mga nabasa ko sa
aklat ng kasaysayan
kundi sa aking mga nasaksihan at naranasan
na kasama ang masa
na lalo pa ngang naging malinaw
dahil sa iyo kasama
kaya mas higit kong naunawaan
magtatagumpay ang pakikibaka ng mamamayan

Walang komento: