'di mo kailangang lampasan ang guhit sa aking balat
marahil sapat na malaman mo lang ang talambuhay ng bawat kong pilat
at yakapin mo pa din ako sa gitna ng aking mga kakulangan at sugat
samahan ako sa pag-ahon at pagsisid
doon sa masalimuot na laot ng tunggalian at pangarap
at sana
sana
sabay tayong umahon mula sa pangamba
tanggapin mo ako hindi sa aking ganda
kundi sa aking pagkukulang at kahinaan
subalit huwag mong ipangako lang ito basta
higit kong ibig na madama ang damdaming iyong binabata
sa halip na marinig ang mga mabulaklak mong salita
nilikha bilang tugon sa isang padalang tulang mensahe na isang kasama na may pamagat na Kung ibig mo akong makilala ni Ruth Elynia S. Mabanglo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento