ng sandaling maisip ko ang ikaw na pagmamahal
at ng marahan ko itong imulat
upang patagin ang nakausling pitak ng lupa sa daan
naisip ko kung gaanong nagdusa ang aking katauhan
dulot ng sugat ng nakaraang pagtatangi
at kung paanong hanggang sa sandaling ito
humihiyaw ng paglaban ang maliit na puwang sa puso
habang ang malaking bahagi ng liwanag na doon nananahan
sinisikap tupukin ang dilim at kalungkutan
bunga ng di nagkahubog na pagmamahal
ngayon ikaw na nga ang aking kasalukuyan
at magiging matapat ako
hindi pa buong-buo sa katotohanan
sapagkat may nalalabi pang puwang ng damdaming ibig ng igpawan
subalit totoong ikaw na ang aking minamahal
at natuklasan ko ito marahil nito lang
sa panahong ang pakikibaka ng mamamayan
maingay at tumitining na naman
kung saan ang mga dahon ay mas matapang ang pagiging luntian
kung saan ang ambon at ulan ay naghalo upang basbasan
hindi lang ang bulaklak at mga talulot
kundi maging ang mga lupang tigang
at ng sa gayon patirin ang uhaw
uhaw na dulot ng pagmamahal sa paglaya
uhaw na nanunuot sa himaymay at ugat
hanggang sa ang sumibol ay mga usbong ng pagmamahal
usbong ng pag-asang may sisilayang mapulang lila na kalawakan
para sa iyo at iyong narito sa kasalukuyan
hindi ito madali
at hindi ginhawa ang aking kapiling
habang nagtutunggali ang ikaw na ngayon
at siyang nakaraan
pero sasabihin ko ngayon
nakahanda ako
na ipaglaban ito
kagaya ng pakikibakang ating tinotono
ipaglalaban ko ito
kapara ng rebolusyong
masalimuot man ay ating sinusulong
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento