kay saya ko
animo manlalaro
walang sing bilis kong tinakbo
ang aming bakurang hardin
parungo sa tarangkahan
upang malaman at mabasa
ang liham ni ama
dalawampung taon
humigit kumulang
dalawampung taon
lipos ng pangungulila
at pananabik:
...para sa karga ng isang ama
...para sa paghehele niya
sa mga gabing ako'y
papalahaw ng iyak
doon sa kuna ng pighati ng kamusmusan
...para sa mga mainit na yakap
at mapagkalingang hagod
nang isang ama
...para sa mga pangaral na kay tagal kong nais madinig
na sinasambit mismo mula
sa kanyang ma-otoridad na tinig
...para sa mga palong nagmumula sa kanyang sinturon
na ibig ko ding madama at maranasan
dalawampung taon
ganoon katagal kong inabangan
ang kanyang pagbabalik
mula doon sa lupain ng mga dayuhang
kanyang pinagtiisang pagyamanin
kapalit ng pangarap na maalwang buhay
para sa amin,
sa pamilyang tiniis niya
na malayo sa kanyang piling
upang maitaguyod ang pamilyang
sinikap niyang buuin
subalit dahan-dahan
lahat tila nangangtog
habang nababanaag ko ang balikat ni inang yumuyugyog
at habang papalapit ako'y
lalong nakabibingi ang kanyang hagulgol
'di ako magkandatuto kung paanong sasaklolo
sa ina kong namumula at lumuluha ng husto
at tila sumabog akong bigla
pagkarinig ko sa bukambibig ni ina,
"patay na iyong mahal na ama..!"
isang napakasamang balita...
nayanig akong bigla
at bagsak tuhod sa sahig
habang unti-unti ang bumabalong luha
nabasag na't marahang naglalaglagan
rumagasa sa pagal kong mukha
anong pait.
anong sakit.
ang ama ko'y nakakahon ng babalik.
walang buhay.
walang tinig.
walang yakap na mahigpit
mula sa bisig na pinagtibay ng hirap at pasakit.
pinagmalupitan siya ng kanyang amo.
ngunit kahit naghain na siya ng reklamo
doon sa embahada ng mga Pilipino
wala pa ding ginawa
ang kinatawan ng ating gobyerno
lubos na sakripisyo't pakikipagsapalaran
umasa si amang didinggin ang paghingi niya ng saklolo
pero para siyang kumausap sa bato.
at sinapit niya ay trahedya.
bangkay na siyang nagpoprotesta.
-"liham" ni
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento