Lunes, Disyembre 8, 2008

sino ka nga ba?

kilala mo ba talaga ang tunay na ikaw?
alam mo ba ang dahilan ng iyong mahinang paghiyaw
diyan sa isipan mong nalipos ng karunungan
sa bawat pagkakataong masisilay mo ang mga mata ng yagit sa lansangan?

bakit may kurot sa puso at pag-aalala
sa tuwing makakasalubong silang walang tirahan at magandang kama?
bakit may luhang hindi mo nakikita
unti-unti pumapatak sa nalulumbay mong mga mata?

kay raming pag-uusap na di mo nababatid
ang namamagitan sa iyong mapagpalayang puso't isip
at sa mga mata ng mga pinagsasamantalahang tao na nasa iyong paligid
nag-uusap ng unawaang paglaban ang matuwid

at sa sandaling matalos mo ang layon ng diwa't damdamin
na umambag sa pakikibaka ng sambayanan at paglaya'y kamtin
doon mo lang totoong makikilala ang ikaw na awit
ang 'sino ka nga ba?' dahan-dahan ay magkakahugis
ang ikaw ay obrang sisibol sa daigdig

Image by FlamingText.com

-tulang alay para sa kaarawan ng isang kasama. sa panahong naaalala ko ang mga katanungan sa kanyang mga mata. pagtataka. pag-aalinlangan. pagkalumbay.
alam ko na kulang ang mga titik sa akdang ito upang sagutin ang agam agam. pero hangad ko na makatulong sa ganitong payak na paraan. at sa lahat na din sa ganitong dahilan.

Walang komento: