ikaw ay babae
higit pa sa isang maria clara
ikaw ay isang gabriela
sa armas ay mahigpit na tatangan
titindig
makikipagbuno
sa bawat pagkakataong nilalapastangan
inaabuso
katulad mo ay si tandang sora
sa kalinga mo inihele ang mundo
mapagpasensyang tinatangan
ang sakit ng lipunan
kahit pa ito ang nagpapahirap sa iyo
maihahanay ka sa mga tulad nila
at ng marami pang iba na tumindig
nakibaka
sapagkat hindi pagluha ang iyong kayang gawin
sa bawat pagkakataong nasasaktan
at inaapi man din
kaya mong lumaban para sa ipinagkait
na karapatan
ng lipunang ito na akala ng marami
para lang sa kalalakihan
at sa panahong pambubusabos ang ipinalalaganap
maagap kang kumikilos upang
pag-asa ay maapuhap
kaagapay ka sa pagbuo ng lipunang
hinahanap
na para sa kapakinabangan ng sambayanang
ngayon ay nilulugmok sa hirap
sa iyo iniluluwal ang ibayong tapang
mula sa matris mo sumisibol ang paglaban
hindi lang luha
o paghikbi ang iyong larawan
kundi lakas at paglaban para sa karapatan
para sa paglaya
sapagkat ang paglaya mo
ay paglaya din naman
ng sambayanang lango sa huwad ng kapangyarihan
paglaya ng lahat mula sa bartulina
ng pagsasamantala
babae
sa sinapupunan mo iniluwal
ang sambayanan
at sa daang libong taong
humahagupit ang pang-aamis
sa daang libong taong
iginuguhit ang di mabilang na paghihinagpis
bunga ng pang-aapi
at pambubusabos ng mga panginoong ganid
sa sinapupunan mo din sisibol
ang paglaya ng mamamayan
-maria baleriz
2 komento:
Happy Women's Day. Ngayon lang po nakatuntong sa inyong pahina. Mabuhay ka!
salamat. sana makita ko din ang mga likha ng iyong mapagpalayang isipan.
Mag-post ng isang Komento