Linggo, Agosto 24, 2008

ang awit ng paglimot

makulimlim ang langit
at may daan-daang ambon
siyang winiwisik
malamig ang marahas na hanging umiihip
napupuno na ang lupa ng tubig
nalunod na siya't di na kayang lunukin
ang mga luhang ngayo'y dumarami
patuloy pang lumalatag

at ang kidlat pilit hinahati ang langit
maya't maya'y tila mga latigong gumuguhit
kasunod ang mga pagdagundong ng kulog
at ang mga bata tila umiindak sa tunog
ng mga patak ng mga ambong
marahan ng nagiging mga luha
kasabay ng kulog ng sapantaha
doon sa aking silid
aking natatanaw mula sa bintana
ng agam-gam at alintana
marahil sa pagtila ng pagluha
ng mga ulap at mismong mga luha
marahil sa pagtila ng mga pagtangis
ng mga sakit at ng mismong pusong
humihibik at umaawit ng lumbay
at hapdi
doon ko maaarok
ang lalim ng himig
na paggising ko bukas
paglimot ang aking hahanapin
sa kabilang panig ng mundo
labas sa batid ng
katinuan ng humihinga
at tumatakbo
-"awit ng paglimot", Image by FlamingText.com

Walang komento: