hindi man niya sambitin
pangarap niya ay paglaban
para katarungan ay makamit
mula sa pagsasamantalang
kanyang dinanas sa kamay
ng mga ganid na naghahari-harian
hindi man niya sambitin
pangarap niya ay hustisya
para sa mamamayang dapat
sana'y sa kanya makakatamasa
ng nais na kaayusan
at maalwang kabuhayan
hindi man niya sambitin
hangad niya ay paglaya
mula sa kadenang ibinalabal
ng mga ganid na mayayamang
sa mamamayan ay nambubusabos
hindi man niya isigaw
pangarap ng kanyang nananaghoy
na tinig ay kalayaan
at katarungan sapagkat
kung makapagsasalita
ang bawat niyang alon
ang kanyang tubig
ang mga isda
ang mga papanim sa kanyang paligid
ang mga dampang sa kanya'y nakatirik...
isisigaw niya doon
sa mga ganid na nagsasamantala,
"ang APLAYA...
ang LAWA...
...ay para sa mamamayan.
hindi ito para sa iilan
hindi ito para sa mga dayuhan
na hangad ay sariling pagyaman
ang LAWA ay para sa TAONG BAYAN!"
-"kung makapagsasalita ang LAWA", piping walang kamay
**kung makapagsasalita lamang ang lawa ng laguna. uusigin niya silang mga nasa pamahalaan. uusigin niya silang mga panginoong naghahari-harian at nagsasamantala sa mamamayan.
kung makapagsasalita lang ang LAWA NG LAGUNA...
nanganganib mawalan ng tirahan at kabuhayan ang ilang libong lokal na residente na naninirahan sa tabi ng LAWA ng LAGUNA... ito ay dahil sa banta ng demolisyon para sa planong gawing paliparan ang bahagi ng LAWA ng laguna... mula muntinlupa, laguna, rizal at iba pang kanognog na lungsod at bayan ang maaapektuhan ng palnong ito.
tutulan ang planong pagpapaalis sa mga naninirahan sa tabi ng lawa ng laguna.
ILIGTAS ANG LAWA NG LAGUNA!
PAPANAGUTIN ANG LLDA^ SA MALING PAMAMAHALA!
- Save Laguna Lake Movement, South Metro Manila
^Ang LLDA o Laguna Lake Development Authority ay sangay ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng gobyerno.
++ang tula ay binigkas ng may akda sa gabi ng pangkulturang pagtatanghal para sa mga lokal na residente ng Pulong silangan at Bunami. Ginanap sa tabi ng lawa ng laguna sa APLAYA RIZAL sa Muntinlupa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento