nadinig ko ang bawat mong inisip
mula sa tinig na bumigkas ng iyong
kay laon ng panaginip
na hinubog mo sa mga dahon
ng mga aklat at kwadernong
nilulumot na ng panahon
nagngangalit
lipos ng pag-ibig
makabag-damdamin
sana landasin ng iyong pluma
ang mga pagdurusa ng masang inaalipusta
hangad ko at ng marami pa na ika'y makasama
sa pakikibaka ng mamamayan gamit ang iyong mga obra
ang pagsulat mo ay hinahangaan
sa kabilang banda
sana maglingkod sa marami
at sa paglaya ng sambayanan
umiyak ka man
humiyaw
kung wala ang paglaban
para sa kalayaan
ang mga panitikan na iyong nilanguyan
ang mga tulang iyong nilakbay
ang mga epikong iyong nilipad
sa isipan ng marami
na kaibigan
kamag-aral
kakilala
kapamilya
ama
ina
at
anak
nitong bayang labis na naghihirap
mawawalan ng saysay
mawawalan ng bigat
gagapiin ang nakakadarang na init
at tila binuhusan ng isang baldeng
panghilamos sa pagod ng katawan
ang init at baga at liyab
na nilikha ng mga katha mo
kung wala
at sadyang hindi pala para sa
pakikibaka at paglaya
-maria baleriz
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento