at muli sa lipunan ng kahirapan
subalit sa sandaling ito
at panahon
higit na malala ang kalagayan
kaysa noon
mas masahol ang gutom
mas mababa ang kabuhayan
mas malubha ang sakit
ng mamamayan
mas nakaririmarim ang mga pagpaslang
sa mga aktibista man
o simpleng sibilyan
lalo pang dumarami ang bilang
higit pang nababaun sa utang
lalong naglalangoy sa mapanlinlang na karunungan
lalong nalulunod sa lihis na kultura
ibayong kalunos-lunos ang paglabag sa karapatan
sanglaksang katawan ang naging pataba
dagat na ng dugo ang dumilig sa lupa
ilang libong pawis na ba
ang tumulo't nagpatakbo sa mga makina?
ang mga luhang nanatak
dahil sa mga paglisan at pagsasamantala
magkakasya kaya sa sisidlang tasa
upang makapagkape ang kumakalam
ng mga sikmura?
muli kang isinilang
at muli mong nasaksihan
ang palala pa na palalang kalagayan
nitong ating mahal na inang bayan
may natupad ba sa ipinangako
ng mga naghahari-harian?
may magandang pagbabago ba na pangmatagalan
ang napakinabangan ngayon ng sambayanan
na hindi kinailangang may pagsamantalahan?
hindi ka pa ba nagsasawa
sa paulit-ulit at pasahol na kalakaran?
hindi ka pa ba nagigising sa katotohanan?
muli kang isinilang
at sa iyong kaarawan
mayroon akong katanungan:
mula sa mga kaganapan
na nabasa, narinig, nalaman, at nasaksihan
kailan ka lalahok sa nakikibakang bayan
upang pagtagumpayan ang kasalukuyang digmaan?
-"muli kang isinilang", maria baleriz
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento