Sabado, Abril 25, 2009

[tula] tuloy ang laban

Walang komento:
pitong buwan humigit kumulang
ang ating pinagsamahan
kay raming luhang nanatak
kay raming pawis na tumagaktak
nanindigan at humarap
sa hamon ng init ng paghihirap
sa hambalos ng unos na yumakap

ilang gabing tila hindi mapaparam
kasama ang ilang tasang may umaasong kape
ang ating pinagsaluhan
at ilang latang biskwit na ating pinapak
upang tagalan ang lamig at antok
na sa gabi't gumagapang na bukangliwayway
sa ati'y bumabatok

kay raming mga kwentuhan at pag-ibig
ang ating nasaksihan
kay raming mga tuksuhan at tawanan
ang ating pinagtulungan
magkatabi sa pamamaluktot
doon sa kubol ng piketlayn
na ating madalas paghimlayan
sa tuwing katawan nati'y talaban ng pagod

sama sama tayo
sa halos lahat
masaya sa pagluluto at kainan
nagkakantahan at tawanan
may panahong nalulungkot man
atin lahat itong pinagtagumpayan

sama sama
sama sama tayo
at dito tayo nagkakilala
sa ating isinusulong na pakikibaka
dito tayo nagkakilala
sa tagumpay
na tinumbasan
ng ilang litro ng pawis at luha
na sa ati'y nagmula

sa simula
batid natin
sa sama-samang pagkilos
magtatagumpay tayo

at sa tagumpay
batid natin
sa sama-samang pagkilos
hindi tayo nagkamali

at mula dito
batid natin
sa sama-samang pagkilos
kailangan nating magpatuloy

dahil ang totoo
batid natin
sa sama-samang pagkilos
may higit pang malaking laban tayong ipapanalo

sa tagumpay na ito
batid natin
sa sama-samang pagkilos
ang laban nati'y magpapatuloy!


-"tuloy ang laban", severino hermoso

*alay sa tagumpay ng welga ng mga manggagawa sa KOWLOON HOUSE.


Image by FlamingText.com

Miyerkules, Abril 22, 2009

[tula] kordilyera (ii)

Walang komento:
kay tayog mo kagaya ng iyong mga bundok
kay gandang masdan sa lahat ng panahon
sumisikat man ang araw upang malinaw kang masilayan
o nalalambungan ka ng ulap
na humahaplos sa iyong ulunan
at naglalagos hanggang sa iyong paanan

hinihigit mo ang hininga ng bawat makakita
sa iyong mga tuy-ob na talagang kakaiba
sa laksa-laksa mong payaw na walang kasing ganda
tunay kang kahali-halina, mahal na kordilyera

dumadaloy kang payapa kagaya ng iyong karayan
tahimik na paalala ng iyong pagdaramdam
ang lamig ng iyong kristal na tubig
buhay ng iyong mamamayang kaibig-ibig


-"kordilyera (ii)", maria baleriz
Image by FlamingText.com

[tula] kung maaari lang maging bata habangbuhay

Walang komento:
umiiyak kapag nasasaktan
tumatawa kapag nasisiyahan
kumakanta at sumasayaw
nakasimangot kapag malungkot
nagsusulat, gumuguhit
ng mga palasyo at bahaghari
tahimik kapag nag-iisa
natatakot kapag may panganib na nakaamba
tumatapang kapag nasagad sa hamon
nagwawala, nagmamaktol
nagtatampo
nagseselos

ganito kami
ganito kami

ngumingiti kapag nakalabit
ang saya sa isip
humahalakhak ng walang patid
sa bawat sandaling dabarkads ay malapit
at naglalaro't naghaharutan
naghahabulan sa aming palaruan
paraiso ng aming mga luha't tawanan
samu't-saring kwentuhan
ng mga pangarap at imahinasyon
mundong umiinog sa pantasya at mahika
lipunang lipos ng saya
tila walang luhang doon ay magkakasya
pawang halakhak ang musika
doon sa mundong iginuguhit
malayo sa pagsasamantala
may mga tagapagtanggol
at kanya-kanyang bida
kung sakali mang magtangka
ang mga bad guys
mga multo at mothership ng kaaway
magtutulong-tulong kami
para ipagtanggol at pangalagaan
ang lipunang aming binuo
malayo sa panganib, pagsasamantala,
at panloloko
lipunang kung saan hindi problema
ang pagkain at damit
ang bahay at higaan
ang mga nukbok, lapis, at papel na gamit
doon sa loob ng bag na bitbit
kung maaari lang sana
kung maaari lang


maging bata habangbuhay


Image by FlamingText.com

Martes, Abril 21, 2009

[tula] apoy na lila

Walang komento:
may kakayanan kang palanguyin
ang bawat titik
doon sa talinghaga ng tinatawag
na pag-ibig

at tunay na maalab ang lila
na iyong hinihimig
upang iguhit ang pagsinta
sa daigdig

subalit higit na titingkad
ang alab ng lila
kung ang mga titik mo
pakikibaka din ang ipipinta

at bubuo ng mga kataga
na magsasalarawan
ng digmaan at paglaya
nitong bayang nakasadlak
sa pasakit at dusa
mga titik na hinuhubog
ang gintong pagsikat ng araw
sa bayang pinag-alayan
ng di mabilang na pagpanaw

-"apoy na lila", maria baleriz

Image by FlamingText.com

[tula] soneto sa gabi ng digma

Walang komento:
tahimik na nagpapaalam ang papalubog na araw
habang may pangakong bukas itong ating digmaan
sa sandaling ang araw ay di na matanaw
huwag sanang lumbay ang piliing makaulayaw
sa gabing lulukob sa ilalim ng iyong bunbunan
di sana lungkot ang kanyang mabungaran

sa musikang sinisimulan ngayong buuin ng mga kuliglig
ang mga titik ng puso ko'y kasabay na hinihimig
pinag-inam ko ang bawat pagtipa sa gitarang sa isip ko lang gumagana

nagsisimula ko nang madama ang bawat paglamig ng paligid
at sa bawat patlang katahimikan ang umiigid
subalit maigsi pa ding sinusulit itong aking alay na awit

di ko tiyak kong kanilang naiibig
ang bawat pagpailanlang ng himnong dumidilig
sa mga puno't halaman sa mga dahong lanta at luntian
sa mga insektong ang ilan ay nagliliparan
sa mga niknik at lamok at kuwago
mga tahimik kong tagapakinig

makita mo sanang may dahil na ngumiti
at sapat pa ding mayroong ipagbunyi
ang buwan at mga tala masigasig ding babati
magkukuwentong may wakas itong ating pighati
kung sa paglaban at sa paglaban lalagi
itong ating pakikibaka hahantong sa pagwawagi


-"soneto sa gabi ng digma", maria baleriz
Image by FlamingText.com

**ang soneto, bukod sa uri ito ng tulang may 14 na taludturan at may tugma na tungkol sa kaisipan at damdamin, ay nangangahulugang maliit na awit o tunog. Sa tulang ito (hindi soneto), ginamit sa pamagat ang soneto upang magbigay halaga sa munting awit.

Lunes, Abril 20, 2009

[tula] ang kulay ng pagsinta

Walang komento:
nagpaalam ang lila sa aking paningin
lumayo ang pula sandali
tanging kasama
luntiang paligid
kayumanggi at mga dahong lanta
subalit sa bawat anino
apoy at kulay apoy ang nakikita
(hindi itim)
kundi kulay
ng nag-aalab na pagnanasa
maganap ang araw
ng tunay na paglipad
ng sangkatauhang malaya
panahong nalupig na
silang mga sakim na kalaban

-"ang kulay ng pagsinta", severino hermoso
(ika-14 ng pebrero 2009)
Image by FlamingText.com

Linggo, Abril 19, 2009

[awit] Ang Tugon (Kinumpletong Bersyon)

Walang komento:

Ika’y paru-parong nangahas lumipad
Sa dilim ng gabi’y pilit na umalpas
Pagka’t hanap mo’y ningning at laya ng bukas
Sa aking mundo’y napadpad

At tulad ng iba ay nagmamahal din
Kahit malayo ay liliparin
Upang pag-ibig mo’y iparating
Sa rosas ng ‘yong paningin

Korus
Ako’y nagagalak at tayo’y magkasama
Sa bawat pangarap sa piling ng masa
Magkahawak-kamay sa pakikidigma
Para sa isang lipunang malaya

At kung mayroong unos at bagyong dumating
At tatag ng pag-ibig nati’y subukin
Sa isa’t-isa’y hindi hihiwalay
Digma’y ipagtatagumpay
…At sa isang pag-ibig na tunay at dakila


-"ang tugon (kinumpletong bersyon) ", musikang bayan


Image by FlamingText.com

Sabado, Abril 18, 2009

[tula] titser rebelyn

Walang komento:
titser
di ka namin malilimot
hahanap-hanapin ka namin
at di namin malilimot
ang mga aral mong isinalin
sa aming pagkataong
hinubog ng pang-aapi
at kagaya mo'y nasasaktan
nagdurusa kami

subalit tulad mo patuloy na lalaban
kagay din ng iyong huwarang ama
nakikibaka para sa panlipunang hustisya

titser
kagaya ng salitang nakakabit sa iyong pangalan
magrerebelde kami
hanggang hindi nakakamit
ang katarungan para sa iyo at sa iba
na karumal-dumal na pinaslang
nitong mapagsamantalang sistema
ng mga nasa pwesto
gamit ang kanilang mga berdugo't
bayarang mga sundalo
magrerebelde kami
para sa tunay na paglaya nitong bayan
na ang pagka-alipin
halos ilang daan taon na ang itinatagal
patuloy na nakagapos sa pang-aalipusta
sa kamay ng mga ganid sa tubo na dayuhan
at mga kakuntsaba nilang
nasa malakanyang

titser
hustisya ay aming tutugisin
para sa iyo at sa marami pang
hanggang sa kasalukuyan ay biktima pa rin
gaganti kami ng makataong hustisya
para sa iyo
at sa iniibig nating masa
magbabayad silang
may malaking pagkakasala

gusto nila ng digma?
ibibigay ng mamamayan
ang digmang sila ang nagsimula
tatapusin ng sambayanan
para sa katarungan
at ganap na paglaya

-"titser rebelyn", piping walang kamay
Image by FlamingText.com

Miyerkules, Abril 15, 2009

[tula] sandata

Walang komento:
hindi na lansangan
ang iyong kaulayaw
sa pagbaybay
ng mga taludtod

ngunit
putik at bota na
ang kapareha
sa pagbubuo
ng mga saknong

gamitin mong metapora
ang masukal na terrain
at pagkubli sa mga talahib

at mapangahas mong
ibigkas sa kaaway
ang iyong obra
hanggang sa ito'y
kumitil ng buhay

sapagkat ang manunulat
ay mandirigma

-"sandata", ka Luisa


Image by FlamingText.com

[tula] dinggin mo inang bayan

Walang komento:
umiiyak ang bawat mong sanggol
hindi dahil sa palo ng komadrona
o ng nagpaanak na doktor
kundi dahil sa kalagayang kanyang pinagsibulan
iniluwal sa lipunang
lipos ng pasakit at kahirapan

Image by FlamingText.com

[tula] hawak kamay

1 komento:
alam mo ba
naisip kita?
kahapon
at ngayon
habang kapiling ang tulad nating api
lalo't hawak ng masa ang aking kamay
noong tawirin namin ang mabatong karayan
mula sa mahigit isang kilometrong lakaran
naalal ko kasi
minsan mo ding hinawakan
itong kamay kong
nananakit at pagal
kinalinga mo
at maingat na nilunasan
kahit di pa bihasa
iyo pa ring sinubukanat epektibong guminhawa
ang pakiramdam

naalala kita
habang masayang magkasalo sa aming tanghalian
naisip ko sana nandito ka lang
at bahagi na din ng armadong paglaban

-"hawak kamay", maria baleriz
(nilikha noong ika-14 ng pebrero 2009)
Image by FlamingText.com

Martes, Abril 14, 2009

[tula] kordilyera

1 komento:
sayo tila nakahimlay ang hanging amihan
at nakahahalina ang awit ng iyong kalikasan
walang hindi kinakanlong ang mapagkalinga mong sinapupunan
katutubo man o dayuhan

hinehele mo ng iyong ilang libong taon ng kultura
ang kahit sinong sa kariktan mo'y mabisita
niyayakap ang lahat na anak
sa bisig mong umaawit ng kalayaan

tugtugin mo't ang alingawngaw ay hayaan
sa ganda ng bawat mong bundok, tuy-ob, at karayan
iparinig mo ang himig ng paglaya
na nagmumula sa iyong kalaleng
iparamdam mo sa mga kaaway
ang pagdagundong ng mga paa
sa bawat sandaling hahalik sila sa lupa
habang buong giliw na umiinddak
sa saliw ng pattong na kay ganda
at sinasabayan ng musikang nililikha nitong gangsa

Lunes, Abril 13, 2009

[tula] pagkilos

Walang komento:
ang paglaya sa pagkahimbing
nagsisimula sa paggising
at naisasakatuparan
sa maagap na pagbangon
mula sa higaan ng matagal na pagkalinlang
na inalok ng mga panginoong
sakim sa kapangyarihan
sa mamamayang pagal
sa maghapong trabaho
para sa busabos na kabuhayan

-"pagkilos", piping walang kamay
Image by FlamingText.com

Linggo, Abril 12, 2009

[tula] muli kang isinilang

Walang komento:
muli kang isinilang
at muli sa lipunan ng kahirapan
subalit sa sandaling ito
at panahon
higit na malala ang kalagayan
kaysa noon
mas masahol ang gutom
mas mababa ang kabuhayan
mas malubha ang sakit
ng mamamayan
mas nakaririmarim ang mga pagpaslang
sa mga aktibista man
o simpleng sibilyan
lalo pang dumarami ang bilang
higit pang nababaun sa utang
lalong naglalangoy sa mapanlinlang na karunungan
lalong nalulunod sa lihis na kultura

ibayong kalunos-lunos ang paglabag sa karapatan
sanglaksang katawan ang naging pataba
dagat na ng dugo ang dumilig sa lupa
ilang libong pawis na ba
ang tumulo't nagpatakbo sa mga makina?
ang mga luhang nanatak
dahil sa mga paglisan at pagsasamantala
magkakasya kaya sa sisidlang tasa
upang makapagkape ang kumakalam
ng mga sikmura?

muli kang isinilang
at muli mong nasaksihan
ang palala pa na palalang kalagayan
nitong ating mahal na inang bayan
may natupad ba sa ipinangako
ng mga naghahari-harian?
may magandang pagbabago ba na pangmatagalan
ang napakinabangan ngayon ng sambayanan
na hindi kinailangang may pagsamantalahan?
hindi ka pa ba nagsasawa
sa paulit-ulit at pasahol na kalakaran?
hindi ka pa ba nagigising sa katotohanan?

muli kang isinilang
at sa iyong kaarawan
mayroon akong katanungan:
mula sa mga kaganapan
na nabasa, narinig, nalaman, at nasaksihan
kailan ka lalahok sa nakikibakang bayan
upang pagtagumpayan ang kasalukuyang digmaan?


-"muli kang isinilang", maria baleriz


Image by FlamingText.com

[tula] no rid no rayt

Walang komento:
I.

kasama
turuan mo akong bumasa
upang mapamilyarisa ko
ang hubog ng bawat numero at letra
sa mga salita
at mga pangungusap
na nakaukit sa mga kwento
at nobela
na nakatatak sa mga kasaysayan
at talambuhay
ng mga martir at bayani
nitong ating digma

turuan mo akong bumasa
upang malaman ko ang bawat mensahe
sa mga sanaysay, balita at talumpati
sa mga alamat, kwento at epikong
nagsasalaysay ng mga aral
ng bawat makatarungang digmaan
na hangad ay kalayaan at katarungan

turuan mo akong bumasa
upang maunawaan ko ang naisulat sa bibliya,
sa mga libro, pahayagan, magasin at praymers
at polyeto
at sa gayun, matimbang ko
ano ang tama at wastong gawin
ano ang mali't di dapat sundin

turuan mo akong bumasa
ng mga parirala
ng mga parapo
ng mga saknong
ng mga talaan]ng mga korido
ng mg asoneto
ng mga elihiya
ng mga liham
ng mga babala
ng mga paalala
ng mga tula
upang higit kong makita ang ganda
at halaga ng bawat luha
pawis, at dugo, at buhay
at silbi ng bawat panulat
sibat, armas, bala, at espadang nakamamatay

II.

kasama
turuan mo akong sumulat
upang makagawa din ako ng ulat
sa kalagayan ng komunidad
kung saan ako nakapakat
at ang armas kong madalas yakap-yakap

turuan mo akong sumulat
upang masanay ako sa mga bilang at titik
sa bawat sandaling akin silang iguguhit

turuan mo akong sumulat
upang makalikha ako ng liham
sa pamilya at kaibigan
sa kakilala at kasama
sa karelasyon at bayang sinisinta
sa panahong malayo na ako sa piling nila

turuan mo akong sumulat
upang makagawa din ako
ng mga epiko't alamat
mga kwento't talambuhay
kung saan ang kasaysayan
ay aking tatahiin
mula sa buhay
ng mga dakilang anak ng rebolusyon
na tapat na naglingkod sa mamamayan
hanggang sa sa hukay sila ay maibaon

turuan mo akong sumulat
upang masubok ko din
ang pagbuo ng mga talumpati,
balita at sanaysay
kung saan hahabiin
ang ganda ng bawat karansan
mga aral ng pakikibaka at paglaban

turuan mo akong sumulat
upang mabuo ko ang mga nobela at tula
kung saan ko ilililok
ang kariktan ng bawat talinghaga
sa gitna ng kahirapang
araw-araw sa ati'y nagpala

turuan mo akong sumulat
upang matapos ko din
ang aking mga awit at dula
upang higit kong maipakita
bakit kailangan nating isulong ang digma
at sa gayon, makapag-ambag ako
ng aking mga hinuha
sa mga pagtatanghal
ng pag-arte, pagsayaw, at pag-awit
ng layong paglaya

III.

kasama
turuan mo akong sumulat at bumasa
sapagkat
di ko ibig na buong panahon
sa pakikinig at pagsasalita lang umasa
ibig ko ding mag-ambag
sa literatura ng ating pakikibaka
maibahagi ang aking diwa
na pinanday ng di mabilang na karanasan
ibigay ng buong-buo ang puso't kaluluwa
para sa masa
doon sa wika at panitikan
ng rebolusyong ating pinaglilingkuran


*naisulat mula sa inspirasyong halaw sa masa at mga kasama
na di natutong magbasa, sumulat, at bumilang ngunit aktibong bahagi at sumusuporta sa pakikibaka ng mamamayan para sa pananagumpay ng rebolusyon.

Image by FlamingText.com

Sabado, Abril 11, 2009

[tula] linlang

Walang komento:
hinampas ng M16 ang kanayang tagiliran
kasunod na ang kamaong marahas na bumigwas
dumapo sa sikmurang gutom at uhaw
humalik sa mukhang marusing at pawisan
tuluyan ng napaluhod sa kanyang lupang pinagyayaman
ang aping magsasakang dahas ang natikman
mula sa mga kamay ng mga berdugong militar

sakit ng katawan ang kanyang natamasa
hindi tinigilan hangga't di duguan
at lamog sa pasa ang yayat na katawan
bago nilisang ang lugar ng karahasan
pang-ayudang tadyak sa sikmura ang iniwan
hindi pa nakuntento dumako pa sa likuran
pati sa alulod at mukha dinamay na saktan

dinahas ng husto't tila papanawan na ng hininga
tuluyan na ngang sumuka ng dugo ang biktima
at ang bugbog na katawan nakatihaya sa lupa
iniwanan pa ng bantang babalik sila
matapos na linlangin ang aping magsasaka

pinapirma sa dokumentong tulong daw sa kanya
nitong pahirap at kurakot na gobernador nila
iyon pala'y kasulatan ng pagkakabenta
ililipat na ng pangalan ang lupang pinagyayaman niya
na mula pa sa kanyang ninuno namana
kapalit ang perang tulong daw sa kanya
bugbog na ang katawan niloko pa ng mga gahaman
iniwang halos walang buhay ang magsasakang sugatan

Image by FlamingText.com

[tula] kailan pa?

Walang komento:
isinilang kang baon sa utang
hindi mo pa man naiisip
ang pangarap mong kinabukasan

may tila rehas na pabigat
sa iyong paa naka angkla
matututo ka pa lang tumindig
inilugmok ka na
kasama ng iyong mga magulang at kapatid
kapamilya kaibigan kakilala
lahat may pagkakautang na dala dala
at habang buhay na binabayaran
hanggang sa hantungan mo
anim na pulgadang hukay
isang kahong kahoy o metal
ang di mo namamalayan
unti unti iyong binubuo
at pakunswelo sa sariling
hirap na hirap sa pagbabanat ng buto

sa araw araw iyong hinahabi
pangarap mong magandang buhay
hinuhubog mayari
ngunit sa dulo pala
ataol ng pagkaalipin
ang tropeyong maaangkin
mula sa mga dayuhang ganid
at mga naghahari-hariang sakim

kailan ka pa lalaban
sa sistemang sa iyo'y nagsakdal?
kailan ka pa lalaban
upang paghihirap ay wakasan?
kailan ka pa lalaban?
kailan pa?


Image by FlamingText.com

Biyernes, Abril 10, 2009

[tula]

Walang komento:
walang panahon ng Disyembre
sa ating rebolusyon
apoy ng tunggalian
ang lagi't-laging sisibol
sumisibol
init ng paglaban
mga kontradiksyon
pag-alab lang ang sangkot
at sa tuwi-tuwina'y
binibigyang tugon
bawat sandali ng pagdedesisyon
pakikibakang laging nanghahamon


Image by FlamingText.com

Huwebes, Abril 9, 2009

[tula] makata ng masa

Walang komento:
mapagbigay na makata ng masa
tulad ng ibang katangian mo
nai-inspire kaming maging mas
maunlad na manunulat
sa pamamagitan ng pagbasa
sa iyong mga likha

taglay man namin ang diwa
nitong rebolusyon katulad mo
ibang usapin ang maisaletra ito
kasing ganda ng mga akda mo

humayo kung gayon kasama
turuan mo sila roon
na bigyang hugis ang alab ng pakikibaka
ilabas mo ang makata sa bawat masa

iparamdam mong ang bawat isa'y
maaaring mamuhay kasing ganda ng tula
kung ilalaan nila ang kanilang buhay
at lahat-lahat na sa layuning mapagpalaya

humayo ka at iyakap kami sa kanila
sa kanilang ang bawat segundo ay sandata
sandatang pupuksa sa bawat pagsasamantala
na gumugutom, pumapaslang at nanunupil sa masa
na siyang nagtutulak sa katulad natin na sumulong
lisanin ang pamilya. kaibigan, at kasama
at tinatanging masa...

humayo ka
at bigyang dangal
ang bawat isa sa ating
pag-asa ng bukas
ngunit nakaluhod
inaapi ngunit nakangiti
na tila ba hinehele...

humayo ka't bigyang dangal
ang ating henerasyon
sa diwa lamang ng pag-ibig
sa masa't rebolusyon

humayo ka kasama
hahanapo-hanapin man-kita'y
ipinagbubunyi ko ang iyong paglisan
patungo sa kabundukan ng digmaan!


-mula sa liham-tula ni jess m. cale
isinaayos ni maria baleriz
(ika-20 ng Disyembre 2008)

Image by FlamingText.com

Miyerkules, Abril 8, 2009

[tula] gumising ka na makata

Walang komento:
sumulat kang muli makata
hindi ng mga patlang na tula
hindi ng mga bulag na talata
hindi ng mga piping talumpati
hindi ng mga manhid na salita




sumulat kang muli makata
at huwag nang sikilin
ang mga nagwawala mong tugma
huwag mong pigilan ang plumang sandata
na ibig magpahayag ng layong paglaya
plumang natitigib ng mga dugo at luha
plumang pinatapang ng di mabilang na takot
plumang hangad isalaysay ang di mabilang na kahirapan
plumang may kakayanang magmulat sa paglaban

huwag mong ipagkait sa masang api
ang yaman mong lumikha ng mga saknong na panggulpi
sa mga palalong tigre
mga talatang may pamatay na bigwas
sa dayong mga kaaway
at mga metaporang lulupig sa mga sakim sa yaman

sumulat kang muli makata
hindi ng mga patlang na tula
hindi ng mga bulag na talata
hindi ng mga piping talumpati
hindi ng mga manhid na salita

muli kang sumulat ng paglaban
armasan mo ang masang binubusabos
armasan mo sila ng mulat mong diwa
na pinanday ng laksang kaapihan
pagpapakasakit
kamatayan

sumulat ka ng awit na bumibira
ng libong punglo sa mapagsamantala
sumulat ka ng mga kwentong humahambalos
na tila dos por dos
sa alulod ng mga bwitreng ganid
sumulat ka ng mga nobelang nakikibaka
para sa tunay ng paglaya at hustisya
sumulat ka ng ma dulang yayanig
sa mga dayuhang sagadsagarin kung manibasib
sa lakas at yaman ng bayan mong amis

sumulat kang muli makata
doon sa mga ta-lon
doon sa mga pagawaan
doon sa mga opisina
doon sa mga tribu
doon sa mga eskinita
doon sa mga lansangan
doon sa mga waig
doon sa mga silid aralan
doon sa mga payaw
doon sa mga karayan
doon sa mga dalampasigan
doon sa kung saan
laganap ang pagsasamantala
sumulat kang muli
gumising ka at palayain
ang nahihimbing sa iyong makata!

-"gumising ka na makata", maria baleriz
(enero 13, 2009)

Image by FlamingText.com

[tula] walang bakasyon

Walang komento:
panahon ng pahinga
pamamasyal sa mga probinsya
pagpunta sa mga magagandang lugar
sa dalampasigan ng boracay, puerto galera
sa mga talampas ng davao
sa mga bundok ng cordillera
sa mga ilog ng laguna

panahon ng pagliliwaliw
kung saan sandaling lilisanin
ang lugar ng trabaho
ang mga paaralan
upang di umano
bigyang pabuya ang sarili
mula sa mahabang pagod
sa pag-aaral at trabaho

pero hindi naman tunay na pagpapahinga
sapagkat ganoon pa din
tumataas ang presyo ng bilihin
presyo ng langis muling umaakyat pataas
patuloy na dumadami ang walang trabahong matatag
dahil malawak ang tanggalan
sa mga pagawaan
at ang pagod tila walang hanggan
sapagkat walang hustisya sa mga biktima
para sa ating mga nilamon ng sistema

walang bakasyon
walang dagat na makapag-aalis ng pagod
mula sa walang habas na pambubusabos
walang kafagway o tagaytay
na magpapalamig sa init
ng pang-aapi sa mamamayan
na magpapahupa sa tindi ng kahirapang
yumayakap sa sambayanan


sapagkat hindi naman humihimpil ang pagluha
dulot ng sakit ng kahirapan
sapagkat hindi tumitigil ang pagnanakaw
nilang mga ganid sa tubo
sapagkat hindi humihinto ang kanilang pagsasamantala
sa ating dapat magtamasa ng karapatan
kay tagal ng sa atin ay pinagkait

walang bakasyon
dahil walang dahilan para tumigil kahit saglit
ang pagnanais na lumaya

walang pahinga sa pakikibaka
walang paghupa para sa paglaban
walang bakasyon para sa rebolusyon

Image by FlamingText.com

[tula] sa muli

Walang komento:
baon ko ang makotong nag-uumapaw sa aral
mga luha at pagod at sakripisyo
armas na tangan ko'y hindi bibitiwan
sandatang gamit para sa paglaya
saglit na mawawalay
sa piling ng mga dahon at mga halaman
sa tabi ng mga puno at kabundukan

hanggang sa muling pagkikita
magsasama din sa muli
ang ikaw at ako
doon sa kanayunan ng ating pakikibaka
bitbit sa muli
armas ng ating pakikibaka
sandata ng ating hangad na paglaya
sa kamay ng mga dayuhan
at lokal na mapagsamantala
pero sa muli
sa pagtapak muli nitong mga paa
hindi na lang ako ang makikita
kundi ang maraming iba pa
na layon ding lumaya mula sa pang-aapi
sapagkat ang pakikibaka sa piling mo
kukuha ng lakas para sa pananagumpay


Image by FlamingText.com

Linggo, Abril 5, 2009

[tula] pagbabalik?

Walang komento:
maingat ang bawat hakbang
pero nagtatalo ang isip at puso
kailangan ko nga bang lisan
ang lugar ng ating hantungan?

matao ang lugar
mainit kahit malamig naman
marahil dahil sa pagsisiksikan

nag uunahan
humahabol sa byahe
humahabol sa oras
at humahabol na may maupuan

ilang oras na lang
hindi na mga nagsisiksikang halaman
ang aking masisilayan
kundi mga nagsisiksikan barung-barong
sa tabi ng daan at mga estero
at ilalim ng tulay
hindi na mga ligaw na halaman
at mga insekto at mga damuhang nagtataasan
ang aking madalas makakasama
kundi mga batang naliligaw at walang tahanan
dahil sa epekto ng labis na pagsasamantala...

malapit na nga akong bumalik
at madarama ko na ang mga kamayan
at mga yakap na mahigpit
mula sa mahal kong pamilya
mula sa mga kaibigan at kasama
mula sa masa

pero napapaisip ang diwa
sa isang banda
hindi pagbabalik ang akmang salita
hindi naman talaga ako lumisan
patuloy kong tutugunan ang panawagan
para sa mga anak nitong bayan

makikibaka at lalaban
kaisa ng sambayanan
kaisa ang aking armas na tangan
ang panulat kong nananawagan
rebolusyon ang paraan
rebolusyon ang tunguhin ng mamamayan
para sa isang malayang lipunan

-ilang bahagi ng tulang "pagbabalik?" ni maria baleriz
Image by FlamingText.com