Sabado, Marso 29, 2008

balintataw

"sa pagkupas ng mga dahon
ng yakal doon sa luwasan
sa pagkapaos ng mga tinig
na lagi't-lagi ng humuhiyaw ng katarungan
sa paggaralgal ng mga tunog
at tugtog ng mga awit ng paglaban
sa mga lumipas na gabing
wala na atang sing lamig at pusikit
sa mga nagdaang sandaling
di ko nasaksihan
ang pagpatak ng mga butil ng pighati
mula sa mga salamin ng iyong
kaluluwa at pagniniig sa paglaban
o ang pagkunot ng isipang mapagpalaya at
kahit ang paghikab ng pagod na katawan

alam kong nadarama kita
alam kong nasilayan ka

hindi ka man kapiling
wala man sa mga pagluha
upang kahit paano pahirin ko ng pagmamahal
batid kong malapit ka lamang
at ang ganoon isipan
ang isa sa patuloy kong sandigan
kaibigan kapatid anak nitong lipunan
kaisa sa paglaya

sana sa gabing mapanglaw man ang lahat
kahit napakarami ng bituin
na sa pagsapit ng gabi
sa kalawakan nakakalat
tumingin ka sa buwan
at mula doon
alam ko
naniniwala ako
nagkita na ang ating mga paningin
ang ating mga pangarap na paglaya
nagtagpo nagtagis
malayo ka man
tila narito ka na din
kasama ng gunita ko sayo
na di kailanman mapaparam..."

Walang komento: