Huwebes, Agosto 21, 2008

maganda ang gabi

pagsapit ng takipsilim
marahang sumisilay
ang marikit mong kulay
na kay gandang pagmasdan
sa karimlang pinintahan
ng sigla at buhay
nitong mga ilaw
na maharot at kumikinang

paano nga kaya kung walang tatanglaw?
doon sa gitna ng dilim
na lumamon sa kapaligiran?
makita mo pa kayang
maganda pa rin ang kabundukan?
at kahit ang dalampasigan
may kakaibang alindog
sa gabing nakikipisan
at malugod na hinahalikan
ng mapanghalinang ilaw
upang himukin kang huwag matakot sa gabi
bagkus yakapin siya
hanggang sa paghimbing
ng pagal na katawan
at sa pagsilip ng bukangliwayway
habang naghahanda sa pagbangon ang
damdamin at kamulatan

maganda.
at kagaya ng umaga
may angkin din talinghaga
at tugma ang kanyang mga letra
malalim din ang kanyang mga sapantaha
marubdob ang kanyang katahimikan
maharot ang kanyang ningning
at naghihikayat na siya ay iyong
tangkilikin
hanggang sa mismong karimlan
ay mahimbing na ng paggising...

-"maganda ang gabi" ni

Image by FlamingText.com

Walang komento: