Linggo, Marso 30, 2008

pintig

"...malapit ng maghingalo
itong pagtibok ng puso.
at baka isang araw
wala ng pag-ibig na bumugso
medyo may kaba nang ditoy nananahan
at ang dugo tuloy
umaakyat sa aking ulunan
kaya madalas ang sarili
nakikitang tulala na naman
nakatanaw sa kawalan
iniisip ay ang bayan
ang masa
at siya

siya
...na akin na ngang minamahal..."



minamasdan ka
habang nakatayo sa di kalayuan
dinadama ang harding tuyot sa kagandahan
samantalang isang libong mga dahon at talulot
marahang bumababa
tila duyang umuugoy
sa pagsipol ng hanging yumayakap sa patâng katawan

at aking inaninag ang maulap
na himpapawid
wari mo'y nababanaag ang isang tabing
malamlam ang gunita ng nakaraan
at higit pang kumulimlim
ng marahang maipon ang mga luhang
nagsimula ng lumambong
sa mga matang di na nais
pang makasaksi
ng ibayo pang pagdurusa ng mamamayan

malapit ng maghingalo
itong pagtibok ng puso
at baka isang araw
wala ng pag-ibig na bumugso
medyo may kaba nang ditoy nananahan
at ang dugo tuloy
umaakyat sa aking ulunan
kaya madalas ang sarili
nakikitang tulala na naman
nakatanaw sa kawalan
iniisip ay ang bayan
ang masa
at siya
siya
na akin na ngang minamahal

pikit matang kong dinama ang
mahinang pagkabog sa dibdib
at naisip ko ang masalimuot na
daan
ng pakikibakang ating sinuong
para sa pangarap na kalayaan
at sa marahang pagmulat
muli kagyat akong pumikit
at siya ang aking inisip
at ang naghihingalong pintig
nitong pusong iniibig
ang bayan
ang masa
at siya
siya
na ngayon ay kalong
ang nanghihina kong katawan
at nasa kalinga
ng mapag-aruga niyang bisig

waring lumuluha
pati ang langit sa amin
animo'y nakikiramay
dinilig ang pagbugso ng damdaming
lipos ng umaapaw na pagmamahal
sa bayan
sa masa
at sa kanya
na akin na ngang iniibig
alam ko

at marahan kong pinakiramdaman
ang bawat pagluha ng langit
na sa aking pagkalalang ay nagpala
kasabay ng pagdama ko sa
mapag-arugang kamay
ng sintang nakatakda kong lisan
na ngayon umaawit ng hinagpis
kasabay ng patak ng ulan
alam ko
lumuluha siyang totoo
ng pag-ibig
para sa bayan
para sa masa
at sa akin
ako
na marahan ng tinatakasan
ng paghinga at paglaban

-ni maria baleriz

Walang komento: