ang katanghalian nitong buhay
si ama maaga na kaming inulila
kaming tatlong magkakapatid
at si inang mayroong sakit
maghahanapbuhay kaming dalawa
habang maiiwan si ate lina
upang mag-alaga sa mahal na ina
si ate ang nakatoka ngayon
halinhinan kaming mag-uutol
ako at si tatlo, ang aming bunso
ngayong araw ng samba, linggo
sa simbahan ng Quiapo ang tungo
dedelehensya ng perang kailangan
bago pumatak ang tanghalian
para sa gamot at aming mga tiyan
bago gumaralgal ang mga bituka
na kape lamang ang sumayad sa sikmura
noong madaling araw magising kanina
titipunin namin ang mga barya
mula sa limos na magpapala
at sa paghuhugas ng pinggan sa karinderya
ito lang ang pangarap naming tinatantya
simula pagbangon kaninang umaga
wala na kaming tirahan dahil sa demolisyon
ang lupa't bahay namin sa probinsya
inagaw na ng pamilya ni Don Ramon
marami kaming inalisan ng tirahan
hindi ko na nga alam nasaan na ang matalik kong kaibigan
iyon din ang ikinamatay ni ama
noong ilaban niya ang aming bahay at lupa
na mula pa sa aming mga lolo't lola
napadpad kami dito sa Maynila
dito sa ilang mga bangketa
nagpapalipas ng gabi hanggang umaga
bago magbangon upang kumilos
para sa pangarap namin
ang malamanan ang tiyan namin
at ang gamot ni ina maitawid
saka na namin papangarapin
na makapag-aral ang isa sa amin
kung inyong tatanungin
ano ang pangarap naming abutin
tulad mo rin
ang magkaroon ng pagbabago
sa klase ng lipunang mayroon ngayon tayo
*Si Lina ay katorse anyos at si Boy ay dose anyos. Ang kanilang bunso na si Tatlo ay magwawalong taong gulang. Palipat-lipat sila sa mga bangketa ng Quiapo sa Maynila. Namamalimos at tumatanggap ng mga utos sa mga karinderya. taga-hugas ng pinggan at kung an-ano pang kakayanin ng kanilang murang katawan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento