Sabado, Abril 25, 2009

[tula] tuloy ang laban

pitong buwan humigit kumulang
ang ating pinagsamahan
kay raming luhang nanatak
kay raming pawis na tumagaktak
nanindigan at humarap
sa hamon ng init ng paghihirap
sa hambalos ng unos na yumakap

ilang gabing tila hindi mapaparam
kasama ang ilang tasang may umaasong kape
ang ating pinagsaluhan
at ilang latang biskwit na ating pinapak
upang tagalan ang lamig at antok
na sa gabi't gumagapang na bukangliwayway
sa ati'y bumabatok

kay raming mga kwentuhan at pag-ibig
ang ating nasaksihan
kay raming mga tuksuhan at tawanan
ang ating pinagtulungan
magkatabi sa pamamaluktot
doon sa kubol ng piketlayn
na ating madalas paghimlayan
sa tuwing katawan nati'y talaban ng pagod

sama sama tayo
sa halos lahat
masaya sa pagluluto at kainan
nagkakantahan at tawanan
may panahong nalulungkot man
atin lahat itong pinagtagumpayan

sama sama
sama sama tayo
at dito tayo nagkakilala
sa ating isinusulong na pakikibaka
dito tayo nagkakilala
sa tagumpay
na tinumbasan
ng ilang litro ng pawis at luha
na sa ati'y nagmula

sa simula
batid natin
sa sama-samang pagkilos
magtatagumpay tayo

at sa tagumpay
batid natin
sa sama-samang pagkilos
hindi tayo nagkamali

at mula dito
batid natin
sa sama-samang pagkilos
kailangan nating magpatuloy

dahil ang totoo
batid natin
sa sama-samang pagkilos
may higit pang malaking laban tayong ipapanalo

sa tagumpay na ito
batid natin
sa sama-samang pagkilos
ang laban nati'y magpapatuloy!


-"tuloy ang laban", severino hermoso

*alay sa tagumpay ng welga ng mga manggagawa sa KOWLOON HOUSE.


Image by FlamingText.com

Walang komento: