Lunes, Abril 21, 2008
ang bukas ay sa sambayanan
walang patumanggang inagaw ang pag-aari
kaya kahit isang butil ng kanin di halos sumayad sa labi
sapagkat salat sa kakayanang bumili
ng mismong likhang siya ang nagbungkal at nag-ani
pero ng hubaran na ng saplot ang durodong butil
lumabas din ang katayuang sadyang inutil
sa gitna ng kasalukuyan animo'y pulubi
at ang mga bulati sa tiyan patuloy na naaapi
isang araw lang naman ang aking hinihiling
sana nga pagbigyan ako ng magaling
sapagkat kung ako ang papipiliin
mata ng mga salarin ay aking dudukutin
silang ang mga kamay ay basa ng dugo
ng mamamayang kanilang binalot sa siphayo
habang patuloy nilang sinisipsip ang yaman
ni inang bayan na ngayo'y yayat na sa kahirapan
huwag kang magtaka kung iyong marinig
at di mo masisisi na habang nakahilig
sa dila ng mga inamis mga notang binibigkis
paglaban ang hiling at katarungan ang nais
sa binusabos na pangarap ano pang maiisip
kung di ang magbalikwas at pagbayarin ang ganid
lakas at katwiran ng masa ang magiging sandig
magbabayad ang mga salarin
malalagot ang sa yaman ng bayan ay umangkin
at sa pag-alingawngaw ng mga punglo sa himpapawid
tanikala ng daang libong taong pang-aalipin
tiyak na nga makakalag at lalagutin
at magdasal man sa lahat ng demonyo't halimaw
ang mga salarin sa pagkadurog ng magandang bukas
hindi na nila kayo makakaya pang iligtas
kapag ibinaba na ng sambayan ang hatol na bigwas
-orly oboza
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento