Huwebes, Marso 27, 2008

tinggayad ng dugo

samantalang dulot mo't ngiti sa mga mata
habang ang labi kumikinang sa saya
kaiga-igaya kahit saglit masulyap
paanong di hahanga yaring puso
gayong kahit nalulumbay
at nasa gitna ng pakikibaka
ngiti sa akin ang iyong binubunga

at kung makita mo
sa gitna ng pagdurusa
alam mong hindi habag
ang ibig kong iyong madama
ang hirap na binabata
walang sing lupit
ang kalagayan ng mamamayan
sa pagkakaayon kay kristo
bago, habang at matapos siyang ipako
sa krus
ng pagdurusa
at pagtagumpayan ang lakarin sa kalabaryo
habang ang dugong umaagos
rumaragasa mula sa pagal na katawan
ay nasisinagan ng araw
nasilayan mo ang tinggayad ng dugo
na nakatakdang dumilig sa hinagpis
nakatakdang pagyamanin
ang pakikibaka ng mamamayan
bigyang wakas ang pambubusabos
ng mga nandoon sa malakanyang

hihimpil ka lang ba dyan?
kabisado ng puso ko't gunam-gunam
kung paanong nagagalak akong ikaw ay nariyan
subalit mas ibayong lulukso ang puso
ko sa laro ng kagalakan
kung sa tinggayad ng dugo
makakasama ka naming lumalaban

Walang komento: