Sigaw sa Pugadlawin, hustong isang daan at labing-pitong taon mula noong una itong naganap. Sinusulat ko ito nang makailang ulit. Makailang ulit sa aking isip upang sa aki'y hindi mawaglit. Sa gitna ng mga nagpoprotesta sa Liwasang Bonifacio laban sa laganap na katiwalian sa pamahalaan namataan ko ang ilang mga musmos na hindi man direktang kalahok ay nakikiisa sa paghiyaw ng hinaing ng mga mamamayang patuloy na ninanakawan ng karapatang mamuhay ng marangal nitong iilang mga dayuhan at mga nasa kapangyarihan. Naroon sila sa tila bukal ng protesta laban sa pagsasalaula ng pangulo at ng kanyang mga kasapakat sa pork barrel (na galing sa pagod ng mamamayan). May pinaghahatian sila mula sa laman ng isang maliit na basong plastik.
sa may liwasang bonifacio
tatlong musmos ang naghahati-agawan
sa laman ng isang maliit na basong plastik:
nilagang mga butil ng mais
na binudburan ng pulbos
na lasang keso
sa malakanyang, kongreso at senado,
pinaghahatiang maibulsa
ng kalakhan ng mga pulitiko
ang kabang yaman ng bansa:
(pork barrel) bilyon-bilyong piso
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento