Bawat araw na nakikipaglaro ka sa liwanag ng sandaigdigan
Banayad na panauhin, dumating ka sa bulaklak at sa tubigan.
Higit ka pa rito sa puting ulo na mahigpit kong tangan
bilang kumpol ng prutas, bawat araw, sa pagitan ng aking mga kamay.
Tulad ka ng walang-kwentang nilalang dahil kita'y minamahal.
Hayaan mong isaboy kita at makasama sa mga dilaw na kwintas na bulaklak.
Sino ang sumulat ng iyong ngalan sa mga titik ng usok kasama ng mga bituin doon sa katimugan?
O hayaan mong gunitain kita tulad ng kung ano ka bago ka pa umiral.
Biglang umalulong ang hangin at humampas sa aking nakapinid na bintana.
Ang langit ay isang lambat na pinagsisiksikan ng malabong isda.
Dito ang lahat ng hangin ay lumilisan sa malao't madali, lahat sila.
Hinuhubad ng ulan ang kanyang kamisa.
Ang mga ibon ay dumaraan, tumatakas.
Ang amihan. Ang amihan.
Maaari lamang akong makipagtunggali laban sa kapangyarihan nino man.
Pinapaikot nitong unos ang mga dahong tigang
at pinakawalan ang lahat ng bangkang nakatali kagabi sa kalawakan.
Ikaw ay narito. O, hindi ka nagtanan.
Sasagutin mo ako hanggang sa huling pag-iyak.
Nakakapit sa akin kahit na ikaw ay nasisindak.
Gayon pa man, minsan ang isang kakaibang anino'y tumakbo sa iyong mga tanaw.
Ngayon, ngayon din, maliit na nilalang, dalhin mo sa akin ang waling-waling,
at amoy nito maging ang iyong mga dibdib.
Habang kinakatay ang mga paru-paro nitong malumbay na hangin
Minamahal kita, at ang aking kagalakan ay kumakagat sa sirwelas ng iyong bibig.
Gaano ka nagdusa para lamang masanay sa akin,
Sa aking bagsik, nag-iisang kaluluwa, sa aking ngalan na nagpapatakbo sa kanilang lahat.
Kay maraming beses na nakita natin ang araw na nagliliyab, hinahagkan ang ating mga mata,
at sa may ulunan natin namahinga ang kulay-abong liwanag sa pag-alab.
Ang aking mga kataga'y umulan sa ibabaw mo, hinahagod ka.
Sa matagal na panahon minahal ko ang naarawang nakar ng iyong katawan
Hanggang ngayon iniisip ko na iyo ang sandaigdigan.
Dadalhan kita ng masasayang bulaklak mula sa kabundukan, mga bluebell,
matingkad na kastanyas, at mga pambukid na tiklis ng mga halik
Ibig ko
Na gawin kasama ka kung ano ang ginagawa ng tagsibol sa mga puno ng tseri.#
*Salin (pagtatangka) ni Severino Hermoso ng tula na "Juegas todos los dÃas" ("Every day you play") ni Pablo Neruda. Ito ay bahagi ng aklat ni Neruda na "Dalawampung tula ng pag-ibig at isang awit ng kawalang pag-asa".