Biyernes, Nobyembre 27, 2009

[tula] masaker

Walang komento:
hiramin ko ang linya ni gloc9

"ganito kasi iyon..."

iyan ang gasgas na intro
wala na din kasi akong maisip na mas angkop


masaker
ni piping walang kamay


nakakabobo ang mga nagaganap
iyong bang pakiramdam mo nalilito
na di mo mawari kung paano
kikilos at magsasalita ng wasto

nakakagalit.
nakakapagpuyos sa galit.

tatakbo sila sa eleksyon
tapos bubuo ng mga platoon
ng mga bayarang berdugo

iba iba
may mga pulis
may mga militar
may mga sibilyang inarmasan

tapos palalakasin lalo
hahawak ng pwesto sa gobyerno
mas lalong matatag at sigurado ang kanilang panalo

ganito
ganito sila nagpupundar
kapag malapit na ang pagboto

unti unti nilang binubuo ang takot
sa dibdib ng mga mamamayan

sasampolan ng isa
o dalawa

kinabukasan tatakpan ng dyaryo
ang mga kritikal ang lagay
dahil lumalaban sa gobyerno

pero ang nakakagalit
at talaga namang nakakapagpuyos sa galit
itong kamakailan
sukdulan at masahol pa sa mabangis na hayop
noong ang humigit kumulang
limampu't pitong tao
bangkay na ng marekober
at mas kilala na ngayon sa bansag na:
"Maguidanao Masaker"

ang layon lamang magpasa ng kandidatura
pero ang kinahangtungan ay trahedya
dinala sila sa ilalim ng lupa
pinaslang na parang hayop
ang kaanak ng makakalaban sa kandidatura
nakasama ang mga mamamahayag
at nadamay ang mga inosenteng sibilyan

karumal dumal

at lahat ng ito
dahil sa nalalapit na eleksyon

at lahat ng ito
dahil sa pagkaganid sa posisyon

at lahat ng ito
dahil sa kasalukuyang gobyerno

at lahat ng ito
dahil sa kapabayaan ng pulisya at militar

at ang salarin
tuta ng isang kriminal din

si gloria "makapal ang mukha" arroyo.

tuta ng kano
sinungaling
ganid sa yaman
mamamatay tao

masaker

ito ang estado ni gloria "makapal ang mukha" arroyo
ito ang mukha ng kanyang ninakaw na gobyerno

-mula sa koleksyong "pampulitikang pamamaslang"

Sabado, Oktubre 31, 2009

[tula] maria baleriz liwanag

Walang komento:

magustuhan mo pa kaya ako
kung hindi mo na makitang luntian
ang aking buong anyo?
kung hindi mo na masilayan ang mga maya
at pipit, at tikling, at kahit ang lawin at agila
na nagpapaligsahan sa paglipat sa aking bawat sanga?



magustuhan mo pa kaya ako
kung makita mong panot na ang aking anyo?
kapag namataan mong tuyot na ang aking sapa
at naghihingalo na ang dating kay sigla kong ilog
iyo kaya itong ikalulugod?

isasalba mo ba ang nalalapit kong pagkawala?
o tatalikuaran mo ako't kahit pagluha di mo magagawa?
wag kang magsisisi
ako'may tumatangis sa para sa aking sarili

malapit ng mahuli ang lahat
malapit na

-ilang bahagi sa tulang 'malapit nang mahuli ang lahat' ni maria baleriz

Lunes, Oktubre 19, 2009

isang imbitasyon mula sa di nagyoyosi: yosi tayo.

Walang komento:
ang imperyalismo
(ni piping walang kamay)


ang imperyalismo ay ito:

maihahalintulad sa isang sigarilyo
sumibol
nagkahugis sa mundo
dahil na din sa isipan ng tao

nilikha

pinaunlad para kumita
mula sa pagsasamantala
na pinalasap sa mga
manggagawa't magsasaka
sa mamamayang nangangarap ng paglaya


ikinampanya ng burgesya
upang tangkilikin ng masang pinahihirapan

subalit ang tunay nitong epekto
tinatabingan

mapanganib
nakamamatay ito


sa yosing iyong hinihithit
buhay mo't ng iyong kapwa
at kalikasan sa iyong paligid
ang unti-unti mong pinaliliit

sa bawat hithit
para kang nag-iipon ng barya
para mapuno ang isang alkansya

ikaw mismo ang lumikha
ng sarili mong trahedya
at hinahawaan mo pa ang iba
sa sandaling tinatangkilik mo siya

kaya sa muli mong pagsindi't paghithit
alalahanin mo silang namatay ng dahil sa sakit

alalahanin mo
dahil din dito
unti unti'y nasisira ang kinabukasan
ng kalikasan
at lipunang
pangarap mo'y maabutang ng maraming

tunay ng malaya na't mayroon ng kapayapaan!


*nilikha sa isang pampulitikang pag-aaral pinadaloy.ang paksang IMPERYALISMONG ESYADOS UNIDOS. noong ika-17 ng Oktubre 2009

Lunes, Oktubre 12, 2009

[tula] Unos, ano nga ba ang dala mo?

Walang komento:
*itong akda ay ipinaskil ng may likha upang ibahagi ang kanyang pagtingin sa kasalukuyang kaganapan. may mga ilang talatang kinuha at piniling huwag ilangkap. huwag ka nawang manawa.


Unos, ano nga ba ang dala mo? (ni Piping Walang Kamay)

i.

malakas ang iyong pagdating
dumadagundong

masakit ang hatid ng iyong hagupit
lumalatay, bumabaon

hindi lamang sa mga balat
o sa bawat himaymay ng laman

naglalagos sa bawat alaala't isipan
nag-iiwan ng sugat sa nakaraan
umuukit ng pilat sa kasalukuyan
at gumuguhit hanggang sa kinabukasan

lumikha ka ng panibagong elehiya
at narinig ang kahindik hindik na agunyas

bago pa makalapit tinawag ka nilang ondoy
at matapos ang ilang araw ang tulad mo'y nagpatuloy
binansagan namang pepeng pagpasok sa tarangkahan
wala kaming nagawa sa panganib mong tangan

nasira ang mga dike na ilang taon ng pinabayaan
kampante kasi ang mga nasa pamahalaan
na hindi ito mapipinsala ng kagrabihan

bumigay ang mga pundasyong alam nilang di na makatatagal
lumubog ang kalunsurang kanlungan ng mga api
at kasunod na sinalanta ang mga probinsyang katabi

nilunod mo ng tubig at putik at basura
ang mga bahay, gusali, sasakyan at kalsada
at maging ang mga buhay di mo pinakawalan
ipinalasap mo sa amin ang galit ng kalikasan

kay raming natabunan ng lupa't putik
kay raming iniwan ng kani-kanilang tahanan
pati ang kanilang naitabing materyal na yaman
sumama na sa anod, nag-alsa balutan

ang mga pananim ng mga mahal na magsasaka
sinalanta mo't nilunod at pinahalik sa lupa
ang mga imprastrakturang likha ng mga dakilang manggagawa
tinibag mo sa bagsik mong dala-dala

ii.

iniwan mong humahagulgol ang iilan
habang tinigib mo ng pangamba ang karamihan
at may ilang di natinag sa iyong ipinakita
sinakmal pa nga nila ito upang pangala'y ibandera

malapit na nga naman ang botohan
pagkakataon upang magpabango ng pangalan

kaya sa gitna ng nagdaang kalamidad
at sa nagbabanta pang pagdating
di ko maiwasang magtaka habang napapailing

tuloy sa isipan ko umaalma ang katanungan:

Bakit hindi silang mga nagsasamantala ang iyong pinuruhan?

Bakit hindi silang nagpapakasasa sa aming pera
nagwawaldas ng milyon-milyon sa maluluhong hapunan
habang kalakhan sa amin kumakalam ang tiyan
hindi malaman kung saan makakain para sa gutom?

Bakit hindi sila ang iyong pinarusahan?
silang kay bilis magbahagi ng mga paper bag
na daan-daang libo ang laman
mula sa kaban ng taong bayan
subalit ngayong nasa malaking sakuna ng kalamidad
at mayroong mahigpit na pangangailangan
naghihigpit sila ng sinturon para kami ay tulungan

umaasa sa ayuda ng mga dayuhan
at ang masakit pa nito nalantad na nga sa publiko ang kabulukan
na sa panahon ng kalamidad
hindi handa ang hungkag na pamahalaan
dahil walang sapat na kagamitan upang isalba
ang mga buhay na nanganganib na nasasakupan
makupad pa din sa pag-aksyon para manguna sa kaayusan!

pero ano pa nga ba ang dapat asahan?

iii.

sa isang banda
kung susuriin ng malaliman

may ipinapakita kayong di ata nila namataan
pero paulit-ulit ipinapaskil ng kasaysayan

na sa panahong hinagupit mo ang iyong galit
may kumikilos at kaayusan ang inuunang isaisip


sa muli mong paghagupit
at ang ganitong kaganapan ay maulit
hindi na ako magugulat
hindi na ako magtataka
hindi na ako magtatanong pa

sasagutin ko na para malinaw pa
na mauulit ang kasaysayan ng trahedya
hanggang hindi tayo natututo at kumilos ng sama-sama

hanggang hindi tayo kumikilos para ibagsak ang bulok na sistema
at palitan ng nararapat para sa kabutihan ng mayorya!

iv.

sa mga nagsasamantala:

dapat na kayong mangamba
ibinigay na ng kalikasan ang malupit na banta
na ang nananahimik na biktima
sa panahong mag-alburuto
mapanganib ang sama-samang pag-aaklas nila


sa 'ting mga pinagsasamantalahan:

ang lungkot ano?
kailangan pang may paghagupit para matauhan
na hindi dapat magsawalang bahala
na hindi dapat magsawalang kibo
na hindi dapat manahimik


kung ang kalikasan napupuno din
kung ang kalikasan lumalaban din
bakit hindi natin makitang pag-aaklas din ang ating tunguhin

isinigaw na ng galit na unos
ng nagsama-samang elemento ng kalikasan
ng hangin
ng tubig
ng lupa


panahon ng magbalikwas at sama-samang kumilos
para ang tunay na kaayusan at paglaya ay malipos
at ang pambubusabos ng iilan ay magtapos!

Biyernes, Oktubre 9, 2009

may pakiusap lang ako

2 komento:
huwag ka munang bumugso
kahit gapatak wag kang tutulo

ipunin mo muna ang naglalarong berso
at huwag hayaang masayang ang mga liriko

ang bawat mong talinghaga
ibigkis muna sa paghiga

saka na pabangunin sa banig ng pag-alma
kung handa ng tunay sa pagliyag at pakikibaka

masakit ang paghinto maniwala ka
subalit higit na masakit kapag nadapa ka sa trahedya

sanhi ng kasalatan sa pandama
maniwala ka maniwala

kaya maglagay ka na ng babala:
hindi na muna ako iibig pa

hanggang magsara ang mga titik
dito sa pandama

hihimpil muna ang mga tugma sa bawat linya
magiging pipi muna ang mga tula

saka na muna
saka na muna

ang pag-ibig ang pag-ibig na nanunukso sa tuwina
kaya pagmulat ko hiling ko

kulayan mo akong tila isang payaso
iyong may bughaw at kulay puso

ipangako mo

Linggo, Setyembre 20, 2009

[severino hermoso] tanaw

Walang komento:

nagkita tayo kanina
pero hindi mo alam
sapagkat malayo ka
at sa pakikipag-usap abala

habang nakikinig ako sa nagsasalita
doon sa entabaladong-sasakyang kanilang ginawa
natanawan ka nitong mga mata
at muli't muli ang aking paghanga

medyo may nagbago sa iyo
may kwentas ka na sa leeg mo
at sa tingin ko mabigat ito
pero alam kong ito ang gusto mo

sapagkat pinapahinto nito ang bawat saglit
upang ikahon ang kasaysayang ngumingiti
ma'y lumuluha't may hinanakit

alam kong ito ang iyo hilig
o mas angkop na sabihin:
itinitibok ngayon ng iyong dibdib
para sa tinatawag na pag-ibig?

buntong hininga
salamat at kahit malayo ka
malapit ka pa din sa ala-ala

tanaw kita sa bawat anggulo
kahit pa gaano kalayo

tanaw kita sa gunita
sa panaginip at
at bukambibig
kahit pa di ito naririnig...

buntong hininga
tingin sa kalawakan
makulimlim ang aking nakikita
pero mananatili ako
kahit pa mabasa ng mga luha
dahil ibig kong tangayin na nila
ang aking nadarama
iyong hindi na matatanaw
kapag natuyo na ng araw

-"tanaw", severino hermoso
Image by FlamingText.com

Biyernes, Setyembre 18, 2009

ilabas ninyo ang dinukot ninyong si Noriel Rodriguez!

Walang komento:
ma(g)kikita
ni piping walang kamay

matamis ang iyong mga halakhak
masasaya
nasasabik na ang ating mga kwentuhan
ang mga halakhakan
kahit ang mga lungkot at luha
mainam na balikan

subalit

nakakaluha na ngayon ang iyong mga alaala
dahil nababalot na ng pangamba
sapagkat hindi alam kung nasaan ka

ika-pito ng setyembre noong ikaw ay dukutin
apat na armadong kalalakihan ang sa iyo'y kumuha
hindi kilala ang katauhan ng mga duwag na punyeta

aakalain bang ang isang tulad mo
walang armas kung 'di ang ipinaglalabang prinsipyo
na para sa katarungan at kalayaang totoo
tututukan ng baril at kukunin ng mga bayarang berdugo

at dumagdag ka sa listahan ng maraming iba pa
tulad nina Karen, Sherlyn, James, Jonas,
at sinong makakalimot kay Melissa
na dinukot kasama ang dalawa pang aktibista
at pinakawalan ng mga nagpahirap sa kanya
subalit ang dalawang kasama nananatiling di makita

kasalanan bang makipamuhay sa masang magsasaka
at tumulong at ipaglaban ang karapatan nila?

magkikita tayo
kung saan man ay hindi ko masasambit
magkikita tayo
kung saan man ay hindi ko sigurado

subalit natitiyak ko
magkikita tayo

at makikita nila
ang tama at nasa wasto ay tayo

makikita nila
na kahit gaano pa ang banta
nitong mapagsamantalang estado
lalaban at aalma at maghihimagsik pang lalo
ang sambayanang labis na nilang siniphayo

magkikita tayo
natitiyak ko

sapagkat kasabay ng paghahahanap namin sa iyo
kasama ng mahal mong pamilya at kasama
mga kaibigan at kabarkada at kakilala
patuloy kami na lalaban at lalaban

kahit dumating pa sa dulo
na ang aming matagpuan
M16 na ang aming dapat tanganan
upang sa hinaharap matigil na ang ganitong kalakaran

magliliyab magliliwanag ang mga dahilig
ang mga ilog at bundok at bukid
upang tanglawan kami palapit sayong piling
at ihahapag namin ang hustisya sa iyo
at sa marami pang biktima nitong sapilitang pagkawala
na silang mga mapagsamantala't ganid ang may gawa!

-"ma(g)kikita", piping walang kamay
Image by FlamingText.com

[tula] tatlong daan animnapu't limang araw

Walang komento:
**si James Balao, isa sa mga nagtatag ng prominenteng Philippines Indigenous peoples' movement, ay nawala noong September 17, 2008. hinihinalang kinuha ng mga elemento ng AFP dahil sa pagiging aktibista at tagapagtanggol ng karapatan lalo na ng mga katutubo o pambansang minorya. isa sa maraming kritiko ng rehimeng US-Arroyo at hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa din siya natatagpuan.

itong tula ay binagong bersyon ng may akda. binago ang ilang salita. subalit sinikap na mapanatili ang mensahe at maigting na panindigan at damdamin.

itong tula ay alay sa kanyang isang taon ng patuloy na pagkawala.
itong tula ay alay sa lahat ng tulad niyang hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ding balita ng kinaroroonan.
itong tula ay alay para sa patuloy na pakikibaka natin para mahinto ang ganitong kalakaran ng gobyerno at ng kanyang mga galamay.
itong tula ay alay sa lahat ng mamamayang Pilipinong nagmamahal sa pagkamit ng tunay na paglaya.

tatlong daan animnapu't limang araw




"Si James Balao. hanggang ngayon hindi pa natatagpuan."


baka nakita mo siya
tatlong daan animnapu't araw na siyang nawalay sa kanyang pamilya

tatlong daan animnapu't limang arawna pag-aalala ang sa mga kakilala
kasama, kaibigan, pamilya ay nananahan

tatlong daan animnapu't limang araw
ng dagdag na kasinungalingan
ang ipinapangalandakan ng berdugong
militar at kapulisan at malakanyang
na sa nangyari sa iyo wala silang kinalaman
na ang kinaroroonan mo ay di nila alam

tatlong daan animnapu't limang araw
na paghahanap ng walang tigil
upang matagpuan ka at malamang ayos ang kalagayan
tatlong daan animnapu't limang araw
na palaging umaasang makabalik ka na
umaasang may nakakita na sa iyo
o mayroong makapasabing ayos ka lang
tatlong daan animnapu't limang araw
na bigo sa pag-asang ika'y matagpuan

subalit hindi kami titigil
hindi kami mawawalan ng pag-asa
na mahanap ka at ang maraming iba pa
na tulad mo'y dinukot din ng mga mapagsamantala
silang mga duwag sa mga tulad mong umaalma
silang mga duwag sa mga tulad mong piniling makibaka
kasama ng maraming mamamayang inaalipusta

tatlong daan animnapu't limang araw
ng pagtitiis at sakripisyo at paglaban
kahit ilang tatlong daan animnapu't limang araw
ang dumaan upang matagpuan lamang ang iba pa at ikaw
na kinuha ng mga bayaran nitong mga halimaw
na doon sa malakanyang ay nagdiriwang ng may pangamba
habang naglilingkod sa dayuhang amo nila
tatlong daan animnapu't araw
asahan mong hindi lamang kami maghihintay
gagalugarin ka namin sa mga sulok at ilang
hahanapin sa mga titik ng mga akda at pahayagan
upang ang paglitaw mo at ng maraming iba pa ay maisakatuparan

tatlong daan animnapu't limang araw
maghahanap kaming lumalaban
at nasabi ko bang sa parehong bilang ng araw
mauulit at mauulit nilang madarama
mamumuhay din ng may pangamba ang mga dumukot sa iyo
at sa iba pang lumalaban para sa ating paglaya?
hanggang hindi ka natatagpuan
hanggang hindi kayo nakikita
dahil pangangambahan din nila ang kanilang buhay
sa bigwas na ganti ng mamamayang lumalaban

Image by FlamingText.com

Martes, Setyembre 15, 2009

[severino hermoso] rebolusyon

2 komento:


mahal naman kitang talaga.
mahal na mahal.
mahal na handa akong mabuhay para sa iyo.
mahal na mahal.
mahal na handa kong tiisin ang hirap at lumbay at pait.
tiisin ang bawat pasa at galos at sugat.

mahal kita na handa akong masaktan.
mahal kita na maaaring hindi ako maubusan ng dahilan.
o mahal kita at maaaring takasan ako ng mga batayan.
subalit mahal kitang tunay.
alam ko at naniniwala ako.
hindi naman palaging may batayan ang lahat.
sapagkat minsan mahirap ipaliwanang ang ilang nadarama.
subalit alam kong ito ay wasto.
at ipagpapatuloy ko itong sundin.
ang ikaw ay patuloy na ibigin.

doon kita natatagpuan
sa bawat ngiti ng mga batang paslit
doon sa mga maralitang komunidad
sa mga pagbating sumasalubong
doon sa kanayunan
sa piling ng mga magsasaka
mangingisda at maging ng mga katutubo
sa kanilang mga pag-aalala
doon kita natagpuan
sa mga armas na tinanganan
para ipaglaban ang paglaya ng mamamayan
para isulong ang kanilang karapatan
para sa masa at hindi sa pansariling ibig matamasa

sa bawat tawanan at pagluha
sa bawat pagkain at gutom
sa mga tingin ng mga matang malungkot
at nasasaktan at kumakalam ang tiyan
doon kita natatagpuan
at dahil nga doon
minamahal

mahal kita
sa gitna ng hirap
at pasakit at kalungkutan
mahal kita sa gitna ng mga ngiti
at pagtawa at halakhak

at alam ko mahal kita
hindi sa mga salitang binibigkas
dahil alam kong hindi laging 'i love you'
ang kailangang marinig
at hindi laging sa bibig
pinapatunayan ang pag-ibig
hindi sa mga paghahawak o halik
hindi sa pagsasama at pagsasanib
hindi sa ibabaw ng kama at ang paglalapit
sapagkat ang pag-ibig ay pag-ibig
hindi nakakahon at nakapinid
sapagkat ang pag-ibig ay paglaya
at ang paglaya ay pagiging payapa
at ang pag-ibig ay makikita
sa gitna ng digma


Image by FlamingText.com

Miyerkules, Setyembre 2, 2009

McDonald's o Turo-turo? at ang maluhong entourage

Walang komento:


alin nga ba ang mas may dignidad?

ipinapakita lamang kung gaano kakorap at kolonyal ang utak ni Mikey Arroyo. isipang malinaw na hindi naglilingkod para sa interes ng mamamayang Pilipino.

idagdag pa ang walang pakundangan sa pagbitaw ng mga salita. tandaan mo na isa sa pinagkakakitaan ng mga pinoy ay ang pagtitinda ng mga ulam o ang turo-turo -bilang kabuhayan. higit na may dignidad ito kaysa sa tulad mo at sampu pa ng ibang "tongresista" sa kongreso kasama na ang korap at mandaraya mong ina.

itinatadahana sa saligang batas na dapat maging ehemplo ng simpleng pamumuhay ang mga nanunungkulan sa gobyerno. pero sa ipinapakita ng mga tulad ninyong korap na mandaraya at kawatan sa gobyerno lalo lamang pinatutunayang wastong lumaban at manindigan para sa aming mga karapatan.


Image by FlamingText.com

[bidyo / komentaryo] kung ano ang puno siya ang bunga

Walang komento:






mikey arroyo: "...ill-gotten? hindi naman gaanong kalakihan iyan..."

**ang kapal ng mukha! hindi gaanong kalakihan? palibhasa mana sa mga magulang na kurakot kaya binabalewala ang halaga ng pera ng taongbayan basta sila makapangurakot lamang. mahusay paglaruan ang batas. ang kapal pa na maghamon na kung may nakikita tayong mali idemanda o maghabol tayo sa korte? tinamaan na ng mahusay na kawatan. talagang pati ang hustisya dudumihan. matapang na makipagharap sa korte dahil kayang kaya nilang paikutin ang hustisya sa bansa.

may araw din kayo sampu ng mga tuta ninyong korap sa gobyerno!

-piping walang kamay


Image by FlamingText.com

Lunes, Agosto 31, 2009

[tula] tsubibo (pinilas na bahagi)

Walang komento:
nadaan ako sa isang karnibal
medyo sosyal siya doon sa pangkaraniwang kong kinalakihan
mas maharot ngayon ang dating
mas malandi ang mga ilaw

nasabik tuloy akong sumakay muli ng tsubibo
ibig maramdaman muli iyong nasa itaas ka't
humahaplos ang hangin
at humaling na humaling ang mga mata sa tanawin

mabagal sa simula
biglang bibilis ng bibilis
iyong bang tipong bumabaligtad ang sikmura
at kung lalaki ka parang nawawala
ang bayag mo sa lula
kasi parang hiniwa na di mo naramdaman
may kumuha

sa babae di ko alam kung anong epekto
pero sigurado ako iyong sa sikmura at lula
oo

parang kapag naglalakad sa paglalakbay
ayos pa ang mga unang ilang hakbang
ayos pa ang kurbada
kinakaya ang distansya

parang kapag nagmahal ka
malumanay sa una
steady lang ang porma
masaya ang mga ngiti
at kahit ang mga mata

kapag tumagal tagal
nagsisimula na ang pagtaas ng pangamba

sa tsubibo:
andyan na ang natetensyong katinuan
kinakabahan
humihiyaw
na tila ibig mong isuka ang mga laman
sa loob ng iyong katawan
sa loob ng iyong tiyan

parang kapag naglalakad sa paglalakbay
nagsisimula kang makaramdam ng pagkapagal
nangangalay ang binti
titigil at magpapahinga
naghalo halo na kasi ang nadarama
ang init
ang pagod
ang gutom at uhaw
ang sakit ng binti

parang kapag nagmamahal
sa pagtagal tagal
nagsisimula na ang alitan
nariyang magbangayan sa maliliit na bagay
ang maliit na tampuhan
lumalaki ng di namamalayan
nagkakaroon ng tensyon
humihiyaw sa hamon ng pagkakataon
ang luha bumabalong

ang mga sandali sa paglaon
karanasang kahit papaano nakakatulong
dahil pagkatapos ng yugto
matapos ang pananabik
ang tensyon
ang pakiramdam
ibig mong umulit pa din kahit may pangamba
kahit may takot
basta ba may kasama ka
dahil alam mong may makakasama ka

hinahanap hanap mo pa rin talaga
ang makasakay sa tsubibo

at magandang makita ang emosyon ng iba
may tumitili at nakatawa
may tila ibig maglaho sa upuang sa sandaling
nasa tsubibo ay tila wala
para mo na ding nakikita ang sarili mo

parang pag-ibig
gusto mo pa ring
umulit at magmahal ng paulit-ulit
kahit may sakit
dahil alam nating
matingkad ang karanasang sinusulit

parang paglalakad
hahakbang ka padin ng paulit ulit
upang makarating sa pakay
sa layong lugar
sa dahilang iyong nilalandas

nakakasabik ang makasakay muli
hindi lang sa pista ng baryo sa probinsya
sana kahit sa enchanted kingdom aking masubukan
kaso medyo mahal na ang ganoon
pag-iipunan ko muna
o baka hindi na muna
o hindi na talaga

unahin ko na lang muna ang gutom na sikmura
at ang pakikiisa sa malawak na biktima
ng laganap na pagsasamantala
na kagaya ko ay problema ang pang-araw araw
na pangpakalma sa umiikot na bituka sikmura

-severino hermoso

Linggo, Agosto 30, 2009

[tula] huwag kang lumimot

Walang komento:
tsatsamba din sila
kapag nagpabaya ang madla

kung asintado talaga
tiyaga lang at pasasaan ba
siguradong tatama

pero ito ang tandaan ninyo
silang mga ganid na nasa kongreso
'wag na 'wag kalilimutan sa darating na mayo
sila ang mga di na dapat pang pagtiwalaan ng boto

isama na ninyo si GLORIA-MAKAPAL-ANG-MUKHA-ARROYO
ang numero unong dorobo
aba'y alam ba ninyong may balak pang tumakbo?

o-O.
at doon sa kongreso ibig maupo

kaya kaiingat kayo.
sa cha-cha

dahil kung hindi cha-cha-main ang ating tinatanaw na pag-asa
na maiguhit ang isang magandang umaga
na malaya mula sa pagsasamantala

-"huwag kang lumimot", maria baleriz

Biyernes, Agosto 28, 2009

[tula] sa ating tagpuan**

Walang komento:
**babala: nakakahilo.nakakabato?unawainnalangninyo.salamat.
ngiti.patlang.masarapmagmahalnglumalaban.masarapdinnamanghumimpil
kapagnapagodangsikmuraatkumalamangpaaatmgakasukasuan.magmahalkapadin.atlumaban.
kumindat.ngumitingubodngsarap.kagatinanglabipaminsanminsan.attingalainanglangitdahil
bakadinasiyaluntian.

"sa ating tagpuan"
-severino hermoso

makulit pa din talaga itong aking isip
patuloy na nangangarap na ikaw ang kaniig
sa alapaap ng tagumpay na lango sa kabiguan
doon hinahabi ang hindi maaaring magpantay

matigas nga marahil ang ulo nitong pangarap
o puso talaga ng kabiguan ang nagdidikta ng nararamdaman

madalas kung takasan ang katotohanan
upang sa muli't muli ay magising na luhaan
madalas kong takbuhan ang luntiang hardin
kung saan ko kaulayaw ang mga damo't sariwang hangin
madalas kung lisan ang mundong sugatan
upang tunguhin ang ating marilag na tagpuan

tinatangi ka sa puso at sa isip

madalas kung bisitahin ang hardin
upang doon muli't muli ay buuin
ang ating masayang pagtatagpo na animo piging
kung saan may bahaghari at paru-paro sa ating...
kung saan may mga talulot at dahon na bumabagsak sa ating...
kung saan may awit na nililikha ang mga ibon sa ating...

sa pagtatagpo
sa paglalapit
na kailanman di na ata maiguguhit
dahil sa sandaling mapagod na ako sa pagpikit
siya at siya pa din ang tumatambad
sa aking sikmura
sa aking dila
sa aking kamay
sa aking mata

sa mundong umaawit ng hikbi
dito sa mundong inaagaw pilit ang ating pagkamusmos

sa mundong ninakaw ang magandang kinabukasan ng kabataan
dito sa mundong bubulagta o maglalahong parang bula
ang mga lumalaban para sa karapatan

sa mundong ito kung saan ang luha ay luha
at ang pawis ay pawis at ang dugo ay dugo
ang yaman ay sa iilan
habang ang kahirapan ay sa nakararaming api
dito sa mundong batbat ng sugat at pag-ibig

umiibig kahit nakapikit
kahit nasasaktan at kumakalam ang bibig
at naglalaway ang sikmura at nakukuba ang mga paa
at nakalahad ang mga palad para sa ambon ng grasya
upang mabusog ang hibla ng dila
upang mapatid ang mitsa ng paglalayas ng bait

doon aasa ako magtatagumpay pa din
at magtatagpo tayo at ang ating mga labi
magkahinang at inaaruga ang sugat ng kahapon
na tumatak sa ating katawan

doon aasa akong mananaig ang ating hanay
na dinilig ng mapulang lila ng tagumpay
nakakuyom ang mga luha sa ating mga kamao
at unti unting sakit ay maglalaho
doon
do-on
kung saan may bahaghari at paru-paro sa ating...
kung saan may mga talulot at dahon na bumabagsak sa ating...
kung saan may awit na nililikha ang mga ibon sa ating...

...sa ating tagpuan.


Lunes, Agosto 24, 2009

[tula] pumalag tayo (dahas ng agosto 19)

Walang komento:


layunin ay tuligin ng protesta
ang pandak diyan sa malakanyang
upang ipaabot ang nagpupuyos na karaingan

maluho ang kanyang panunungkulan
lalo ang pagbisita sa ibang bayan

tila napapaso sa hawak na perang
kinurakot ninakaw sa mamamayan
sa isang upuan gumastos ng milyon
kasama ng kanyang mga kampon ng kasamaan
habang inilalako ang soberanya ng bayan
habang ibinebenta ang murang paggawa
ng mamamayang hindi naman talaga siya ang hinalal



nagpapakasasa sa ginhawa
habang tayong mga mamamayan
nakasadlak sa gutom at kahirapan
habang tayong mamamayan
di malaman kung saan kukunin ang pang-araw-araw
upang maitawid ang gutom na tiyan

pagbaba niya sa pwesto
ang pangyayaring ating gusto
at panagutan niya ang kanyang mga asunto
sa mamamayang kanyang pinagtaksilan
at araw araw na sinusugatan
ninanakawan
ng yaman at dangal

subalit ano ang iginanti? ano ang tugon?
dahas at brutal na pagtrato
kung saan kilalang kilala ang rehimeng arroyo
puno ng pagpapanggap at pagbabalatkayo
batbat ng kasinungalingan at panggagahasa
sa karapatan ng sambayanang Pilipino



marahas ang estadong ito
at dahas ang itatapat natin
marami pang papanaw
marami pang maghihirap
hangga't di natin mapagtanto
at kumilos upang baguhin ito:
na kaya tayo naghihirap
dumikit na sa utak natin ang pagsasawalang bahala
na kayo tayo ngayon nagdurusa
dumikit na sa kokote natin
ang makitid na pagsasawalang kibo
ang hayaang lalo tayong ilampaso sa lupa
at apakan ng mismong may mga sala

ginusto ba naming dahasin?


oo.
ginusto namin.
ang totoo inaasahan na namin.
wala ng bago.
wala ng nakakagulat.
pero sa kabila ng mga pasa at sugat
handa kaming tiisin ang lahat
subalit hindi na lamang pagtitiis
ang ating gagawin
kikilos na tayo
at sa dahas nila pumalag tayo
dahil ayaw nating magsawalang kibo

kung dahas at dahas lang din
ang solusyong kanilang ilalapat
sa problema't hinaing ng mamamayang naghihirap
dahas na din ang ating papandayin
dahas na din ang ating huhubugin
hanggang mahinog na ito't handa na nating gamitin
sa panahong iyon ating kakamtin

ang hustisyang lalatay kahit sa kanilang mga mata
at sa bawat himaymay ng kanilang sikmura

dahas din ang ating ipapadama
asahan na din nila
asahan na din nila...

Image by FlamingText.com
*naikatha mula sa marahas na dispersal noong ika-19 ng Agosto 2009.

Biyernes, Agosto 7, 2009

[tula] bull-(tsit*)

Walang komento:
I

ate magkano po ang tsit ko?
para sa kanin naka dalawa akong plato
at sa ulam isang platitong dinuguan
at isang ga-hopiang puto
na may keso sa may ulo

makikihingi na din po ng tubig
makalibre man lang ng malamig

dagdagan pa po ninyo ate
kanin at masarao na putahe
isang kanin nga po at ulam na gulay
halagang sampu para sa may sakit kung nanay
pakibalot na lang po't sa supot ilagay
iuuwi ko po kasi sa aking inang nakaratay
II
ang hirap kitain ng pera
ang isang daan kulang na kulang talaga
mahirap na't mapanganib ang trabaho sa pabrika
napakababa pa ng sahod naming manggagawa

tapos dadagdagan pa ng insulto nitong gobyerno
sa halos lahat ng SONA niya inanunsyo
gumaganda na daw ang ekonomiya ng bansa nating mga Pilipino
kung hindi ba naman ang pandak na ito sira ang ulo

paanong magiging ganoon
ito ngang aming pagkain napapakamot ako
ang baba ng sahod ng maraming pinalad magkatrabaho
sa maikling panahon tiyak
ang hantungan ko'y pagkasibak
manung hindi e kontraktuwal lang ako
sa susunod na buwan marami-raming poste
na naman ang bibilangin ko

III

tignan mo itong mga dyaryo mahirap ding kilatisin kung ano
di mo matantya kung para sa masa ba ito
o diary na lang ng mga nandoon sa palasyo
pero maganda itong isang ito

aba at may tsit din pala dito
kaso kaiba sa tsit na babayaran ko

'tsit' ni gloria at ng kanyang mga katropa sa kanilang huling pagbisita sa amerika.
noong sila ay kumain sa 'Le Cirque'.

-piping walang kamay
+ang larawan ay mula sa 'at midfield'

Linggo, Hulyo 19, 2009

[tula] walang lucky nine para kay gloria

Walang komento:
*ilan sa 9 na tulang bahagi ng "walang lucky nine" para kay gloria
protestang tula sa rehimeng US-ARROYO sa nalalapit niyang SONA at sa pakana niyang CHA-CHA!

VIII.

mainam pa ang mga sinto-sinto
o kaya mga taong grasa
kapag binihisan mo
at inalagaan
babalikan ng pag-asa

samantalang itong mga mag-a-amerikana
at eleganteng baro sa nalalapit na sona
karamihan ay nangingintab sa ginto
pulos mga alahas ang karamihan sa mga loko

pero kahit anong bihisan na mamahalin
na ipasuot mo sa mga nagpapanggap na magaling
kahit saang anggulo mo sipatin
kriminal pa din talaga ang dating

bantayan mo ang mga ngiti
at pati ang lakad, lingon at sagot sa mga pagbati
daig pa ang kilos galaw ng mga hari

magaling lamang ang mga mokong
kapag ang sesyon ay magpapakapal ng kanilang datong
pero kapag sinilip mo sa upuan nila
kapag may mahahalagang batas na dapat iapruba
kung hindi late o absent sa kamara
hayun ang mga loko: tulo laway at nakanganga
ang sarap ng paghilik ng mga putang ina

nalalapit na naman ang sona
nagdeposito na sila ng panabla
ang con-ass tiniyak na nilang nakakasa
at ang kanilang mga sundalo at pulis
naghahasik na ng pambobomba sa metropolis
habang niluluto nila ang cha-cha
iniisip ko ano pa ba ang di nila nagagawa?

IX.

pero kung may ilang bagay na mahusay sila
ito ang isang di sila papalya:

mag-uulat na naman ng mga huwad na kaunlaran
sa masa
bakit kaya si mameng di pa gumagaling sa sakit?
at si junior di maipagamot ng tinderang si aling weng.
bakit si tatay kanor na palaboy
at ang kanyang mga anak nandoon sa ilalim ng tulay
at nanganganib pang sa kawalan itaboy

si nena nagpuputa sa may avenida
para makabayad ng matrikula
at kung may sosobra makakakain ng masarap
ang kanyang pamilya

si atan hindi na nag-aaral
nag-aantay na lamang ng mabibiktima sa daan
bihasa na kasi siya sa pagiging kawatan
ito na lang ang naiisip na daan
sa halip na kumalam ang sikmura
at mamatay ng walang kalaban laban


mag-uulat na naman sila hinggil sa karapatang pantao
na itinulak nila diumano
masasama kaya ang nangayari kay Melissa?
masasabi na kaya nila kung nasaan na sila
silang biglang naglaho at pinaslang ng walang hustisya?
sina karen at sherlyn at jonas at ang iba pa
na hanggang ngayon ay di pa kapiling ng kanilang pamilya?

paano ang mga kumanta laban sa katiwalian?
si jun, si nancy, at ang iba pa bibigyan na kaya ng parangal?

ano pa ba ang dapat asahan?
tiyak magsasalita si pandak
na kasinungalingan ang matapat


ito ang gobyerno ni gloria sa pumumuno niya
batbat ng mga sinto-sinto at taong grasa

mali
masahol pa pala sila
hindi lamang sa hitsura
umaalingasaw pa

-"walang lucky nine", piping walang kamay

Image by FlamingText.com

Biyernes, Hulyo 3, 2009

[tula] huwag kang lumimot

Walang komento:
tsatsamba din sila
kapag nagpabaya ang madla

kung asintado talaga
tiyaga lang at pasasaan ba
siguradong tatama

pero ito ang tandaan ninyo
silang mga ganid na nasa kongreso
'wag na 'wag kalilimutan sa darating na mayo
sila ang mga di na dapat pang pagtiwalaan ng boto

isama na ninyo si GLORIA-MAKAPAL-ANG-MUKHA-ARROYO
ang numero unong dorobo
aba'y alam ba ninyong may balak pang tumakbo?

o-O.
at doon sa kongreso ibig maupo

kaya kaiingat kayo.
sa cha-cha

dahil kung hindi cha-cha-main ang ating tinatanaw na pag-asa
na maiguhit ang isang magandang umaga
na malaya mula sa pagsasamantala

-"huwag kang lumimot", maria baleriz

Biyernes, Hunyo 26, 2009

[tula] tanikala*

Walang komento:

kay hirap nang pasan pasan sa balikat
walang habas ang latigong humahalik sa balat
iniiwang mga latay lumilikha ng sugat
katawang nahahapo 'di makapahinga kagyat

walang laya na kumilos
mga karapata'y sinisikil sa pag-agos
nakabilad sa pagsasamantala't pambubusabos
ang sahod ay katumbas lamang ng limos

bawal ang awit na humihiyaw ng hinaing
ang akda ng pagkaapi'y 'di maaaring tulain
talumpati ng pagdarahop bawal na sabihin
gutom ng sikmura 'di maaaring sa nobela ihain

iniluwal nang paggawa dugong pawis na walang humpay
ginahis pa ng pasismo ang maralitang hanay
gapos kadena ang ating mga kamay

sukdulan mang matatawag itong nagaganap
kikilos tayo upang makamtan ang paglayang hinahanap
at sa pagdagundong ng ating alingawngaw
lalagutin natin ang tanikalang kanilang ibinalabal

at sila namang mapagsamantala sa yaman ng bayan
silang hayok sa pagkaganid ang makakaramdam
bagsik nang ganting nag-aalab sa paglaban!


*mga piling parapo. mula sa akdang 'tanikala'.

Image by FlamingText.com