ngiti.
turuan mo akong sa twina'y iguhit ito
sa mukhang animo laging aburido
sa araw-araw na problema nitong mundo
nitong lipunang kung saan nabubuhay sila at tayo
tulungan mo akong maging mahusay sa pagpinta nito
lalo na sa panahong mahirap iguhit ang linya at kurbadang ito
sa mukha ng tulad mo at mundong problemado
sa lipunang nilipos ng pagsasamantala at pang-aagrabyado
ng mga sakim sa yaman at kapangyarihan sa pwesto
ahitasyon.
nawa'y mamutawi ito sa bawat pagkakataon
sa katawan kong bugbog na sa pambubusabos ng mga ganid na panginoon
sa labi kong labis ng napapagal
sa puso kong labis ng nasasaktan
sa isip kong labis ng nahihirapan
sa mga mata kong labis nang iritado sa mga larawan ng pagsasamantala at korapsyon at kasinungalingan
nawa'y agapayan mo't ibayong pagningasin
ang baga ng nagpupuyos na damdamin
upang mag-apoy ito't higit pang pag-alabin
ang pakikibaka ng mamamayan
para sa pagkamit ng tunay at wagas na kalayaan at kaunlaran
na para sa lahat at hindi sa iilan
gawain.
tulungan mo akong magpakahusay sa gawain
at sa kasaysayan maingat na iguhit natin
ang ating ambag sa pakikibaka ng sambayanang inaalipin
upang sa malapit na hinaharap tagumpay ay kamtin
at sisikat ang pulang araw ng paglaya natin
gabayan mo akong huwag panghinaan ng loob
kung ako man ay magkamali sa daang ating sinusuyod
batid kong lahat naman tayo'y nagpapanibagong hubog
subalit mahalaga pa din ikaw ay kasabay ko
at di lang basta kasunod
at sana
sana
kagaya ng ating sinusuong
pasulong tayong gagaod
dumanas man ng lungkot
ng hirap at pagod
ng masalimuot na pagpanaw
at kahit anong unos
hindi tayo susuko
hindi tayo magtatago
sa hawla ng karuwagan
at mga binasag na pangako
patuloy tayong maglilingkod
sa sambayanan at rebolusyon
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento