Linggo, Marso 30, 2008

delubyo

ngayon sabihin mo sa akin bakit ko nadarama ito
bakit tila lumulubog sa kawalan ang isip ko't pagkatao
ngayon nais kong marinig mula sayo
ang sagot bakit tila kay sakit ng katahimikan dito
dito sa isip na akala mo'y naglalangitngit na bisagra ng bartolinang bato

kahit isang kataga nais kong marinig
sa iyong bibig iluwal nawa ang malamig na tinig
na yayakap sa pagod ng katawan at isip
pakiusap ako'y kanlungin mo sa iyong busilak na pag-ibig

at kasabay ng mga luhang sa mga mata ko'y namumuo
ipaunawa mo sa akin ang mga bagay na gumugulo
tila bulkang sumabog sa gitna ng buhawi't malakas na bagyo
dalangin ko'y tumigil na ang pagpintig nitong puso

kasabay ng paghinto nitong hangin sa aking dibdib
at marahang pinipikit itong mulat kong isip
halikan mo ng tugon itong aking magulong katayuan
at sana makita kita sa pagkawala ng kulay ko't katinuan

doon sa kailaliman ng aking dusa at pangamba
sagipin mo ako sa delubyong sa aki'y sumasalanta
gawin mo na ng maagap bago pa ako panawan ng hininga
at tuluyan ng di ko makita ang tagumpay ng pakikibaka


*ni maria baleriz

Walang komento: