Martes, Oktubre 7, 2008

malumbay kasama ang alaala mo

Panahon
Kailangan ka nga bang muli aayon
At pagbibigyan ang hiling ng nagwawalang guryon
Doon sa himpapawid ng pakikipagsapalaran at desperasyon
Nagdurusa sa kasalukuyan
Nangangamba at nangangambang tila walang pagsasarang katapusan
At ang saltik ko’y nagpupumiglas na kamatayan
di mawari ang paglalagi sa kapanatagan

kay tamad ng mga hakbang nitong aking diwa
natutuwa tila sa pagkalunod ng gunita
at sa naghahabulang alingawngaw sa isipan
nilalagnat ang mga nababanaag na katauhan

ninanasa ang pagnanasang wala na atang papantay
doon sa kaluluwang ibig kong sa kandungan isakay
at nakikipagniig ang hangin doon sa liwanag
na siyang tahimik na nagluwal sa may sinat kong aninong tumatawag
yakapin mo ang kapintasang nakatato sa aking panulaan
kung saan ang kabiyak ng panapin sa paa
nilisan na ako bago pa magsitilaok ang inahin sa umaga
malumbay kasama ang iyong alaala
walang sing lumbay at pagdurusa at pangamba
wala ng hanging mag-iisip hagkan
ang amis na kalagayan ng dating pagsasama.
Patay na ang ganoong mga oras
Sumibol man ang pag-ikot ng paghanga’t pagmamahal
Magpapatiwakal pa din sa paglisan

kailangan
kailangan ko iyong hakbangan
at lumaktaw pasulong sa makulay na kagandahan
na ipinapangako ng paparating na bukangliwayway
kung saan may nakahandang awitin ang mga langay-langayan
pagbungad nila sa aking talinghaga
mainam ang ganoon
kaysa malugmok sa masaklap na noon
mainam ang ganoon
sa halip na nakahimpil at patuloy mang humihinga
animo bangkay naman ako't dibuho ng kawalang pag-asa




Image by FlamingText.com

Walang komento: