sa bato ng di mapigil na kalungkutan
may panalangin ang bawat pag-amba
may kahilingan ang bawat pagtatama
ng maleta at paet
na umuuka doon sa balat
nagsisikap na maihubog ang kagandahan
na ikinubli ng madamot na kalagayan
at kung iukit ko man ang iyong alindog
sa bato ng di mabilang na kalungkutan
pakatandaan mo sanang nagugutom ako
katulad ng maraming sikmura sa lansangan
pakatandaan mo sanang mga kamay ko'y nahahapo
katulad din ng maraming paa na walang tigil sa paglakad
doon sa bangin ng bawat pangarap
pilit at pilit na binabagtas
sa pagnanais na maabot ang magandang bukas
na nagtatago sa likod ng mga bundok ng paghihirap
na tumatabing sa mga ulap ng tagumpay
kung saan umuusbong ang bahagharing inaapuhap
at kung iukit ko man ang iyong kahubdan
sa batong marmol o semento ng napipintong karimlan
mabatid mo sanang may luhang nanatak
mabatid mo sanang may paghibik na nilaro ang awitan
habang tumitipon ang dilim sa himlayan
natalos ng marami ang trahedya sa digmaan
kung saan may pawis at dugong dumanak
kung saan may punglong itinanim sa humandusay na katawan
sa pag-atake ng mga naghihimagsik na langaylangayan
sa himpapawid na saklot saklot ng paglaban
at kung iukit ko man ang iyong kasaysayan
sa lupang tangi sana nating yaman
huwag mo sanang malimutang ialay
ang mga mirasol at sampagita at rosas
at orkidya at jasmin at santan
na walang sing tingkad ang kulay na itim
sapagkat kasabay ng iyong pagpanaw
ang kanilang lumbay at ibayong pagkalanta
ngunit batid kong hindi lumbay
ang hangad mong aming madama
kung hindi patuloy na paglaban
kung hindi patuloy na pakikibaka
dahil ng ipahayag mo ang pag-ibig sa sinisinta
hindi ka nalunod na titigan siya sa mata
hindi ka natali na hawakan ang kanyang kamay
bagkus itinuro mo mandirigma
kung gaanong ang pagmamahal mo'y dakila
at ang pagsinta mo ay paglaya
mga matang
at hindi ka naduwag na makaharap ang kamatayan
bagkus matapang kang nanindigan
upang ipakitang wala ng tatamis pang paglingkuran
ang mabuhay na lumalaban
ang mabuhay para sa mamamayan
at ang mabuhay ng may kahandaan
na pumatay ng para sa bayan
kahit abutin na ang sariling paghinga
mapatid na't humimpil sa trahedya
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento