Linggo, Marso 9, 2008

lupa

alam kong ikaw ay nasasaktan
sa bawat araw na nagdadaan
at sa iyong sinapupunan
animo sila ay iniluwal
ikaw ang lupa kung
makapagsasalita lang
natitiyak kong humahagulgul ka
habang iyong sinasambit
ang nagpupuyos mong galit
sa mga panginoong sa iyo ay gumamit
upang pagsamantalahan ng higit
ang mahal mong anakpawis
na sa tiyaga at sipag
wala nang hihigit
upang ikaw ay pagyamanin
at patuloy pang yumabong
ang iyong gandang angkin

saan nga ba hahantong
ang di mabilang na kasaysayan
na mula sa iyo ay sumibol
at pinagyaman?
saan nga ba hahantong
ang di mabilang na alamat
na mula sa iyo ay nahimlay
at pumanaw?

kailan nga ba makakamit
ang hustisyang hinahanap?
kailan nga ba makikita
ang sagot na sinisisid
sa kailaliman ng kasaysayang
nakabalabal sa iyong himlayan?
ilang dugo pa ba ang kailangan dumilig
sa iyong mayamang bisig?
upang umusbong ang pag-asa ng paglayang
sa puso'y ipinagkait?

ang dugo'y patuloy na aagos
at sa iyo didilig
papatirin ang uhaw ng pambubusabos
hihilamusan ng pawis ng daang-taong paglaban
hindi kailanman mapaparam
hindi kailanman mapapagal
hanggang ang araw sa silangan
nananatiling mapanglaw
patuloy na lalaban
ang mamamayang kinadena sa pagsasamantala
at kahirapan
hanggang ang pagpula ng araw
ay dahan-dahang mapalitan
ng doradong sinag ng kalayaan

-'lupa', piping walang kamay

Walang komento: