Lunes, Abril 21, 2008

pagod

tagaktak ang pawis na marahang
bumabaybay pababa ng aking ulunan
at tinatahak ang aking mukhang
naglalangis at puno ng pulbos
nang lansangan

walang habas ang paghagupit ng
sinag ng araw habang nakabilad
ang lahat sa kainitan
ang mga nagtitinda ng maiinom
at kahit ang mga pulubing may
bitbit ng basahan
hindi alintana ang pagkahapong
dulot ng katanghalian
umaaso ang kalsada at ramdam mo
ang init na hatid niya
kahit ang singaw ng sasakyan
humalo pa
pati ang amoy anghit na katabi
habang nag-hihintay maging
kulay berde ang ilaw trapiko
para sa mga taong maglalakad
sa kabilang kalsada
may baon pang payong at
pangproteksyon sa mata

at si lola nag-istambay muna
sa bakanteng sahig na mauupuan niya
upang lumanghap ng mainit
na hangin at makapagpahinga
mahaba pa marahil ang lalakbayin
niya sa kasalukuyan
inalok ko siya ng bitbit kong
botelyang plastik na may tubig
at saka ko tinahak ang landas
papunta
doon sa kitaan ng aming pagkilos
para ipanawagan at ipaglaban
ang ating karapatan
sa sahod, trabaho, lupa, at
batayang serbisyong panlipunan

mainit sobra
at batid kong ramdam mo din
pero isa lang ang hindi ko inaalintana
ung pagod ng walang hanggang pakikibaka
para sa pagkamit ng ating mga
karapatan at ganap na paglaya
mula sa pagsasamantal
ikaw, ganoon din sana
huwag kang magsawa
ang pagod ay natural lang
sapagkat lahat tayo ay nakikibaka

Walang komento: