tunay na matalinghaga ang mga salita.
gamitin natin para sa paglaya.
mahalaga ang bawat mong kataga
ang bawat titik na maingat mong ihahanay
upang makabuo ng isang tula
o kaya mga talata
kwentong katha
ng isipan mong saksi sa lipunang
kubkob ng pagsasamantala ng mga banyaga
hayaan mong humalik ang tangan mong pluma
at padaluyin ang tintang dugo at pawis na nagmula sa masa
pagliyabin natin ang kasaysayan
ng libo-libong pakikibaka
ng mga akda at talinghaga
sa pamamagitan ng ating mga salita.
huwag mong ipagkait ang angkin mong galing
sa paghubog ng isang lipunang malaya
mula sa pambubusabos ng mga sakim
padaluyin mo ang alab ng iyong katha
at walang kasing ganda mong iguhit ang pakikibaka
doon sa mga linya ng talinghaga
ng dusa at pagsasamantala
pasadahan mo ng may kinang ang bawat mong awit
ang mensaheng sinisisid ay naglalagos
sa pusong mayroon ding isip
na makalaya at huwag nang muli ay ipinid
ng kadena ng sangdaang pang-aalipusta
sa bartulina ng nilunod na pangarap ng masa
+ni maria baleriz
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento