Miyerkules, Abril 8, 2009

[tula] walang bakasyon

panahon ng pahinga
pamamasyal sa mga probinsya
pagpunta sa mga magagandang lugar
sa dalampasigan ng boracay, puerto galera
sa mga talampas ng davao
sa mga bundok ng cordillera
sa mga ilog ng laguna

panahon ng pagliliwaliw
kung saan sandaling lilisanin
ang lugar ng trabaho
ang mga paaralan
upang di umano
bigyang pabuya ang sarili
mula sa mahabang pagod
sa pag-aaral at trabaho

pero hindi naman tunay na pagpapahinga
sapagkat ganoon pa din
tumataas ang presyo ng bilihin
presyo ng langis muling umaakyat pataas
patuloy na dumadami ang walang trabahong matatag
dahil malawak ang tanggalan
sa mga pagawaan
at ang pagod tila walang hanggan
sapagkat walang hustisya sa mga biktima
para sa ating mga nilamon ng sistema

walang bakasyon
walang dagat na makapag-aalis ng pagod
mula sa walang habas na pambubusabos
walang kafagway o tagaytay
na magpapalamig sa init
ng pang-aapi sa mamamayan
na magpapahupa sa tindi ng kahirapang
yumayakap sa sambayanan


sapagkat hindi naman humihimpil ang pagluha
dulot ng sakit ng kahirapan
sapagkat hindi tumitigil ang pagnanakaw
nilang mga ganid sa tubo
sapagkat hindi humihinto ang kanilang pagsasamantala
sa ating dapat magtamasa ng karapatan
kay tagal ng sa atin ay pinagkait

walang bakasyon
dahil walang dahilan para tumigil kahit saglit
ang pagnanais na lumaya

walang pahinga sa pakikibaka
walang paghupa para sa paglaban
walang bakasyon para sa rebolusyon

Image by FlamingText.com

Walang komento: