naglalakbay ang makapal na ulap
ilang libong milya ang layo mula sa aking ulunan
maitim at abuhin ang kanyang larawan
kasabay niya ang hanging may lamig na hatid sa aking katawan
katatapos lamang ng pag-ulan kaninang umaga
ilang oras na din ang lumipas narito't nagbabadya
ang muling pagbagsak nila sa lupa
maganda pa rin ang kanyang obra
ang luntiang kabuuan niya na lalong tumingkad pa
marahil dulot na rin ng madalas na pag-ambon at pagluha
ganoon pa din ang hatid niya:
kapanatagan ng loob
at sandaling paggaan ng pandama
mga ninakaw na sandali sa magulong kalagayan
nitong isang lipunang parang ikinahon ng dayuhan
isang lipunang iginapos ng mahigpit
sa pagsasamantala't kahirapan
at naisip ko siya
habang matama kong minamasdan
ang maraming iba pa
na tulad ko din ay ninanamnam
ang kariktan nitong hardin
na may kakaibang ganda
at naisip ko siya
sa bawat malulutong na halakhak ng isang dalaga
na malapit lang sa aking kinahihimpilang damuhan
na tila seda sa aking balat
habang marahang pumapatak
ang ambon sa aking balat
at sa aking kaliwang mata
noong aking tangkaing sulyapan
ang kalawakang marahan ng lumuluha
at naisip ko siya
at kung paanong ang harding ito
ay halos maging kapara niya
na kung paanong sa bawat araw
ay umaalma ang iyong ganda
kagaya ng hardin lalong umaakit
sa pagal na mga mata
at naisip ko siya
at kung paanong ang hardin at siya
ay katulad na sa esensya
kung paano nila kinakanlong
ang malawak na masa
at dahil dito, lalo pang nahubog
ang kariktang kakaiba
at naisip ko siya
habang marahan kong tinatawid
ang pinakamalapit na silungang
paghahatiran sa akin
nitong mga paang beterano na sa paglalakbay
doon sa dahilig at pilapil
kalsada at bukid
sa mga eskinita at malubak na bagtasin
at nasiip ko siya
habang itong maya
at ilang ibong 'di ko pa nakikilala
maagap na naghahanap ng masisilungang sanga
naisip ko siya
at ang pakikibaka ng masa
na lipos ng pangako at pag-asa
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento