Miyerkules, Oktubre 1, 2008

habang nakikinig ako sa malungkot na himig

iba ang ating tinginan
kapara ito ng nakatitig ako sa iyong larawan
at ikaw ay nakatitig din naman
hindi ka kumukurap
habang ako’t ang aking mga mata’y di makatagal
may sandaling hahaplusin ko ang iyong kagandahan
gamit ang daliri kong nanginginig pa kung minsan
maingat na inuukit sa aking alaala
ang hugis ng iyong mukha
ang kulay ng mga mata
ang tingkad ng pula
sa iyong labing pangarap kong madama
ang masinsing kurba ng mayaman mong dibdib at katawang sa alindog ay di ko talaga sinamba
ang mga kamay mong madalas sa akin ay magpakalma
kapag ako’y hawak mo na agad ang lahat tila ba ligtas
iyong isipang hindi ko na pangangambahan
silang mga kabataang magpapakalat kalat sa lansangan
upang mamalimos ng kanilang ipanglalaman sa tiyan
iyong isipang hindi ko na aalalahanin
silang mga manggagawang ang pamilya’y gutom ang ulam na kinakain
iyong isipang hindi ko na kakatakutan
silang mga nagbungkal ng lupa para mabuhay
subalit katawan at dugo ang sumanib sa lupa’t himaymay

may hirap ang sandaling tulad ngayon
mahirap ipaliwanag ng isipang tigib sa alinlangan
mahirap ipaliwanag ng pusong lipos ng paghihirap
napipi ang ulirat
upang magsulit ng diskurso
hinayaang humakbang papasok
sa kanlungan
ang sambuwig ng kalungkutan na sa tantiya ay napupusuang manatili sa isipan ng matagal
sing tagal ng sandaling mapapalis ang alaala ng mga sugat ng nagdaang mga digmaan
sing tagal ng sandaling ang mga paglisan ay kagyat malilimutan

ang agunyas ay taimtim na pumapailanlang
ang tingkad ng mga saliw hindi ko na halos manamnam
napapalitan ng mga luhang bumubukal
sa bughaw na mata ang iyong pangalan
kay sarap pang muli ay isilang
upang maituwid ko ang baluktot na naiguhit sa nakaraan
at dulugin muli ang mga garalgal na awitan
iwasto ang tono angkop sa himig ng ating pag-iibigan at paglaban
malungkot ang kasalukuyan
at lalong masalimuot ang kasalukuyan
habang nakikinig ako sa samu’t saring di ko na maunawaan
kung saan umaambon ng lantang talulot ng mga bulaklak
sa aking mismong paanan



Image by FlamingText.com

Walang komento: