di ka namin malilimot
hahanap-hanapin ka namin
at di namin malilimot
ang mga aral mong isinalin
sa aming pagkataong
hinubog ng pang-aapi
at kagaya mo'y nasasaktan
nagdurusa kami
subalit tulad mo patuloy na lalaban
kagay din ng iyong huwarang ama
nakikibaka para sa panlipunang hustisya
titser
kagaya ng salitang nakakabit sa iyong pangalan
magrerebelde kami
hanggang hindi nakakamit
ang katarungan para sa iyo at sa iba
na karumal-dumal na pinaslang
nitong mapagsamantalang sistema
ng mga nasa pwesto
gamit ang kanilang mga berdugo't
bayarang mga sundalo
magrerebelde kami
para sa tunay na paglaya nitong bayan
na ang pagka-alipin
halos ilang daan taon na ang itinatagal
patuloy na nakagapos sa pang-aalipusta
sa kamay ng mga ganid sa tubo na dayuhan
at mga kakuntsaba nilang
nasa malakanyang
titser
hustisya ay aming tutugisin
para sa iyo at sa marami pang
hanggang sa kasalukuyan ay biktima pa rin
gaganti kami ng makataong hustisya
para sa iyo
at sa iniibig nating masa
magbabayad silang
may malaking pagkakasala
gusto nila ng digma?
ibibigay ng mamamayan
ang digmang sila ang nagsimula
tatapusin ng sambayanan
para sa katarungan
at ganap na paglaya
-"titser rebelyn", piping walang kamay
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento