at ngayon aking nakikita
tila bumabaha ng mga letra
at ang mga kataga rumaragasa
upang singilin ang talagang may sala
hayun at inuusig
sa mga pahayagan naka-kuartel
ang sanglibo't sanglaksa
mga dugo at pawis na nawala
pumatak
sumirit
naglahong akala mo bula
pero asan ang katarungan
sabi nila nakapiring
pero bakit ngayon ay nakasilip
at sa mga naghahari nakatingin
inaresto'y mga obrero
mga pesante't musmos sa kanto
kasalanan na ba mamalimos?
ng katarungan para sa kumakalam na sikmura
kasalanan na ba kumilos?
para usigin ang mga punyetang panginoon.
na hanggang ngayon.
na hanggang ngayon.
kinakamkam ang lupa
ng mga taga-bukid at nayon
na hanggang ngayon.
bulldozer at pison at tangke
at batalyon ng mga sundalo
ang panghawan sa mga inalisan ng tirahan...
sa mga tunay na nagpayaman sa
mga pinatag na lupang sakahan
at sa mga nagugutom
na patuloy sa paghiyaw ang
mga nagmamarakulyong bituka
sanhi ng pagkaing madalang ang
pagdaan sa kanila
na akala mo nag-aantay ka
ng nyebeng pumatak sa
disyerto ng mga inapi
wala na ang dating banhay
marami ng naglaho at humandusay na katawan
daig pa ang hayop na kinatay
niluray ang dangal at pagkalalang
marami ng dugong dumilig sa lupang
tanging kayamanan
inagaw pa ng mga sakim at gahaman
wala na nga ang awitan nila
napalitan na ng pagluha
ng mga kandila
ng mga bulaklak
ngayon ay bumabaha
ng pagdadalamahati at awa
wala na nga ang mga tula nila
napalitan na ng ataol ng kahibangan
at pagkaganid
na ikinahon sa mga lumalaban
wala na nga ang mga ngiti
napalis na't napalitan na
ng galit
ng mga nakakuyom na mga kamao
at nagtitiim-bagang ng mukha ng poot
wala na nga ang mga masayang gunita
sandaling kumupas sa harapan
ng kalagayang hindi man
matanggap
batid na magaganap
at ang tangi naiisip
at nabulalas
kasama ng sambayanang
nakikibaka para sa tunay na kalayaan
"lalaban ako"
-maria baleriz
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento