tulad ng ibang katangian mo
nai-inspire kaming maging mas
maunlad na manunulat
sa pamamagitan ng pagbasa
sa iyong mga likha
taglay man namin ang diwa
nitong rebolusyon katulad mo
ibang usapin ang maisaletra ito
kasing ganda ng mga akda mo
humayo kung gayon kasama
turuan mo sila roon
na bigyang hugis ang alab ng pakikibaka
ilabas mo ang makata sa bawat masa
iparamdam mong ang bawat isa'y
maaaring mamuhay kasing ganda ng tula
kung ilalaan nila ang kanilang buhay
at lahat-lahat na sa layuning mapagpalaya
humayo ka at iyakap kami sa kanila
sa kanilang ang bawat segundo ay sandata
sandatang pupuksa sa bawat pagsasamantala
na gumugutom, pumapaslang at nanunupil sa masa
na siyang nagtutulak sa katulad natin na sumulong
lisanin ang pamilya. kaibigan, at kasama
at tinatanging masa...
humayo ka
at bigyang dangal
ang bawat isa sa ating
pag-asa ng bukas
ngunit nakaluhod
inaapi ngunit nakangiti
na tila ba hinehele...
humayo ka't bigyang dangal
ang ating henerasyon
sa diwa lamang ng pag-ibig
sa masa't rebolusyon
humayo ka kasama
hahanapo-hanapin man-kita'y
ipinagbubunyi ko ang iyong paglisan
patungo sa kabundukan ng digmaan!
-mula sa liham-tula ni jess m. cale
isinaayos ni maria baleriz
(ika-20 ng Disyembre 2008)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento