malaon nang tinalikuran ng iba
dilang ibinigay nitong bayang sinta
mula noong iluwal ng lipunan
ang sanggol sa sinapupunan
mapait sa kabatiran niya
kumukurot sadya sa diwa
isinusuka ng mga anak ang sariling dila
habang pinag-iiging palitan
nang kung anong mayroon yaong mga dayo
mula sa kanluran
ipinagyayabang na animo kanila
tila ipinuprusisyon sa harap ng madla
mula ulo hanggang paa
mula talampakan hanggang bumbunan
silang nagmamalaki't nag-aastang banyaga
sa lupang tinalikuran na nila sa simula
noong piliing kanila
ang wika ng mga kanluranin
gayong dito sa silangan nakatanim
ang ugat kung saan sila nanggaling
hindi ko masukat kung anong dapat madama
kung tama bang kahabagan silang tumalikod na
sa ating pagkakayumanggi
sa kadakilaan ng ating lahi
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento