hindi ang balang aksidenteng bumisita
sa loob ng mura mong ulunan at nagpahiga sa iyo sa lupa
ang kumitil sa iyong musmos na pag-asa
na makaguhit pa ng mga makukulay na obra
gamit ang iyong mga waterkolor at krayola
pinaslang ng lipunang ito ang iyong pangarap
na maging dakila pa sa mga darating na araw
saka lamang nila pinagtatalunan matapos ang iyong pagpanaw
nararapat bang ipagbawal na magmay-ari ng baril ang mga sibilyan?
hindi ka na makasasayaw gamit ang pandiritas na iyong paborito
hindi mo na mababasa ang maraming libro
hindi mo na maiguguhit ng makulay ang mga pangarap mo
marahas na tinuldukan ng ligaw na punglo
ang mga ngiting madalas mamutawi sa iyo
hayaan mong kami ang gumuhit para sa iyo
iiindak din ang aming katawan ng buong sigla tulad mo
at kahit nalulungkot at nagagalit dahil sa iyong pagpanaw
ngingiti pa rin kaming may pag-asa sa bawat araw
para sa katarungang kakamtin balang araw...
*laan para sa mga tulad mo stephanie nicole ella
ang akdang ito ay mababasa din sa facebook.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento