naghihingalo ang baga sa lamig
nagbabadya ang ulan sa pag-ihip
ang mga paru-paro tuloy nanginginig
di tuloy makapasyal sa harding ibig
tila sinisilaban ang nadaramang pagkainip
sa pagbabanta ng pagbagsak ng ulan
huwag mong ikalungkot mahal kong kaibigan
pagtitiis iyo munang hawakan
titila din naman ang galit ng kalangitan
makikita mo at makakapaglakbay ka din naman
ang puso mo'y lumilikha ng awit
di man marinig ng abang pandinig
nagpapayabong naman ng mga bulaklak sa mga hardin
kumapit ka lang ng mahigpit
sa damdaming binabata simula pagkapaslit
at dahil ang tinotono ng iyong himig
kahit di man naririnig alam kong pag-ibig
sapagkat hindi dadami ang bulaklak
dahil lang sa sikat ng araw at ulang pumapatak
kundi dahil din sa himig mo alay
himig na nagbibigay buhay
epiko ng pagsinta at pagliyag
pagsasanib ng daang taong paglalayag
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento