sino nga ba nag nagnanais
sa tuwing ang langit tumatangis
yaring pag-apaw ng mga batis
lilikha nang sanglaksang hinagpis?
kung sa bawat pagbuhos ng ambon
aawas ang tubig sa mga dam at ilog
hahayaan na lamang bang tayo'y ilugmok
nitong pagragasa ng baha at putik taun-taon?
aasa na lamang ba ang mga nayon at lungsod
sa awang wala naman sa mga pulitiko't panginoong
kumakamkam ng mga lupa at tubo sa matagal na panahon
habang sa mga tahanan hikahos ang baon-baon?
bawat segundo may kandilang itinutulos nang panalangin
bawat minuto may naghihingalo sa kahirapang sila ang dahil
bawat oras may pumapanaw sa kanilang pagkasakim
hanggang kailan ang itatagal ng pagtitiis?
hanggang saan ang hangganan ng pagtitiis?
hindi paghihintay ang pakikiramay
na maambunan tayo ng limos na sa atin papatay
hindi ito pag-asang maliligaw
sa ating pinto ang hustisya
sama-samang pagkilos natin ang pakikiramay
upang mga punla ng katarunga'y itanim
at sa kinabukasang nalalapit
lipunang 'di na paaapi ang ating aanihin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento