Miyerkules, Disyembre 10, 2008

hindi na ako kilala ng alaga naming aso

hindi.
wala na ang dating halamang
tumubo sa pilapil
kung saan madalas maghabulan
ang ating musmos na alaala
napalitan na ng sementong sahig,
pader at bakal na bakod
nahawan na ang magkasintahang puno
ang mangga at ang narra
na madalas tambayan ng
mga kwentuhang may ngiti at pangamba
pumanaw na ang inukit nating
pangarap sa kanilang mga sanga
napatid na ang kinabit nating duyan
na siyang nagbibigkis sa kanilang
akala natin ay walang hanggang pagsasama
wala na din ang matatatag na punong pinagsisilungan
ng mga alagang kalabaw. mga maya at pipit
langay-langayan at maging minsan ni bantay
at kahit ang aming alagang aso
di na ako kilala
banyaga na ako sa lugar
ng aking tahanan at alaala
hindi na ako kilala ng mga alimuom
paru-paro at tutubi
kay dami nang kwentong kanilang pinagsasabi
para kahit papaano sa balita di ako mahuli
kahit ang pag-bubukangliwayway
hindi na ako sanay
ang payak na sapa na madalas paglubluban
ng ating mga tawanan at harutan
di ko na masilayan
at ang tanging alaala ng
mga galos ko't pagkakadapa
at ang tanging alaala ng murang damdamin
para sa sinisinta
wala na
dahil ngayon ay batong daan
ang makikita
sa libis na kung saan madalas maghabulan
at sabay tinatanaw
ang papalubog na araw

Image by FlamingText.com

Walang komento: