ito ang damdaming dumaan at dumadaan sa lahat ng hirap
ang bawat sakit at kirot at hapdi dinanas
ito ang panlasang dulot ng bawat nagsama-samang pagsisikap
ito ang dulot ng tiyaga at pagsisipag
umusbong mula sa paglaban
hindi pagbitaw sa matuwid na paninindigan
para sa kapakanan ng nakararami
para sa adhikang hindi para sa sarili
at kung pag-ibig ang itinitimpla ng bawat puso
wala na nga marahil makahihigit sa bawat bugso
kapag ang pag-ibig ay umusbong sa gitna ng pakikihamok
sa bawat lupang may dugo at pawis at luhang tumuldok
para ialay sa pagpawi nitong laganap na paghihikahos
na inihahambalos sa atin ng mga dayong sa pagkaganid ay lubos
ito ang mainam na pumapatid sa gu-tom ng mga bituka
nagbibigay patlang sa bawat lalamunang uhaw sa paglaya
pero sa akin ding pagtingin
ito ang panlasang daranasin
nitong kahit sinong hindi nakaramdam man din
kung paano nga bang ang pagmamahal ay hindi lamang sasabihin
dito mararanasan ang higit pa sa paglalambing
hindi lamang sa pamamagitan ng bibig dadasalin
iyong animo nanunuot sa bawat himaymay at ngipin
sa kaloob looban nanunuot at di lamang tumatambay
ito iyong panlasang tila nanaisin mong mamatay
sapagkat sa isip mo nalubos na iyong pagkabuhay
noong matikman mo ito na samu't sari ang hinintay
subalit panlasa din itong magiging sanaysay
kung bakit handa at magiging handa kang mag-alay
kahit na anong kaya mong gawin at ibigay
upang patuloy na lumaban upang mabuhay
marami na silang nailutong putahi tungkol sa pagmamahal
mga pagmamahalan ng mga hari at reyna, prinsipe at prinsesa
mga kilalang personalidad kagaya noong nangyayari
sa mga tanyag na atleta, makapangyarihang tao, at artista
sa mga madalas ikinuwento ng mga burges na pelikula
sinubaybayan o napanood ng mundo ang halos lahat lahat
mula sa pagliligawan ng mga modelo at popularidad
kasama ang mga kumikinang at kumukurap na ilaw at katanyagan
subalit ang isang kapansin pansin sa karamihang nailahad
bihira ang pagtatampok ng pag-ibig ng mga uring mahihirap
at iyong pag-ibig na inanak ng pakikipaglaban
para sa hangad na katarungan at kalayaan
ang pag-ibig
ang pinakamatingkad
walang kasing tamis
walang sing sarap
lalo kung ito ay
naisulat
sinusulat
isusulat
na
paglaban ang ipinagtatapat
rebolusyon ang niyayakap
at
paglaya mula sa pagsasamantala
ang hangad
simulan mo nang isulat
ang kwento ng inyong pag-ibig na tapat
babae, lalake o piniling kasarian
hanggang ito'y naglilingkod sa mamamayan
aangkin ito ng kakaiba at natatanging kinang
sapagkat
sa rebolusyon naisusulat
ang dakilang pagmamahal!
*maaari din itong makita sa aking tala sa facebook