Biyernes, Hulyo 26, 2013

[piping walang kamay] Isa si Boy sa tatlo

Walang komento:
halos hindi pa namin natatanaw
ang katanghalian nitong buhay
si ama maaga na kaming inulila
kaming tatlong magkakapatid
at si inang mayroong sakit

maghahanapbuhay kaming dalawa
habang maiiwan si ate lina
upang mag-alaga sa mahal na ina
si ate ang nakatoka ngayon
halinhinan kaming mag-uutol

ako at si tatlo, ang aming bunso
ngayong araw ng samba, linggo
sa simbahan ng Quiapo ang tungo

dedelehensya ng perang kailangan
bago pumatak ang tanghalian
para sa gamot at aming mga tiyan

bago gumaralgal ang mga bituka
na kape lamang ang sumayad sa sikmura
noong madaling araw magising kanina

titipunin namin ang mga barya
mula sa limos na magpapala
at sa paghuhugas ng pinggan sa karinderya
ito lang ang pangarap naming tinatantya
simula pagbangon kaninang umaga

wala na kaming tirahan dahil sa demolisyon
ang lupa't bahay namin sa probinsya
inagaw na ng pamilya ni Don Ramon
marami kaming inalisan ng tirahan
hindi ko na nga alam nasaan na ang matalik kong kaibigan

iyon din ang ikinamatay ni ama
noong ilaban niya ang aming bahay at lupa
na mula pa sa aming mga lolo't lola

napadpad kami dito sa Maynila
dito sa ilang mga bangketa
nagpapalipas ng gabi hanggang umaga
bago magbangon upang kumilos
para sa pangarap namin

ang malamanan ang tiyan namin
at ang gamot ni ina maitawid

saka na namin papangarapin
na makapag-aral ang isa sa amin
kung inyong tatanungin
ano ang pangarap naming abutin
tulad mo rin
ang magkaroon ng pagbabago
sa klase ng lipunang mayroon ngayon tayo




Image by FlamingText.com

*Si Lina ay katorse anyos at si Boy ay dose anyos. Ang kanilang bunso na si Tatlo ay magwawalong taong gulang. Palipat-lipat sila sa mga bangketa ng Quiapo sa Maynila. Namamalimos at tumatanggap ng mga utos sa mga karinderya. taga-hugas ng pinggan at kung an-ano pang kakayanin ng kanilang murang katawan.

Huwebes, Hulyo 25, 2013

[severino hermoso] ma ka ta

Walang komento:

hin-di
hindi lamang naman sumusulat
ang isang ma-ka-ta
isinasabuhay din nila ang bawat akda
naranasan at nararanasan din nila
ang bawat titik at kataga
at
ibinabahagi para sa paglaya

mabigat ang maging isang ma-ka-ta
tulad ng marami
kumakalam din ang sikmura
inaapi at tulad din nating mga dukha
nasasaktan
nabibigo
nadadapa
ngunit hindi nagpapakalunod
sa pait na sumugod
doon sa kanyang kamakailan
bagkus ay lumalaban

tunay na mapanghamon
ang maging isang ma-ka-ta
sa panahon
kung saan
nilulugmok tayo ng sistema
na ang nakikinabang ay iilan

ngunit tinatawag ka ng pagkakataon
sumabay sa daluyong
na nagbubudyong
na lumikha ka din
ng hindi-lamang-isang-akdang-lumalaban
at
aapi-gaganti-didikdik-titiris-pupunit sa iilan
na nagmamaliit-yumuyukayok-nang-aagaw-pumapatay-sumisira
sa bawat pangarap ng bagong sibol na musmos
na ang daratnang bansa
ay maaari
maaaring pag-aari na ng banyaga
at iilang mga uod-linta-garapata-at-bampira.

huwag puro tungkol sa vagina-penis-boobs ang kinakabisa
huwag puro sa dota-cs-at-iba-pang-computer-games maging abala
huwag puro trabaho-na-mataas-ang-sahod-at-pagyaman ang iniisip
hindi nito mapapababa ang presyo ng langis-kuryente-pamasahe-at-buwis
maging ang napakamahal-na-matrikula-at-singil-sa-tubig
lalo ang patuloy-na-pagkakait-at-paglabag-sa-karapatan-nating-maliliit
hindi magagawang maalis
ni di maiibsan kahit anong kayod-kabayo-o-panalangin 

makibaka at sumulat ka
kasama ng paparaming iba pa
upang labanan ang ganitong pagtitikis
malaki ang pag-asa 
na ang inaasam na pagkain sa bawat hapag
kinabukasang makatarungan para sa sambayanan
makakamit

at hindi na lamang sa pangarap-at-mga-fairytale
magaganap
ang "they-lived-happily-ever-after."




Image by FlamingText.com


[piping walang kamay] weekly increase

Walang komento:
kailan naman kaya uradang itataas
ang sahod ng mga manggagawa?

presyo na lang ba lagi ng langis ang mabilis?

ganito.

kung kada linggo kaya itaas natin ang sweldo
payag kaya kayong mga nasa gobyerno
at itong mga amo ninyong nabubuhay
sa pagsisipag ng maraming tao?


Image by FlamingText.com

[piping walang kamay] malay

Walang komento:
kung magkita tayo bukas habang aking marahang binabagtas
ang kalsadang nilalakarang madalas
at hindi ko mamalayang makasalubong ka sapagkat
abala ang mga mata sa pagpino
ng mga alaala sa bawat puno
at halaman sa tabi ng daan

maaari bang tawagin mo ako
o tapikin sa balikat, katoto.

hindi ako isnabero
ang makita ka'y
hindi inaasahan ng aking pagkatao

Image by FlamingText.com

[piping walang kamay] lolo

Walang komento:
madilim na ang bahaging ito ng makati
ilang lakad at usad pa mararating ko na
ang maynila hinehele ako ng awit
na pinapatugtog ng isang istasyon sa radyo

marami akong iniisip
habang nakikinig sa saliw ng musika
ang totoo isa ka sa nasasabik na akong
mahawakan ang mga kamay
kargahin sa aking mga bisig
hindi alintana ang magdamag na pagpasada
patuloy man sa pagtaas ang presyo ng langis
at binabarat pa din ang singil
sa pasahe at sahod na tinitiis

may pasalubong akong carrot cake
para sayo
ngunit hindi mo pa maaaring kainin
namamaga ang iyong mga gilagid
dahil sa papatubong mga ngipin

ibibili na lang kita ulit
kapag mainam na ang pkiramdam mo
at hindi na namamaga ang iyong mga gilagid
magkakasya na lang akong kargahin ka
at alagaan

parating na si lolo
mahal kong apo

Image by FlamingText.com

Martes, Hulyo 23, 2013

[Andres Bonifacio] Tapunan ng Lingap

Walang komento:
kung buhay ngayon itong si Andres, marahil ganito ang kanyang sasabihin sa kanyang naunang tula na 'Tapunan ng Lingap' na isinulat noong panahon na saklot ng mga dayong mestizo ang bayan. 


Sumandaling dinggin itong karaingan,
Nagsisipag-inot magbangon ng bayan’
Malaong panahon na nahahandusay
Sa madlang pahirap: mga Kanong lalang,
Mga panginoong may lupa't kapital,
At sa mga ganid sa kapangyarihan.

Nangasaan ngayon, mga ginigiliw,
Ang tapang at dangal na dapat gugulin?
Sa isang matuwid na kilala natin
Ay huwag ang gawang mga pagtataksil
Tulad nang tinutulak na paniniil
nitong nagbandila ng kalyeng matuwid.

At ating lisanin ang dating ugali
Na ikinasira ng taas ng uri,
Ang bayang Tagalog ay may asa dili
Ang puring nilupig ng bakang maputi
At masaklap man din ay nananatili
Bathalang turing sa nanira ng puri.

Aanhin ang yama’t mga kapurihang
Tanawin ng tao at wikang mainam
Kung mananatili ina nating Bayan
Sa Kanong ganid, Kanong sungayan?
Nasaan ang katuwiran kung ganun lang
Bakit pa dapat aralin yaring kasaysayan?

Kaya nga halina mga kaibigan,
Kami ay tulungang ibangon sa hukay
Ang inang nabulid sa kapighatian
Nang upang magkamit ng kaligayahan
At di panay sariling inaatupag
Gayong tuloy sa pagkalugmok ang bayan.

Mga kapatid ko’y iwaksi ang sindak
Sa mga balita ng Kanong uslak;
Ugali ng isang sa tapang ay salat
Na kahit sa bibig tayo’y ginugulat
at kapag nataranta na at mulagat
parang mga buwitre silang susunggab.

At huwag matakot sa pakikibaka
Sa lahing berdugo na lahing Amerika;
Nangaririto na para manggagaga,
Ang ating sarili ibig pang makuha
ating katawan nga'y buto at balat na 
sasairin pa din ang kayang makuha.

Sa Diyos manalig at huwag pahimok
Sa kaaway natin na may loob hayop,
Walang ginagawa kundi ang manakot
At hoorah nang hoorah sila rin ang ubos
Demokrasya kanilang pinapang-sukol
Sa mga lahing kanilang nililipol.

Ay! Ang lingap mo po, nanunungong langit,
Diyos na poon ko’y huwag ipagkait
Sa mga anak mong napatatangkilik
Nang huwag lumagos sa masamang hilig
Na baya'y talikuran ngayong may sakit
dulot ng mga dayong napakaganid.

Kupkupin no nama’t ituro ang landas
Ng katahimikan at magandang palad;
[Sa pakikibaka’y tapunan ng lingap,]
Kaluluwa naming nang di mapahamak
Sa kamay ng mga buwaya at ahas
Na patuloy sa paghahasik ng dahas.



Image by FlamingText.com


*Itong akda ay inareglo ko mula sa orihinal na tula na "Tapunan ng Lingap" ni Gat Andres Bonifacio. Pasintabi po dakilang Andres Bonifacio. Makikita din ang sipi nitong akda sa facebook.

Huwebes, Hulyo 18, 2013

[KARL MARX] ang aklat ng pag-ibig (unang bahagi)

Walang komento:

kunin ninyong lahat, kunin ninyong lahat ng awiting ito mula sa akin
iyang pag-ibig na nasa mga paanan mo'y may kababaang loob na nakahimlay
kung saan, sa magiliw na tugtuging likha ng lira,
balot ng makinang na liwayway malayang lumalapit ang kaluluwa
o! kung ang alingawngaw ng awit ay makapangyarihan,
upang humalo sa pananabik sa piling ng matatamis na paghimlay

upang papintigin ang pulso ng marubdob
ng ang hambog mong puso'y mabunying kumaway,
at mula doon masaksihan ko mula sa malayo
kung paano ka buhatin ng tagumpay

saka ako lalaban, higit na mapangahas kaysa noon
saka nararapat na ang aking musika ay pumailanlang ng mas matayog;
palit anyo, higit na malaya na dapat tumawig sa aking awit
at sa tamis ng aba tatangis ang aking lira.

-isang pagsasalin ng akda ni karl marx
mula sa the Book of Love (Part I)
Concluding Sonnets to Jenny

Image by FlamingText.com

**Itong akda ay makikita din sa facebook

Linggo, Hulyo 14, 2013

[piping walang kamay] propaganda

Walang komento:


kung kakahig ng mga salita
sa mga pader na iyong makikita
gawin mo kagyat kasama

kahit hindi magtagal at agad-agad mabubura
lalo't kapag binasa maraming makakaunawa

ang mahalaga yaong mensaheng dala-dala
tungkol sa gobyerno't kainutilan nila
sa serbisyong dapat sa tao mapunta




Image by FlamingText.com


*ang larawan ay mula sa demotix

Sabado, Hulyo 13, 2013

[maria baleriz liwanag] may karamdaman

Walang komento:
tila mga kabuting nakakabit
ang mga billboard at signage
nitong mga clinic na private
doon sa ilang mga gusaling
matatagpuan sa paligid
ng isang pampublikong ospital

inilabas ba ang mga aparato na gagamitin
sa paggamot sa mga may sakit
mula doon sa loob ng PGH
at isinilong nila sa mahal sumingil
na mga private clinic?

saan napupunta ang binabayarang buwis?
sino-sino bang nangungupit sa bilyon-bilyong budget?

P2.268 Trilyon ang budget para sa taong 2014
Ilan kaya ang budget para sa health service?

at ilan na naman ang makukupit?

paano kaya lulunasan
itong mga opisyal na may karamdaman?


Image by FlamingText.com

*bahagi ito sa katipunan ng mga tulang: 'ilang katanungan'

Huwebes, Hulyo 4, 2013

[maria baleriz liwanag] tiis-tiis na lang muna

Walang komento:
umuugong na tunog
animo pagod na pagod

sa bigat ng mga pasahero
tila di na makakaahon

ang dyip ni manong

napakataas kasi ng presyo
nitong petrolyo

pati tuloy itong makina
tila kinakausap niya

tiis tiis na lang muna


Image by FlamingText.com

[piping walang kamay] kalayaan iii

Walang komento:
malaya na tayo

sabi ng pamahalaan
ng mga kano


Image by FlamingText.com

Miyerkules, Hulyo 3, 2013

[severino hermoso] kalayaan iv

Walang komento:

iv




Malaya na kayo.

Mahalin mo siya
Higit sa pagmamahal
na ibinibigay ko sa kanya.


Pagtalikod.


Luha.






Image by FlamingText.com

+ang larawan ay mula sa flickr.com

Lunes, Hulyo 1, 2013

[severino hermoso] may pumpon ng bulaklak sa basurahan

Walang komento:
may nakita akong isang pumpon ng bulaklak

napansin ko sa isang basurahan

malaki ang basurahan upang maging plorera

naisip ko
bakit nga ba may pagmamahal na nababasura?

Dahil labis na umaasa nang kapalit
gayong hindi naman laging masusuklian ang pag-ibig?



Image by FlamingText.com


*Ang larawan ay mula sa flickr.com