Sabado, Agosto 16, 2008

pagluha

masdan mo ang kagandahang
iginuguhit ng sanglaksang alon
ang kinurbang kariktan ng
mga bangkang de sagwan
mahusay na kinulayang himpapawid
nitong mga naggagalang ibon

masdan mo.
masdan mo.
ang gandang nabuo
mula sa panaghoy ng maghapong gutom
mula sa kalungkutang nililok ng kahirapan

sa labing tinakasan na ng maalab na pula ng paglaban
larawan ng ngiti at pagsasamantala
ngiting gumuguhit sa duguang kaluluwa
luhang sinasalamin ng sugatang pangarap

awitin mo.
awitin mo mahal na aplaya
at dinggin ang himig
na itinotono ng hangad mong paglaya

pakinggan mo ang pagtangis ng bawat munting alon
pakinggan mo ang panaghoy ng hanging amihan
pakinggan mo.
ang mga tawanan.
ang mga huntahan.
at kahit ang nalulumbay na pagpatak ng ulan.

bawat luha'y humihiyaw
at ang bawat paghibik
ay nananawagan ng paglaban.

hinahanap ng mga gutom
na sikmura ay katarungan

napakalapit ng baybay lawa
pero kahit nariyan na ang yaman
tila ba di mahagilap
dahil sa ganid na iilang
dito'y nagpapakasasa


-"pagluha", Image by FlamingText.com


+tulang binigkas sa isang gabi ng pangkulturang pagtatanghal na ginanap sa isang integrasyon sa may lungsod ng muntinlupa, malapit sa lawa ng laguna.