Lunes, Marso 31, 2008

minsan usap tayo

may pangyayaring bumabalong ang luha
dulot ng pagkabigo sa bagay
na pinangarap mong makamit.

...pero ano nga ba ang mas masakit
kaysa sa bayang patuloy na nilulupig
ang yaman at dangal
hanggang ang matira na lang sa mamamayan
kalansay ng kahapong kayamanan?

may sandaling raragasa ang luha
dulot ng pait ng dusa at hirap
sa buhay na iyong pinagdadaanan.

...ngunit ano nga ba ang higit na mapait
kaysa sa mga magsasakang inagawan
ng tangi nilang yamang lupang sakahan?
na kasabay na inagaw ang iwing buhay
na humandusay na sa lupa't
naging pataba
na di pa nasapatan pati dugo nila'y
idinamay at dinilig sa bukid
na kay laon ng pinagkait sa tunay na
nagtatangkilik

...ngunit ano nga ba ang higit na mapait
kaysa sa mga manggagawang pinagkaitan
ng karapatan sa dagdag na sahod at benepisyong
makatarungan lamang na kanilang makamtan?
na sa paglaban nila para sa karapatang ito'y
malagim na pagkautas ang sa kanila'y ibinigay
kung di pagkatanggal sa trabaho
kalunos-lunos na pagkamatay
mula sa kamay ng mga bayarang berdugong
ginamit ng mga punyetang may-ari
ng mga pagawaan

...ngunit ano nga ba ang higit na mapait
kaysa sa mga kabataan itinulak palayo
sa karapatang edukasyon?
hayun at nasa lansangan nanlilimahid sa
dungis at panlilibak nitong mapanghusgang lipunan...
hayun at nasa lansangan nagtitinda ng sampagita at sigarilyo
habang nakayapak sa kainitan ng araw
may maipakain lang sa nagwawalang alaga
sa sikmurang kumakalam sa loob ng ilang araw...
hayun at nasa lansangan nagbebenta ng sariling laman
upang may maipantustos lang sa inaasam na
magandang kinabukasan na ngayon lalo
pang pinagsasamantalahan ng mga kapitalistang nagpapanggap
na edukador diumano nitong bayan...

...ngunit ano nga ba ang higit na mapait
kaysa sa mamamayang inalisan
ng tahanang masisilungan sa gitna ng
kawalan ng maayos na kabuhayan?
akala mo'y hayop na sinipa palayo
sa kanyang teritoryong kinalalagyan
na ultimo ang kanilang kahariang kariton
pilit sinira't inagaw ng mga ganid na panginoon
binaklas ang palasyo nilang ang
bubungan ay kinakalawang na lata ng kahirapan
at ang pader ay natatabingan lang ng karton
at gutay-gutay na retaso ng pagsasamantala
na ang sahig na tinutungtungan ay malamig na burak
nang kay bangong esterong nag-uumapaw sa basura
ng sanglibo't-sanglaksang pang-aamis ng
may kapangyarihan

may pagkakataong papatak ang luha
dulot ng antak ng paglisan
na hiniling mong di na sana
dumating pa sa iyong paanan...
subalit ano nga ba ang higit na masakit
kaysa sa bayang patuloy na inaagawan
ng buhay at lakas?
at kahit ang labĂ­ ng animo bangkay
na kayamanan pilit pang kinakatasan
ng ibayo pa nilang kapakinabangan
silang mga ganid at hayok sa ari-arian at puhunan

marahil nga nasasaktan din ako...
marahil nga nahihirapan din ako...
marahil nga nanghihina din ako...

pero sabi ko nga,
di mo dapat itong makita
lalo sa panahong kailangan matatag tayo't lumalaban
at habang ang masa ay nakikitang mong nahihirapan
at patuloy na pinagsasamantalahan
kailangan ang tatag ng kalooban
para makibaka at lumaban

kaya natin 'to
hindi ba?

alam ko kaya mo yan...
walang panahon sa paghinto.
walang panahon sa pag-atras.
hindi ngayon.
hindi bukas.
hindi kailanman.

-ni maria baleriz


*sana nga mainam itong paraan. sana mapaunlakan mo ako. at minsan usap tayo. pag-isipan mo.

Walang komento: