Huwebes, Disyembre 18, 2008

tanggapin mo ako

Walang komento:
kung ibig mo naman makilala ako
'di mo kailangang lampasan ang guhit sa aking balat
marahil sapat na malaman mo lang ang talambuhay ng bawat kong pilat
at yakapin mo pa din ako sa gitna ng aking mga kakulangan at sugat

samahan ako sa pag-ahon at pagsisid
doon sa masalimuot na laot ng tunggalian at pangarap
at sana
sana
sabay tayong umahon mula sa pangamba

tanggapin mo ako hindi sa aking ganda
kundi sa aking pagkukulang at kahinaan
subalit huwag mong ipangako lang ito basta
higit kong ibig na madama ang damdaming iyong binabata
sa halip na marinig ang mga mabulaklak mong salita

Image by FlamingText.com

*ilang bahagi ng tula.
nilikha bilang tugon sa isang padalang tulang mensahe na isang kasama na may pamagat na Kung ibig mo akong makilala ni Ruth Elynia S. Mabanglo.

Linggo, Disyembre 14, 2008

isang araw na uulan sa sunken garden

Walang komento:
naglalakbay ang makapal na ulap
ilang libong milya ang layo mula sa aking ulunan
maitim at abuhin ang kanyang larawan
kasabay niya ang hanging may lamig na hatid sa aking katawan

katatapos lamang ng pag-ulan kaninang umaga
ilang oras na din ang lumipas narito't nagbabadya
ang muling pagbagsak nila sa lupa

maganda pa rin ang kanyang obra
ang luntiang kabuuan niya na lalong tumingkad pa
marahil dulot na rin ng madalas na pag-ambon at pagluha

ganoon pa din ang hatid niya:
kapanatagan ng loob
at sandaling paggaan ng pandama
mga ninakaw na sandali sa magulong kalagayan
nitong isang lipunang parang ikinahon ng dayuhan
isang lipunang iginapos ng mahigpit
sa pagsasamantala't kahirapan

at naisip ko siya
habang matama kong minamasdan
ang maraming iba pa
na tulad ko din ay ninanamnam
ang kariktan nitong hardin
na may kakaibang ganda

at naisip ko siya
sa bawat malulutong na halakhak ng isang dalaga
na malapit lang sa aking kinahihimpilang damuhan
na tila seda sa aking balat
habang marahang pumapatak
ang ambon sa aking balat
at sa aking kaliwang mata
noong aking tangkaing sulyapan
ang kalawakang marahan ng lumuluha

at naisip ko siya
at kung paanong ang harding ito
ay halos maging kapara niya
na kung paanong sa bawat araw
ay umaalma ang iyong ganda
kagaya ng hardin lalong umaakit
sa pagal na mga mata

at naisip ko siya
at kung paanong ang hardin at siya
ay katulad na sa esensya
kung paano nila kinakanlong
ang malawak na masa
at dahil dito, lalo pang nahubog
ang kariktang kakaiba

at naisip ko siya
habang marahan kong tinatawid
ang pinakamalapit na silungang
paghahatiran sa akin
nitong mga paang beterano na sa paglalakbay
doon sa dahilig at pilapil
kalsada at bukid
sa mga eskinita at malubak na bagtasin

at nasiip ko siya
habang itong maya
at ilang ibong 'di ko pa nakikilala
maagap na naghahanap ng masisilungang sanga

naisip ko siya
at ang pakikibaka ng masa
na lipos ng pangako at pag-asa

Image by FlamingText.com

Xaymaca

Walang komento:
mano kung ikaw ay naninigarilyo
at halos makipagpaligsahan sa mga tambutso
kahit pa umiinom ka ng alak
at ga-bariles pa ang inuubos sa kakalaklak

pipikit na lang ako
habang tangan ko ang mikorpono
di ko hihintaying sumabog
ang nakabibinging palakpakan
agad sasambitin
ang mga titik ng ating awitan
bago pa maisip nitong nerbyos
na ako ang pag-istambayan
at maunsyaming lahat
ng aking pinagsanayan

sa saliw ng gitara raragasa ang mga luha
bago pa man ako yumuko't
pagsarahan na ng kurtina
layon kong ipaabot itong aking nadarama
la mang lamyos itong tinig
sisikapin kong mapaganda

bundok man ang bararak na tayo'y maging
at kay siwal ng parusang
sa aki'y itinaning
akin itong mahihintay
pawian man ng buhay

subalit...
sa ngayon
sa piling ng malawak na masa
sa kanlungan ng kumonidad na inoorganisa
ako'y magpapatuloy
buong pagkatao'y ilulunoy
para sa pagmumulat
regular na pagpakat
masikhay.
masinsin.
masigasig.
mapangahas.
para sa sambayanan
na walang sawa nating pinaglilingkuran

Sabado, Disyembre 13, 2008

magpakailanman

Walang komento:
kung wala ka ng masilayang
kahit isang dahon
lanta man o luntian
kahit isang halaman
o puno o ugat
o lupa ng iyong pagkatao
kalimutan mo na ding nagsabi ako
ng tungkol sa kung ano ang pag-ibig
kalimutan mong nangusap ako
tungkol sa pagmamahal
na aking muling nasumpungan
ng magtagpo ang mga mata mo
at mga mata ko
doon sa hardin ng pakikibaka
kung saan ang mga rosas at sampagita
sumisibol sa hanging lipos ng alikabok at pulbura
kung saan ang santan at gumamela
sumisibol sa likidong maalat at malansa
at madalas ay lila o matingkad na pula
kung saan ang mirasol at jasmin
sumisibol ng walang sing tingkad
sa mahaharot na ilaw ng takipsilim
hanggang sa nalalapit na pag-uumaga


Image by FlamingText.com

habilin

Walang komento:
papanaw na sa mundo ng retorika
ang mga titik na pinagtagpi-tagpi nitong akala mo makata
pagkalugod ang ginuguhit doon sa mga pahina
ng mga aklat at sulatang dahon at alpombra

kung magising ka sa isang bukangliwayway
at masilayan ang mga likhang walang malay
pag-alabin mong muli ang mensahe ng pakikibaka na taglay-taglay
nang bawat akdang tula at epikong kalangkap ay tayutay

pagliyabin mo pang higit ang panulaan at panitikan
ilantad mo ang sanglaksang nobela ng paglaban
imulat mo pa ang maraming 'di nakakaalam
at kahit yaong may dunong subalit nagbubulag-bulagan

ipakita mo ang kawastuhan para sa bayan, nitong digma
ipakita mo ang larawan gamit ang di mabilang na tugma
ipinta mo gamit ang kulay pula at lila
isulat mo gamit ang dugo at pawis at luha


Image by FlamingText.com

Biyernes, Disyembre 12, 2008

sa kabalyerong nagmamahal

Walang komento:
marahil pinahupa ng ulan
ang nasisilay na pagkatupok
doon sa pusong nag-aalab
sa pagsinta't pagsuyo

ipagpaumanhin mo
kung may sakit iyong dulot
'di nais ng ulan na
tuluyan kang masiphayo at igupo
at ipahamak ng apoy
na ikaw din ang bumuo
batid niyang walang 'sing tamis ang pagmamahal
subalit batid niya rin
ang pagkakaiba
ng pagmamahal sa pagpapatiwakal



*tulang tugon sa ilang bahagi ng tulang "oda sa kabalyero" na pinadala ng isang kasama at kaibigan.

Image by FlamingText.com

pagsasanib

Walang komento:
kayo ay mga ama't ina namin
kayo ay mga ehemplong inspirasyon naming bibitbitin
saan mang larangan kami mapadpad
sa mga eskwelahan man o maralitang komunidad
sa mga pabrika man o malaking pagawaan
sa mga eskinita man o tabing estero
sa kabundukan man o talampas o malalayong pueblo

ang laban ninyo ay laban ko
at ng mamamayan ng lipunang ito
ang laban ninyo ay labang pagtutulungan nating ipanalo
masalimuot man ang daan
magtagal man ang sakripisyo't kahirapan
asahan ninyo mga inay at itay
tuloy ang laban hanggang sa tagumpay...


Image by FlamingText.com

Huwebes, Disyembre 11, 2008

tanglaw

Walang komento:
madami akong gustong sabihin
at maaaring maubusan ako ng sasabihin
o maumid and dila ko at di ko maiparating

madami akong naiisip
gusto kitang yakapin
nais kong halikan ang iyong pisngi
at sa maniwala ka at sa hindi
kaya ko ginagawa ito
dahil sa iyo din

nagtitiis sa gutom at hirap
patuloy na humaharap
sa pagsubok na kalangkap
ng pakikibaka para sa paglaya

dahil sayo.

ang totoo dahil din sayo
at ang totoo
marahil
ibig ko lang din sabihin

mahal kita...


Image by FlamingText.com

Miyerkules, Disyembre 10, 2008

hindi na ako kilala ng alaga naming aso

Walang komento:
hindi.
wala na ang dating halamang
tumubo sa pilapil
kung saan madalas maghabulan
ang ating musmos na alaala
napalitan na ng sementong sahig,
pader at bakal na bakod
nahawan na ang magkasintahang puno
ang mangga at ang narra
na madalas tambayan ng
mga kwentuhang may ngiti at pangamba
pumanaw na ang inukit nating
pangarap sa kanilang mga sanga
napatid na ang kinabit nating duyan
na siyang nagbibigkis sa kanilang
akala natin ay walang hanggang pagsasama
wala na din ang matatatag na punong pinagsisilungan
ng mga alagang kalabaw. mga maya at pipit
langay-langayan at maging minsan ni bantay
at kahit ang aming alagang aso
di na ako kilala
banyaga na ako sa lugar
ng aking tahanan at alaala
hindi na ako kilala ng mga alimuom
paru-paro at tutubi
kay dami nang kwentong kanilang pinagsasabi
para kahit papaano sa balita di ako mahuli
kahit ang pag-bubukangliwayway
hindi na ako sanay
ang payak na sapa na madalas paglubluban
ng ating mga tawanan at harutan
di ko na masilayan
at ang tanging alaala ng
mga galos ko't pagkakadapa
at ang tanging alaala ng murang damdamin
para sa sinisinta
wala na
dahil ngayon ay batong daan
ang makikita
sa libis na kung saan madalas maghabulan
at sabay tinatanaw
ang papalubog na araw

Image by FlamingText.com

magtiis ka muna paru-paro

Walang komento:
naghihingalo ang baga sa lamig
nagbabadya ang ulan sa pag-ihip
ang mga paru-paro tuloy nanginginig
di tuloy makapasyal sa harding ibig
tila sinisilaban ang nadaramang pagkainip

sa pagbabanta ng pagbagsak ng ulan
huwag mong ikalungkot mahal kong kaibigan
pagtitiis iyo munang hawakan
titila din naman ang galit ng kalangitan
makikita mo at makakapaglakbay ka din naman

ang puso mo'y lumilikha ng awit
di man marinig ng abang pandinig
nagpapayabong naman ng mga bulaklak sa mga hardin
kumapit ka lang ng mahigpit
sa damdaming binabata simula pagkapaslit

at dahil ang tinotono ng iyong himig
kahit di man naririnig alam kong pag-ibig
sapagkat hindi dadami ang bulaklak
dahil lang sa sikat ng araw at ulang pumapatak
kundi dahil din sa himig mo alay
himig na nagbibigay buhay
epiko ng pagsinta at pagliyag
pagsasanib ng daang taong paglalayag

Image by FlamingText.com

Martes, Disyembre 9, 2008

kape

Walang komento:
ikaw ay isang tasa ng kape
na mainam na tinimpla

binudburan ng tamang dami ng asukal
doon sa babasaging tasa
na dinesinyuhan ng simpleng pagmamahal
disenyo ng pag-ibig para sa sambayanan

binuhusan ng mainit na tubig
at marahan na hinahalo
maingat na titikman upang alamin
kung naabot na ba ang asam na lasa
ang tumpak na timpla
habang umaaso at sinasamyo
ang mabangong amoy mo

halos ganito.
humigit kumulang ganito.
ang pakikibaka ng mamamayan.


Image by FlamingText.com



ikaw

Walang komento:
nasasabik na sayo ang masa
hinahanap nila ang tinig mo
inaasan na madinig ang iyong halakhak
ang masasaya mong kwento
nililingon ang matatamis mong ngiti
nagbabakasakaling makita iyong muli

pag-asa kang humahaplos sa pagod nila
kasama kang nagpapaningas sa malaon ng pakikibaka
ang pagkalalang mo sa lipunang mapagsamantala
nagbibigay pag-asa at hustisya
na tunay ngang may magnadang hinaharap
sa pagpapatuloy ng paglaban
para sa pangarap na paglaya

Image by FlamingText.com



Lunes, Disyembre 8, 2008

paghihiwalay

Walang komento:
kay sayang namamasyal
nitong mga paa
doon sa sahig na minsan patag
minsan maputik
doon sa daang minsan malubak
minsan matarik
doon sa lugar na kay ganda ng tanawin
kung saan ang mga dahon
humihiwalay sa sanga
upang humalik sa lupang sinisinta
kung saan ang mga paru-paro ay nanliligaw
sa mga rosas at jasmin
at gumamela at santan
sa mga bulaklak ng kulay at kariktan
kung saan ang mga langay-langayan
umaawit ng agunyas
para sa namayapang kaluluwa


Image by FlamingText.com



sino ka nga ba?

Walang komento:
kilala mo ba talaga ang tunay na ikaw?
alam mo ba ang dahilan ng iyong mahinang paghiyaw
diyan sa isipan mong nalipos ng karunungan
sa bawat pagkakataong masisilay mo ang mga mata ng yagit sa lansangan?

bakit may kurot sa puso at pag-aalala
sa tuwing makakasalubong silang walang tirahan at magandang kama?
bakit may luhang hindi mo nakikita
unti-unti pumapatak sa nalulumbay mong mga mata?

kay raming pag-uusap na di mo nababatid
ang namamagitan sa iyong mapagpalayang puso't isip
at sa mga mata ng mga pinagsasamantalahang tao na nasa iyong paligid
nag-uusap ng unawaang paglaban ang matuwid

at sa sandaling matalos mo ang layon ng diwa't damdamin
na umambag sa pakikibaka ng sambayanan at paglaya'y kamtin
doon mo lang totoong makikilala ang ikaw na awit
ang 'sino ka nga ba?' dahan-dahan ay magkakahugis
ang ikaw ay obrang sisibol sa daigdig

Image by FlamingText.com

-tulang alay para sa kaarawan ng isang kasama. sa panahong naaalala ko ang mga katanungan sa kanyang mga mata. pagtataka. pag-aalinlangan. pagkalumbay.
alam ko na kulang ang mga titik sa akdang ito upang sagutin ang agam agam. pero hangad ko na makatulong sa ganitong payak na paraan. at sa lahat na din sa ganitong dahilan.

Linggo, Disyembre 7, 2008

lungkot

Walang komento:
ito ang sandaling lipos ng baket ang diwa
nag-uumapaw sa katanungan ang mga luha
at nagkalat sa himaymay ng utak
at puso ang pagkabalisa

Image by FlamingText.com

pag-asa

Walang komento:
nagkalat ang tuyong dahon
doon sa sahig
sinalong lahat ang mga pagluha
ng mga puno
dumagdag sa mga plastik, karton
at kung anu-anong basura
mga papel at polyeto sa karatig na kalsada
mga basyo ng bala, bomba, labi ng mga pagsabog
at tama ng mga punglo
mga duguan katawang nakahandusay sa lansangan
magkahalong sundalo at sibilyan
ang nasa kalye na duguan
walang buhay na nakahiga
nakaririmarim ang nakikita
kawalang pag-asa at buhay masasalamin
subalit sa paglaon ng panahon
sa pagkaagnas ng mga bagay
marahang sisibol
ang mga usbong
ng samu't-saring damo't halaman
at ang kanilang pagyabong


Image by FlamingText.com

dyaryo

Walang komento:
madalas kasama ko'y isang tasa ng mainit na tsokolate
at tila lente ng camera kung hagurin ko ang bawat mong pahina
nagkakasya ako sa patingin-tingin
sinisikap unawain ang balita at tsismis mong binibigyang diin


Image by FlamingText.com

Sabado, Disyembre 6, 2008

pagbabalik

Walang komento:
madaming katanungan
naglalaro sa isipan
kamusta?
nasaan ang tahimik
na kasiyahang
hinahanap ng isip
at damdaming nagmamahal?

payapa na sana ang dagat
sa kabilang pangpang...

at ang alon
habangbuhay na babalik
at babalik upang halikan manag-uli
ang dalampasigan

at damhin ang payapang pangpang...



Image by FlamingText.com

mga alaala sa lawa ng taal

Walang komento:
doon ko nakasama ang iyong mga ngiti
habang nagtatampisaw sa lawa ng maraming pagbati

doon ko din nasilay ang di mabilang na lumbay
mula sa labi ng mga taga doong unti-unti ay pinapatay
nitong kahirapang gobyerno ang nagtutulak
upang makatugon sa nais ng among dayuhan

sa kabila ng mga pasakit at hapdi na ating nakaulayaw
sa bawat sandali ang tamis pa ding namnamin ang bawat gunita
habang kasama natin ang masa't
patuloy nating nililikha
ang kasaysayn ng ating ganap na paglaya

Image by FlamingText.com

Biyernes, Disyembre 5, 2008

migrante

Walang komento:
larawan ka ng makabagong bayani
kung saan hinubog ka ng ibayong pagtitiis
walang kapantay na pangungulila
at nalilipos ng pangarap na sinikap buuin
para sa mahal na pamilya
hangad mo'y magandang bukas
hangad mo'y magandang buhay
subalit dahil sa gobyernong walang pagmamalasakit
sa kanyang mamamayan
nilalandas mo
ataol ng iyong pangarap at kabiguan
kapalit ng iyong pawis at dugo
salaping kanilang kinukurakot


Image by FlamingText.com

Huwebes, Disyembre 4, 2008

pakikibaka

Walang komento:
gasgas na marahil ang bawat pag-ikot
ang mga oras na nabubuo
ang pagpatak ng segundo
katumbas ay paghinga, pawis at dugo

sa tsinelas kong wala na sigurong itatagal
kapag nakipambuno pa sa aspalto at semento at lubak
at sumisisid sa baha at burak

kay raming pinagdaanan
pinagsamahan
kasama ng paa kong kumapal na ang kalyong namahay
ilang sugat at galos at paltos
ilang pilay at pasa at maga ang tinamo

subalit tuloy pa din sa pag-ikot
tuloy sa paglalakbay

Image by FlamingText.com

Miyerkules, Disyembre 3, 2008

pagtatagpo

Walang komento:
nalalapit na ang wakas ng bawat awit
napipintong magtapos ang bawat paghilik
ang hapon at gabi ba'y magniniig?
o ang gabi at umaga ba'y makapagsasanib?

kailan magkakahugis itong tanong sa isip?
kailan masasagot ang nakabinbin na pag-ibig?
'wag sanang mamali sa nais ipadama
tumitibok ang puso dahil sa iyo din talaga

ang bukangliwayway ma'y luha ang hatid
lumiligid ang mga pipit habang may hinihimig
hinahanap ang pugad sa madawag na hardin
pagdapo'y alinlangan ang sadyang pumipihit


Image by FlamingText.com

sa iyong paglalakad

Walang komento:
ingat sa mga hahakbangan
at baka humiyaw ang lansangan

ikamusta mo ako sa mga damo,
dahon at langay-langayan
pakibati na din para sa akin
ang makasasalubong mong mga bulaklak at paru-paro

at baka sakali
maaari mong isupot
ang masasalubong na mga ngiti
kailangan ko ng madami niyan sa aking pag-uwi


Image by FlamingText.com

maulan ang umaga

Walang komento:
gumising at magbangon sa umagang niyakap ng lamig
habang ang araw na paparating ay nasasabik sa maaalab na halik
mag-inat sa umagang diniligan ng hamog
humikab sandali upang itakas ang natirang pagod

baunin mo ang payong at panlamig
kanina pa naglalaro ang ulan at hangin sa paligid
kay inam sa diwa ng samyong sumisisid
haplos ng pag-alala sa lumbay at pagpikit

lumuluha ang langit sa kanyang pagbati
dinidilig ng pag-asa ang maramot na ngiti
inaanod ang nanatiling sakit at hapdi

Martes, Disyembre 2, 2008

paki-gising ako

Walang komento:
kamusta ang gabi ng ating pagtatanong?
kung saan ang libag ng nakaraan
pagkatapos hilurin ay nagdulot ng sugat
at mula sa mga galos at gasgas
lumuwa ang mga abong kumikinang
lumatag ang mga bahagharing di pangkaraniwan
doon sa kalawakang lumuluha ng kulay rosas


Image by FlamingText.com

Lunes, Disyembre 1, 2008

digma

Walang komento:
ibig kong likhain ang maraming tula
na papawi sa kirot na dulot ng mga matatalim na luha
sa gitna ng karimlang nag-uumapaw sa mahiyaing kulay
doon ko papaslangin ang dunong na walang malay

maningning ang iyong bawat titik
tila tinggayad ng kristal na tubig
tila bituing walang pagkupas na gumuguhit
doon sa kalawakang pusikit

lalapatan ko ng himig na tumatangis
ang bawat paghalakhak ng iyong tinig
at sa armas na nabitawan doon sa larangan
sisibol muli't-muli ang sanglaksang bulaklak

Image by FlamingText.com