Linggo, Abril 12, 2009

[tula] no rid no rayt

I.

kasama
turuan mo akong bumasa
upang mapamilyarisa ko
ang hubog ng bawat numero at letra
sa mga salita
at mga pangungusap
na nakaukit sa mga kwento
at nobela
na nakatatak sa mga kasaysayan
at talambuhay
ng mga martir at bayani
nitong ating digma

turuan mo akong bumasa
upang malaman ko ang bawat mensahe
sa mga sanaysay, balita at talumpati
sa mga alamat, kwento at epikong
nagsasalaysay ng mga aral
ng bawat makatarungang digmaan
na hangad ay kalayaan at katarungan

turuan mo akong bumasa
upang maunawaan ko ang naisulat sa bibliya,
sa mga libro, pahayagan, magasin at praymers
at polyeto
at sa gayun, matimbang ko
ano ang tama at wastong gawin
ano ang mali't di dapat sundin

turuan mo akong bumasa
ng mga parirala
ng mga parapo
ng mga saknong
ng mga talaan]ng mga korido
ng mg asoneto
ng mga elihiya
ng mga liham
ng mga babala
ng mga paalala
ng mga tula
upang higit kong makita ang ganda
at halaga ng bawat luha
pawis, at dugo, at buhay
at silbi ng bawat panulat
sibat, armas, bala, at espadang nakamamatay

II.

kasama
turuan mo akong sumulat
upang makagawa din ako ng ulat
sa kalagayan ng komunidad
kung saan ako nakapakat
at ang armas kong madalas yakap-yakap

turuan mo akong sumulat
upang masanay ako sa mga bilang at titik
sa bawat sandaling akin silang iguguhit

turuan mo akong sumulat
upang makalikha ako ng liham
sa pamilya at kaibigan
sa kakilala at kasama
sa karelasyon at bayang sinisinta
sa panahong malayo na ako sa piling nila

turuan mo akong sumulat
upang makagawa din ako
ng mga epiko't alamat
mga kwento't talambuhay
kung saan ang kasaysayan
ay aking tatahiin
mula sa buhay
ng mga dakilang anak ng rebolusyon
na tapat na naglingkod sa mamamayan
hanggang sa sa hukay sila ay maibaon

turuan mo akong sumulat
upang masubok ko din
ang pagbuo ng mga talumpati,
balita at sanaysay
kung saan hahabiin
ang ganda ng bawat karansan
mga aral ng pakikibaka at paglaban

turuan mo akong sumulat
upang mabuo ko ang mga nobela at tula
kung saan ko ilililok
ang kariktan ng bawat talinghaga
sa gitna ng kahirapang
araw-araw sa ati'y nagpala

turuan mo akong sumulat
upang matapos ko din
ang aking mga awit at dula
upang higit kong maipakita
bakit kailangan nating isulong ang digma
at sa gayon, makapag-ambag ako
ng aking mga hinuha
sa mga pagtatanghal
ng pag-arte, pagsayaw, at pag-awit
ng layong paglaya

III.

kasama
turuan mo akong sumulat at bumasa
sapagkat
di ko ibig na buong panahon
sa pakikinig at pagsasalita lang umasa
ibig ko ding mag-ambag
sa literatura ng ating pakikibaka
maibahagi ang aking diwa
na pinanday ng di mabilang na karanasan
ibigay ng buong-buo ang puso't kaluluwa
para sa masa
doon sa wika at panitikan
ng rebolusyong ating pinaglilingkuran


*naisulat mula sa inspirasyong halaw sa masa at mga kasama
na di natutong magbasa, sumulat, at bumilang ngunit aktibong bahagi at sumusuporta sa pakikibaka ng mamamayan para sa pananagumpay ng rebolusyon.

Image by FlamingText.com

Walang komento: