Miyerkules, Abril 8, 2009

[tula] gumising ka na makata

sumulat kang muli makata
hindi ng mga patlang na tula
hindi ng mga bulag na talata
hindi ng mga piping talumpati
hindi ng mga manhid na salita




sumulat kang muli makata
at huwag nang sikilin
ang mga nagwawala mong tugma
huwag mong pigilan ang plumang sandata
na ibig magpahayag ng layong paglaya
plumang natitigib ng mga dugo at luha
plumang pinatapang ng di mabilang na takot
plumang hangad isalaysay ang di mabilang na kahirapan
plumang may kakayanang magmulat sa paglaban

huwag mong ipagkait sa masang api
ang yaman mong lumikha ng mga saknong na panggulpi
sa mga palalong tigre
mga talatang may pamatay na bigwas
sa dayong mga kaaway
at mga metaporang lulupig sa mga sakim sa yaman

sumulat kang muli makata
hindi ng mga patlang na tula
hindi ng mga bulag na talata
hindi ng mga piping talumpati
hindi ng mga manhid na salita

muli kang sumulat ng paglaban
armasan mo ang masang binubusabos
armasan mo sila ng mulat mong diwa
na pinanday ng laksang kaapihan
pagpapakasakit
kamatayan

sumulat ka ng awit na bumibira
ng libong punglo sa mapagsamantala
sumulat ka ng mga kwentong humahambalos
na tila dos por dos
sa alulod ng mga bwitreng ganid
sumulat ka ng mga nobelang nakikibaka
para sa tunay ng paglaya at hustisya
sumulat ka ng ma dulang yayanig
sa mga dayuhang sagadsagarin kung manibasib
sa lakas at yaman ng bayan mong amis

sumulat kang muli makata
doon sa mga ta-lon
doon sa mga pagawaan
doon sa mga opisina
doon sa mga tribu
doon sa mga eskinita
doon sa mga lansangan
doon sa mga waig
doon sa mga silid aralan
doon sa mga payaw
doon sa mga karayan
doon sa mga dalampasigan
doon sa kung saan
laganap ang pagsasamantala
sumulat kang muli
gumising ka at palayain
ang nahihimbing sa iyong makata!

-"gumising ka na makata", maria baleriz
(enero 13, 2009)

Image by FlamingText.com

Walang komento: