Linggo, Oktubre 26, 2008

di madali ang umibig

Walang komento:
bakit magkukubli sa sakit ng pag-ibig
bakit hahayaan igupo ka ng kirot nito’t hapdi
kung mayroon namang pagpipiliang bumangon at tumindig?
Bakit nga ba hindi dito pumanig?
At huwag sa pagsuko huling kumapit
Ang pagktao mo, puso’t isip

Wala namang nagsabing puro saya at sarap ang magmahal
Ang totoo mabigat talaga ang pakiramdam


Image by FlamingText.com

Huwebes, Oktubre 23, 2008

[maria baleriz liwanag] masakit

Walang komento:
Huwag kang mag-alala
Lilipas din ang lahat
Subukin mo na lang munang sumisid
Doon sa baso ng mga panaginip
Baka sakaling pag-ahon mo para huminga
Huminto na ang pagdurugo ng iyong pangamba


Image by FlamingText.com

Linggo, Oktubre 19, 2008

hinihintay ko ang paparating na gabi sa piketlayn

Walang komento:
pupungas-pungas
madamot ang oras para makatulog ng marangal
mainit na kape ang nasa isip
kahit pa ang kapares ay pandesal
o kanin at ulam na walang sing sarap
maulan man o maganda ang bungad ng araw sa kalawakan
at madalang mo mang marinig ang magandang umaga bilang bungad
may ngiti at sigla sa mukha lumalarawan

magandang umaga
tahimik lang tinuturan ng bawat damdamin
wala man salita o bihirang mamutawi
parang maya na naglalayag sa bughaw na kalawakan
kay ganda
kay ganda ng paglalayag
parang damong binasbasan ng hamog
kay sariwa
kay sariwa ng bawat nagpalang patak


Image by FlamingText.com

kung ano man

Walang komento:
Sa aki’y may nanuot na bagong pakiramdam
At nagustuhan ko ang banyagang ’kung ano man’
May bagong sigla at kilig na hatid
May dayuhang ngiting gumuguhit
May kinang na dulot sa mga matang animo’y nananaginip
Nangungusap ng sanglaksang saya
Itong pusong nadadalas na sa paghimig ng masasayang kanta

-ilang pinilas na bahagi ng tulang "kung ano man"

Image by FlamingText.com

Huwebes, Oktubre 16, 2008

katha

Walang komento:
Kagaya ng ambong ngayo’y tumatambol
Sa bubungang yero

Hayaan mong lumuha
Ng talinghaga ang pawisang diwa
Huwag mong pahirin para mo nang awa

Hayaan mo siyang rumagasa
At sumulat ng paglaban
At paghanga


Image by FlamingText.com

Miyerkules, Oktubre 15, 2008

payak ang kagandahan

Walang komento:
Hayaan mong iguhit ko
Ang gandang nagtatago
Sa likod ng mga ngiti
Ng nagugutom na labi

Hayaan mong iguhit
Ang gandang nagtatago
Sa likod ng mga halaman
At pananim na tumubo
Sa iyong magandang aplaya

Hayaan mong kulayan
Ang mga pawid na natuyot
Sa bubong ng mga payak na kubo
At maging ang mga kinakalawang na yero


Image by FlamingText.com

Martes, Oktubre 14, 2008

harakiri

Walang komento:
nagtataka ako nitong mga nagdaang araw
paano nga ba pakalmahin ang nagwawalang isipan
paghuhuramentadong dulot ng malapit ng kabaliwan
madinig ba naman ng kabatiran mo ang pagpapatiwakal
dahil sa labis na kahirapan
bago isakatuparan ang pagkitil sa sariling buhay
masisisi mo ba kung wakasan
ang buhay ng mga batang kanya mismong iniluwal mula sa kanyang sinpupunan
tapos ipapangalandakan ng mandaraya sa malakanyang:
ramdam ang kaunlaran!


Image by FlamingText.com

Linggo, Oktubre 12, 2008

nitso ng iyong libingan (inang bayan)

Walang komento:
at kung iukit ko man ang iyong kariktan
sa bato ng di mapigil na kalungkutan
may panalangin ang bawat pag-amba
may kahilingan ang bawat pagtatama
ng maleta at paet
na umuuka doon sa balat
nagsisikap na maihubog ang kagandahan
na ikinubli ng madamot na kalagayan

at kung iukit ko man ang iyong alindog
sa bato ng di mabilang na kalungkutan
pakatandaan mo sanang nagugutom ako
katulad ng maraming sikmura sa lansangan
pakatandaan mo sanang mga kamay ko'y nahahapo
katulad din ng maraming paa na walang tigil sa paglakad
doon sa bangin ng bawat pangarap
pilit at pilit na binabagtas
sa pagnanais na maabot ang magandang bukas
na nagtatago sa likod ng mga bundok ng paghihirap
na tumatabing sa mga ulap ng tagumpay
kung saan umuusbong ang bahagharing inaapuhap

at kung iukit ko man ang iyong kahubdan
sa batong marmol o semento ng napipintong karimlan
mabatid mo sanang may luhang nanatak
mabatid mo sanang may paghibik na nilaro ang awitan
habang tumitipon ang dilim sa himlayan
natalos ng marami ang trahedya sa digmaan
kung saan may pawis at dugong dumanak
kung saan may punglong itinanim sa humandusay na katawan
kung saan ang mga buwitre ay mag-aatrasan
sa pag-atake ng mga naghihimagsik na langaylangayan
kung saan may pagtangis na pumailanlang
sa himpapawid na saklot saklot ng paglaban

at kung iukit ko man ang iyong kasaysayan
sa lupang tangi sana nating yaman
huwag mo sanang malimutang ialay
ang mga mirasol at sampagita at rosas
at orkidya at jasmin at santan
na walang sing tingkad ang kulay na itim
sapagkat kasabay ng iyong pagpanaw
ang kanilang lumbay at ibayong pagkalanta

ngunit batid kong hindi lumbay
ang hangad mong aming madama
kung hindi patuloy na paglaban
kung hindi patuloy na pakikibaka
dahil ng ipahayag mo ang pag-ibig sa sinisinta
hindi ka nalunod na titigan siya sa mata
hindi ka natali na hawakan ang kanyang kamay
bagkus itinuro mo mandirigma
kung gaanong ang pagmamahal mo'y dakila
habang taban-taban mo ang armalite
at ang pagsinta mo ay paglaya
na ito'y nakatanaw sa isang direksyon
mga matang
sabay sa paglaya nakatuon

at hindi ka naduwag na makaharap ang kamatayan
bagkus matapang kang nanindigan
upang ipakitang wala ng tatamis pang paglingkuran
ang mabuhay na lumalaban
ang mabuhay para sa mamamayan
at ang mabuhay ng may kahandaan
na pumatay ng para sa bayan
kahit abutin na ang sariling paghinga
mapatid na't humimpil sa trahedya


Image by FlamingText.com

Sabado, Oktubre 11, 2008

tapos

Walang komento:
pumanaw na ang dahilan ng aking pag-asa
paano pa magpapatuloy ang musika sa paggana
parang nagunaw na yelo sa pitsil ng pandama
sumanib sa tubig ng mahimbing na pagsinta

-pinilas na bahagi sa tulang "tapos"

Image by FlamingText.com

Biyernes, Oktubre 10, 2008

Damdamin

Walang komento:
Bakit
Ang pagpatak ng mga luha
Hindi ko mawari
Ang kirot nitong puso
Di ko magamay ang pagbugso
Paano ba dalhin ang kumplikasyon?
Na ngayo’y marahang bumabalot sa emosyon?

Huwebes, Oktubre 9, 2008

kamusta

Walang komento:
Nagkubli ang mga estrelya
Sa ulap ng kawalang pag-asa
At maya-maya ang pumatak ay pawis
Na winisik ng hanging naghihinagpis
Kaya ng lumagapak sa putik ng mga amis
Sumanib ang poot sa naninibughong batis
At ang iyong diwa ibig maglaho
Ninasa na sa sandali bula kang guguho
Doon sa likod ng iyong anino
Doon hangad sarili ay itago
Upang namnamin ang sakit na nananahan sa puso
habang ang karimlan unti-unti tinutupok
ang pinagkukubliang anino doon sa look
kung saan ang tubig ay nagniningning
pero walang kahit sino ang mahuhumaling
sa gandang hindi naman naaaninag
sa kariktang puso ma'y di makapaglayag
dahil sa takot at pagkabulag
sa pagkabigong naghihintay sa bitag
na pinagbuti ng agunyas sa parang
at sakmal sakmal ng aserong kulay kalawang
humihiyaw man ng buong lakas
walang tinig na lumalabas
kundi pawang luha na walang sing askad
kundi pawang impit at hagulgol na tila naglalakad
doon sa balkonahe ng mga sawi't mapagpanggap
na ang ngiti'y mainam na pantabing sa lungkot
at ang kirot ay maitatago sa mga halakhak na mapangimbot




Image by FlamingText.com

Miyerkules, Oktubre 8, 2008

babae sa telebisyon

Walang komento:
Paano kita titingnan?
Naku! Huwag mo akong titigan
Di ko kayang tagalan
Ang mga mata ko’y tiyak magtatago
Ang pisngi ko’y mamumula
Ang buong ako ibig maglaho
Gusto kita
Subalit tayo ay langit at lupa
Ako ay apoy
At ikaw ay tubig
Ikaw ang araw
At ako ang malamlam na buwan
Di magsasama
Di magtatagpo
Ika’y mananatiling bahagi ng pangarap
Uunahin ko muna ang higit na dakilang pakiramdam
Ang ating pagmamahal sa sambayanan
Ang pakikibaka para sa ganap na kalayaan


Image by FlamingText.com

Martes, Oktubre 7, 2008

malumbay kasama ang alaala mo

Walang komento:
Panahon
Kailangan ka nga bang muli aayon
At pagbibigyan ang hiling ng nagwawalang guryon
Doon sa himpapawid ng pakikipagsapalaran at desperasyon
Nagdurusa sa kasalukuyan
Nangangamba at nangangambang tila walang pagsasarang katapusan
At ang saltik ko’y nagpupumiglas na kamatayan
di mawari ang paglalagi sa kapanatagan

kay tamad ng mga hakbang nitong aking diwa
natutuwa tila sa pagkalunod ng gunita
at sa naghahabulang alingawngaw sa isipan
nilalagnat ang mga nababanaag na katauhan

ninanasa ang pagnanasang wala na atang papantay
doon sa kaluluwang ibig kong sa kandungan isakay
at nakikipagniig ang hangin doon sa liwanag
na siyang tahimik na nagluwal sa may sinat kong aninong tumatawag
yakapin mo ang kapintasang nakatato sa aking panulaan
kung saan ang kabiyak ng panapin sa paa
nilisan na ako bago pa magsitilaok ang inahin sa umaga
malumbay kasama ang iyong alaala
walang sing lumbay at pagdurusa at pangamba
wala ng hanging mag-iisip hagkan
ang amis na kalagayan ng dating pagsasama.
Patay na ang ganoong mga oras
Sumibol man ang pag-ikot ng paghanga’t pagmamahal
Magpapatiwakal pa din sa paglisan

kailangan
kailangan ko iyong hakbangan
at lumaktaw pasulong sa makulay na kagandahan
na ipinapangako ng paparating na bukangliwayway
kung saan may nakahandang awitin ang mga langay-langayan
pagbungad nila sa aking talinghaga
mainam ang ganoon
kaysa malugmok sa masaklap na noon
mainam ang ganoon
sa halip na nakahimpil at patuloy mang humihinga
animo bangkay naman ako't dibuho ng kawalang pag-asa




Image by FlamingText.com

kampo

Walang komento:
Maglakbay doon sa bukal
Ng pambubusabos at pagbubuno
Kung saan ang paghiyaw
At panaghoy
Ay tila ba walang paghinto
Habang maraming sikmura ang patuloy na nangangarap magkalaman
Habang maraming mata ang sa tuwina’y luhaan
Ang balon ng pag-aklas
Lagi’t-laging nakaabang
Doon sa kampo kung saan
Ang mga binubusabos ay gumagapang
Sa baga ng panganib at kamatayan



Image by FlamingText.com

Lunes, Oktubre 6, 2008

liham

Walang komento:
Nagliliyab ang mga titik
Sapat upang pag alabin ang paghihimagsik
Na hinabi sa mga dahon ng mga bulaklak
at kinalmot sa balat ng yakal
Na siyang masiglang nagpabulwak
Sa luha na magpapayaman
at didilig sa pag-aalsang di mawawakawak
Upang kung maligaw man saglit ang katinuan
Doon sa kadawagan ng mga patay gutom at kahirapan
Kahit katiting
Makaramdam ka man lang ng paglaban
At sa gayon, sa susunod na paghakbang
ng mga paang tinutungtungan
Babagtasin na nila’y yaong matarik at malubak na eskinita
Kung saan ang himagsikan ay yumayabong ng walang sing ganda



Image by FlamingText.com

Linggo, Oktubre 5, 2008

ngayon at nakaraan

Walang komento:
napapikit ang utak
ng sandaling maisip ko ang ikaw na pagmamahal
at ng marahan ko itong imulat
upang patagin ang nakausling pitak ng lupa sa daan
naisip ko kung gaanong nagdusa ang aking katauhan
dulot ng sugat ng nakaraang pagtatangi
at kung paanong hanggang sa sandaling ito
humihiyaw ng paglaban ang maliit na puwang sa puso
habang ang malaking bahagi ng liwanag na doon nananahan
sinisikap tupukin ang dilim at kalungkutan
bunga ng di nagkahubog na pagmamahal

ngayon ikaw na nga ang aking kasalukuyan
at magiging matapat ako
hindi pa buong-buo sa katotohanan
sapagkat may nalalabi pang puwang ng damdaming ibig ng igpawan
subalit totoong ikaw na ang aking minamahal
at natuklasan ko ito marahil nito lang
sa panahong ang pakikibaka ng mamamayan
maingay at tumitining na naman
kung saan ang mga dahon ay mas matapang ang pagiging luntian
kung saan ang ambon at ulan ay naghalo upang basbasan
hindi lang ang bulaklak at mga talulot
kundi maging ang mga lupang tigang
at ng sa gayon patirin ang uhaw
uhaw na dulot ng pagmamahal sa paglaya
uhaw na nanunuot sa himaymay at ugat
hanggang sa ang sumibol ay mga usbong ng pagmamahal
usbong ng pag-asang may sisilayang mapulang lila na kalawakan
para sa iyo at iyong narito sa kasalukuyan

hindi ito madali
at hindi ginhawa ang aking kapiling
habang nagtutunggali ang ikaw na ngayon
at siyang nakaraan
pero sasabihin ko ngayon
nakahanda ako
na ipaglaban ito
kagaya ng pakikibakang ating tinotono
ipaglalaban ko ito
kapara ng rebolusyong
masalimuot man ay ating sinusulong



Image by FlamingText.com

dilim

Walang komento:
Pikit
Masdan mo na lang ang dilim
Sapagkat ang iyong makikita’y magdudulot ng sakit
kung ipipilit mong idilat ang mga matang nakapiit
sa bartulina ng mga ganid


Image by FlamingText.com

Sabado, Oktubre 4, 2008

oyayi

Walang komento:
mahimbing
ikaw na sumibol mula sa sinapupunan
ng nilalang na siyang naghele sa sangkatauhan
sa kanyang mapagkalingang kamay at bisig
inaruga sa kanayang mayamang dibdib
na siyang nagpayaman sa musmos mong katawana at isip

mahimbing
habang inaawitan ka ng kanyang mga luha
na ngayo’y rumaragasa mua sa mga matang nagmamakaawa
at nagtatanong bakit ka kailangang mawala
sa murang gulang nabasag ang pangarap
ngayon ang oyayi hinagpis ang kalangkap


-mga pinilas na bahagi sa tulang "oyayi"


Image by FlamingText.com

bahaghari

Walang komento:
Lumuha ka
Hayaan mong rumagasa
Yaong mga luha
At dumilig
Sa napapagal na pisngi
Huwag mong ikubli
Ang gandang masisilay
Sa bawat paghikbi
Ang hirap at sakit
Hayaan mong dumaloy
At makita
sa ganyang kalagayan
gumuguhit angbahaghari

naghuhumiyaw ang kulay
sa sandaling mahalikan na ng araw
yaong mga luhang nanatak
mula sa nagdadalamhating ulap


Image by FlamingText.com

Biyernes, Oktubre 3, 2008

ugat

Walang komento:
May lamig na nanunuot sa bawat himaymay
Nitong mga ugat na nanigas na’t unti-unting nangangalay

At tila di na nga matatagalan
hiling ay humiwalay na sa dugong sa kanya’y dumadaan

kung maaari lang
kung maaari lang



Image by FlamingText.com

Pagkupas

Walang komento:
Ipipikit ko na lang ang aking mga mata
Habang sa ganoon kalagayan iisipin kita
At ang nagdaang sandaling hawak-hawak ka
Sa kamay mong takot ding bumitiw sa pag-asa
Na ang nadarama nati’y mabilis kukupas
Kasabay ng kinang at tingkad ng punpon ng lantang rosas
Sa pagpikit kita hahagkan sinta
Hanggang magsilayas ang kulay at ganda
Hanggang sa mamutawi na lang sa alaala
Lumalabong itim at pula


Image by FlamingText.com

Huwebes, Oktubre 2, 2008

Gloria nasaan sila?

Walang komento:
Halaw sa awit ng mga pamilya
Ang tonong hinihimig ng mga oyayi
Ang musika’y malapit nang sumunod
Sa mga notang kinakanta ni sisa
at malapit na ding maging isang trahedya
na akala mo eksena sa pelikula
o isang tagpo sa teleserye
o entablado ng mga tanga
doon lang mapapanood ang istorya
nawawalang katawan
at naglahong pagkatao
mahirap mangako ng hindi sigurado
naglalaro ata ng patintero
o tumutulay sa sinulid
ang buhay o patay na pagkasino
hindi talaga masisiguro
hanap doon
hanap dito
panawagan doon
panawagan dito
nasaan nga ba silang naagnas na may dugo?
nasaan nga ba silang mga mukha'y blangko at nakatago?
nasaan nga ba silang mga bulang naglaho?
nasaan nga ba silang mga tubig na natuyo?
nasaan nga ba silang mga buhay na naglaho?



Image by FlamingText.com

daraan

Walang komento:
natatakot akong kalingain itong nadarama
lalo’t di maiwaksi sa isip
na maaari lang pansamanatala
ang iyong paghimpil ay di talaga magtatagal
lilisan mo din akong tila hanging daraan
sing bilis ng daplis ang aking mamamalayan
kaya mainam marahil na wag masyadong umasa
umahon na ako habang maaga
bago pa maganap na nadarama ko’y lunod na
sa pagmamahal sa iyo
at mauwi sa pagkabigo’t trahedya



Image by FlamingText.com

kamusta na kaya silang wala pang hustisya?

Walang komento:
dugo ang sumirit dahil sa tama ng punglo
na galing sa hayok na baril ng mga bayarang berdugo
naiwang nakabulagta at sabog ang mukha
ng kawawang katawan ng lider manggagawa.
pawis na dumilig sa tigang na lupa
iisipin mo bang sasanib din kapagdaka
ang katawan ng nagpayaman sa pinagtamnang pangarap
ng iwang nakahandusay at di na mahagilap
katawan ng magsasakang tumimbuwang sa pilapil
di na lang pawis at dugo ang nagpayaman sa hilahil
kundi pati ang kawalang katarungan
doon sa mga napaslang na katawan
ng mga nagbungkal sa lupang natigagal

ngayon naisip mo ba silang nawalan?
hanggang tanong na nga lang ba ang iuusal?

'kamusta na kaya silang wala pang hustisya?'

kung sila lamang ay makapagsasalita
mula sa kung nasaan sila
siguradong hihiyaw pa sila ng hustisya
at ituturo ang mga salaring ngayo'y nagpapakasasa
sa yamang tunay namang sa kanila
at sila ang dapat na magtamasa


Image by FlamingText.com

Miyerkules, Oktubre 1, 2008

habang nakikinig ako sa malungkot na himig

Walang komento:
iba ang ating tinginan
kapara ito ng nakatitig ako sa iyong larawan
at ikaw ay nakatitig din naman
hindi ka kumukurap
habang ako’t ang aking mga mata’y di makatagal
may sandaling hahaplusin ko ang iyong kagandahan
gamit ang daliri kong nanginginig pa kung minsan
maingat na inuukit sa aking alaala
ang hugis ng iyong mukha
ang kulay ng mga mata
ang tingkad ng pula
sa iyong labing pangarap kong madama
ang masinsing kurba ng mayaman mong dibdib at katawang sa alindog ay di ko talaga sinamba
ang mga kamay mong madalas sa akin ay magpakalma
kapag ako’y hawak mo na agad ang lahat tila ba ligtas
iyong isipang hindi ko na pangangambahan
silang mga kabataang magpapakalat kalat sa lansangan
upang mamalimos ng kanilang ipanglalaman sa tiyan
iyong isipang hindi ko na aalalahanin
silang mga manggagawang ang pamilya’y gutom ang ulam na kinakain
iyong isipang hindi ko na kakatakutan
silang mga nagbungkal ng lupa para mabuhay
subalit katawan at dugo ang sumanib sa lupa’t himaymay

may hirap ang sandaling tulad ngayon
mahirap ipaliwanag ng isipang tigib sa alinlangan
mahirap ipaliwanag ng pusong lipos ng paghihirap
napipi ang ulirat
upang magsulit ng diskurso
hinayaang humakbang papasok
sa kanlungan
ang sambuwig ng kalungkutan na sa tantiya ay napupusuang manatili sa isipan ng matagal
sing tagal ng sandaling mapapalis ang alaala ng mga sugat ng nagdaang mga digmaan
sing tagal ng sandaling ang mga paglisan ay kagyat malilimutan

ang agunyas ay taimtim na pumapailanlang
ang tingkad ng mga saliw hindi ko na halos manamnam
napapalitan ng mga luhang bumubukal
sa bughaw na mata ang iyong pangalan
kay sarap pang muli ay isilang
upang maituwid ko ang baluktot na naiguhit sa nakaraan
at dulugin muli ang mga garalgal na awitan
iwasto ang tono angkop sa himig ng ating pag-iibigan at paglaban
malungkot ang kasalukuyan
at lalong masalimuot ang kasalukuyan
habang nakikinig ako sa samu’t saring di ko na maunawaan
kung saan umaambon ng lantang talulot ng mga bulaklak
sa aking mismong paanan



Image by FlamingText.com

panaginip

Walang komento:
kung ipipikit mo na ang iyong paningin
malaya kang ito ay gawin
wag mo lang sanang limutin
na sa iyong panaginip ako’y tagpuin
doon naten itutuloy ang naunsyaming awitin
dahil kinulang ang isang araw natin
upang itanghal sa sambayanan
ang musika ng ating pagmamahalan
na alay para sa sugatang bayan



Image by FlamingText.com